Ang Pag-alaala

40 7 1
                                    

Kinabukasan, hindi pa rin tumitila ang ulan. Napanatili nito ang lakas at ang dalang hangin nito. Balot na balot sa kumot si Nalu dahil sa lamig ng panahon. Magtatanghali na nang magising si Nalu. Bakas pa rin sa kanyang mga mata ang pag-iyak niya dahil ito ay namumugto pa at namumula.

Tulalang nakaupo si Nalu sa tabi ng bintana habang tinititigan ang pagbagsak ng ulan. Pinipilit na burahin sa isipan ang nangyari kahapon. Pero kahit na anong gawin niya ay para bang hindi niya ito makalimutan. Biglang kumatok si Lola Rosa kung saan naroroon si Nalu.

"Apo, Nalu, kumusta naman na ang pakiramdam mo?"

Hindi sumagot ang batang si Nalu. Makikita sa itsura niya na hindi niya gusto na makita ang kanyang Lola Rosa.

"May dala akong sopas. Kakaluto ko lang iyan. Kumain ka muna at alam kong gutom ka na. Kahapon ka pa hindi kumakain. Dali at baka lumamig ito. " pag-anyaya nito.

"Bakit? " ang tanging salitang lumabas sa bibig ni Nalu habang patuloy sa pagtitig sa bintana.

Nagulat si Lola Rosa sa sinabi ni Nalu. Hindi niya aakalain na sa murang edad nito ay para bang matanda na ang kaharap niya.

"Apo, kumain ka na muna. "

Hindi kumikibo si Nalu. Napaupo si Lola Rosa sa isang upuan katabi ng bintana, kaharap si Nalu. Hinawakan niya ang mga kamay nito. Tiningnan ni Nalu ang kanyang Lola Rosa direkta sa mata, hindi niya namalayan na tumutulo na naman pala ang mga luha nito at naging dahilan upang umiyak ulit siya. Biglang hinagkan ni Lola Rosa si Nalu upang patahanin niya ito. Ramdam na ramdam ni Lola Rosa ang bigat at sakit na dinadala ng batang Nalu. Hindi niya rin naman masisisi ito.

Patuloy sa pagkalong at pagyakap ni Lola Rosa sa kanyang apo. Nang kalaunan ay unti-unti na itong tumigil sa pag-iyak. Pinunasan ni Lola Rosa ang mga luha na nanggaling sa mga mata ni Nalu gamit ang mga kamay nito.

"Nalu, basta lagi mong tatandaan na mahal na mahal ka ng mga magulang mo. At syempre mahal na mahal din kita. Hinding-hindi kita pababayaan anuman ang mangyari. "

Sa mga sinabi ng lola nito ay para bang guminhawa ng kaunti ang nararamdaman ni Nalu. Isang maliit na ngiti ang naisagot ni Nalu.

"Halika at kain ka na ng sopas. Masarap iyan. " nakangiting sabi ni Lola Rosa.

"Sige po Lola Rosa. " sagot ni Nalu.

Hindi na nakayanan ni Nalu ang gutom kaya sinimulan na niya itong kainin. Sa gilid kung saan siya kumakain ay naroroon si Lola Rosa, tinitingnan ang apong gutom, pagod kaiiyak, at nasaktan sa mga nangyari. Alam niya na hindi pa nito maiintindihan ang lahat. Lahat-lahat.

Nakatatlong ulit si Nalu sa pagkain ng sopas at ngayon ay busog na ito. Tuwang-tuwa naman ang Lola Rosa nito dahil kahit papaano ay nakalinutan nito ang mga nangyari dahil natuon siya sa pagkain ng sopas.

Aminado naman si Lola Rosa na hindi pa sila magkasundo masyado ng kanyang apo dahil sa tuwing bakasyon lang naman niya ito nakikita at nakakasama. Kaya binabalak niyang ipalagay ang loob nito sa kanya. Gagawin niya ang lahat para sa kanyang apo.

