Simula

146 7 0
                                    

Simula

"NAND'YAN na ang mga bandido!" imporma ng isang lalaki na bakas ang takot sa boses.

Dahil sa sigaw niyang iyon ay nataranta ang mga nagbebenta at mga namimili sa kanila. Mabilis na nagtago at tumakbo palayo ang ilan samantalang mabilis na itinago ng mga nagbebenta ang kanilang mga pinagbentahan.

"Tanda! Nasaan na ang iyong mga pinagbentahan?!" maangas na tanong ni Karlos, ang lider ng mga bandido.

"W-wala pa akong benta, iho." Nanghihina man ngunit kababakasan ng takot ang matandang babae.

Napaismid si Karlos at sinipa ang tabla na siyang pinagpapatungan ng mga ibinebenta nitong mga mumurahing alahas. Bago pa man makakilos ang matanda para pulutin ang kanyang mga paninda ay tinutukan na siya ni Karlos ng espada sa leeg.

"Wag n'yo nga akong lokohin! Sa dami ng tao ngayon, imposibleng wala pa kayong benta kahit isa!" singhal niya at tiningnan ng masama ang ilan pang nagtitinda roon. "Mga kasama! Kolektahin ang mga pinagbentahan nila!"

Natakot lalo ang mga nagtitinda. Naaawa man sila sa kasamahang tindera ay hindi sila maaaring tumulong sa takot na sila ang pagbalingan ng mga ito. Karamihan pa naman sa kanila ay may edad na at mahihina na talaga. Agad namang tumalima ang mga kasamahan ni Karlos para sundin ang sinabi niya.

Nariyan ang sapilitang pagkuha nila sa supot na naglalaman ng pinagbentahan ng mga ito. May ilan din naman na kusa ng ibinigay ang kanilang kita para hindi na sila masaktan pa.

Ganoon ang tagpo na nadatnan ng isang nilalang na may suot na itim na kapa. Malaki ang hood niyon kaya hindi agad matutukoy kung anong uri niya. Nakasimangot niyang pinagmamasdan ang mga walang pusong bandido. Sa tingin nga niya ay mas maitim pa ang budhi ng mga ito kaysa sa itim na kapang suot niya.

Napailing na lang siya at kumuha ng mga batong kasing laki ng palad niya. Inipon niya iyon sa laylayan ng cloak para hindi siya mahirapang magdala. Naglakad-lakad siya sa ganoong ayos hanggang sa makakita siya ng magandang pwesto. Napangiti siya ng malawak bago batuhin isa-isa ang mga bandido mula sa kinaroroonan niya.

"Sinong lapastangan ang may gawa no'n?!" nanggagalaiting sigaw ni Karlos. Kanya-kanya rin ng reklamo at reaksyon ang mga kasamahan niya na dumudugo ang ulo at may mga galos sa katawan.

Hindi na rin naman nagtataka ang mga nagtitinda sa nangyayari. Sa tuwing may mga bandidong dumarating ay may sumusulpot para iligtas o tulungan sila. Hindi man nila kilala kung sino iyon ay sobra-sobra ang pasasalamat nila.

Samantala, abala ulit siya sa paghahanap ng pwesto. Maingat siyang umaakyat sa isang puno hanggang sa makapunta siya sa sanga. Saglit siyang nagpahinga bago magsimulang mambato ulit. Plano niyang ubusin na ang mga bato dahil nabibigatan na siya. Bahala na kung ano ang mangyayari kapag nahuli siya.

Wala namang nagawa ang mga bandido nang sunod-sunod na ang pagbato ng lapastangan sa kanila. Napayuko sila at pinakiramdaman ang pinanggagalingan ng mga bato hanggang sa tumigil ang pangahas. Naghintay pa sila ng ilang segundo bago pinilit ang mga sariling umayos ng tayo.

"Nasa taas ng puno!" agad na imporma ng isa sa mga bandido. Nakaturo pa ito sa punong tinutukoy nito.

Tumingin silang lahat doon para lang makita ang isang nilalang na nababalot ng itim na kapa. Hindi nila makita ang buong mukha nito at hindi rin nila matukoy kung babae ito o lalaki ngunit nasisiguro nilang nakangiti ito sa kanila dahil nakalabas ang ibabang parte ng mukha nito sa hood.

Nakangiti niyang pinagmamasdan ang mga nasa ibaba. Kumaway siya habang hawak ang natitirang isang bato sa kamay. Akmang ibabato niya na ito nang biglang magyukuan ang mga bandido para takpan ang ulo. Mahina siyang napatawa sa kanila. Nang mag-angat ng tingin ang mga ito ay inulit niya ang ginawa at ganoon din ang nangyari. Sa ikatlong beses ay ganoon pa rin ngunit sa ikaapat ay hindi na.

Nakaramdam ng iritasyon si Karlos dahil alam niyang pinaglalaruan na lamang sila ng nasa itaas. Naaabala na nito ang pangongolekta niya sa mga kita ng mga nagtitinda. Kailangan na nilang bilisan para makaalis na agad sila bago pa man dumating ang mga delta.

"Ang ilan sa inyo ay ipagpatuloy ang pangongolekta! At ang mga natitira ay huhulihin ang pangahas na iyan!" malakas na utos ni Karlos sa mga kasamahan.

Napailing na lamang siya sa katigasan ng bungo ng lalaki. Patalon siyang bumaba ng puno at nag-umpisang sugurin ang malalapit sa kanya. Sa bawat kilos niya ay nag-iingat siyang hindi maalis ang hood na nagtatago sa katauhan niya.

Ganoong tagpo ang naabutan ng mga delta at ng beta na si Alexandrov.

"Ang mga delta!" sigaw ng lalaking unang nakapansin sa pagdating nila.

Sa lakas ng sigaw na iyon ay imposibleng walang makarinig sa ibinalita nito. Ngunit mukhang ganoon na nga dahil hindi pa rin tumitigil sa pakikipaglaban ang nakasuot ng itim na kapa. Tumigil lang ito nang napatumba na niya ang mga bandido.

Sa lahat ng nilalang na naroon ay tanging ito lamang ang kumikilos. Bagay na ipinagtataka ni Beta Alexandrov. Imposibleng hindi nito naramdaman ang presensya nila ngunit posible ring hindi lang talaga sila pinapansin nito.

Pinulot nito ang mga supot na naglalaman ng pera kaya aktong susugod ang mga delta sa pag-aakalang nanakawin nito ang mga iyon na agad namang pinigilan ng Beta.

"Just wait and watch."

Sinunod ng mga delta ang sinabi niya. Nakita nilang ibinalik nito iyon sa mga nagtitinda na para bang alam na alam nito kung kanino dapat ibalik ang mga supot. At nang matapos ay walang lingon itong umalis.

Yayımlanan bölümlerin sonuna geldiniz.

⏰ Son güncelleme: Jan 21 ⏰

Yeni bölümlerden haberdar olmak için bu hikayeyi Kütüphanenize ekleyin!

Sold to the AlphaHikayelerin yaşadığı yer. Şimdi keşfedin