Hindi naman kalakihan ang tinitirhan ni Lola Rosa ngayon. Wala ring telebisyon o kaya telepono. Pero ang tanawin naman ay sobra ang ganda. Simple lang ang buhay nila roon, buhay probinsya talaga kung tatawagin at isa pa ay dahil nga malayo sila sa siyudad. May mga kapitbahay rin siya roon, bilang nga lang dahil magkakalayo ang mga pagitan ng mga bahay nila sa isa't isa.

Nang makaligo na si Nalu at nakapagbihis ay pumunta siya sa sala at doon ay inilatag niya ang kanyang mga laruan at sinimulang maglaro. Isa sa mga paborito niyang laruan ay ang bigay ng kanyang inang si Rhea noong siya ay nagpitong taon na tren na mayroong riles.

Unti-unti na ring tumitila ang ulan at nagliliwanag ang kalangitan. Eksaktong alas-tres ng hapon ay napinta na ulit sa kalangitan ang kulay asul nitong kulay, kasabay ng pagpapakita ng haring araw at pagsikat nito.

Niligpit ni Nalu ang mga laruan niya at nagpaalam kung maari ba siyang lumabas, at pinayagan naman ito ng kanyang Lola Rosa at pinaalalahanan na huwag masyadong lumayo dahil naghahanda siya ng kanilang meryendang kakainin.

Mabagal na naglakad palabas ng silong ng bahay si Nalu, iniisip pa rin ang kanyang Ina at Ama. Iniisip kung kailan siya nito babalikan. Kung babalikan pa ba siya o tuluyan na siyang lilimutin kasama sa piling ng kanyang Lola Rosa.

Dahil katatapos pa lang ng ulan ay maputik ang bakuran ng bahay ni Lola Rosa. Maraming mga tanim na halaman dito, samu't sari, may mga gulay at mayroon pang iilang tanim na prutas. Mayroon ding mga halamang medisinal. Malawak ito at tanaw ang magandang kalapit bundok nito. Maririnig na rin ang pagkanta ng mga ibon kasabay ng pagsayaw ng uhay ng mga tanim na halaman.

Sa paglabas ni Nalu sa bahay ay agad na naakit ang kanyang mga mata sa mga halamang tanim. Para sa isang bata, ay pawang nakapapawi ng ito ng nararamdam, dahil may iba't ibang klase ito. At hitik din ito sa mga kulay. Tunay na nakawawala ng problema kumbaga. Sa muling pagpapakita ng araw ay kasabay nito ang pagpapakita rin ng isang inosenteng ngiti mula sa mga labi ni Nalu. Tuwang-tuwa siya at nakuha pa niyang pitasin ang bulaklak na gumamela. Pagkatapos niyang sipatin ang lahat ng mga tanim, ay agad siyang naglaro sa putikan. Kumuha siya ng isang mahabang patpat at gumuhit sa putik ng isang malaking puso. Tinitigan lang niya ito.

Bumalik sa wisyo si Nalu ng biglang lumabas si Lola Rosa at tinawag siya upang kumain ng meryendang turon na saging na may langka.

"Nalu, maghugas ka muna ng iyong kamay, dahil naglaro ka sa putikan. Pagkatapos ay sabay tayong kumain ng turon na iniluto ko. " ang sabi ni Lola Rosa.

"Sige po. " sagot ni Nalu.

Agad itong pumasok sa loob at naghugas ng kamay. Nang natapos siyang maghugas ng kamay ay nagpunas ito sa tuwalyang nakasabit sa pinto. Papunta na sana siya sa kusina, nang makita niya ang isang hilera na mga litrato. Naroon ang litrato ng kanyang inang si Rhea noong ito ay maliit pa lamang kasama ang kanyang Lola Rosa. May litrato na kung saan ay nasa isang dalampasigan sila at buhat-buhat ni Lola Rosa si Rhea. Mayroon ding litrato nang nakapagtapos si Rhea ng elementarya hanggang kolehiyo. Pero may isang litratong nakakuha ng pansin ni Nalu, kung saan ito lamang ang litratong nakatalikod sa lahat. Akmang ihaharap niya ito nang tawagin siya ng kanyang Lola Rosa na noon pa man ay nasa likuran na ni Nalu at tinitingnan kung ano ang gagawin nito.

"Apo, anong ginagawa mo diyan?"

Nang Pumatak Ang UlanWhere stories live. Discover now