"Nice game, Jarmcel! Salamat sa pagsama sa practice game namin ha." Iniabot ni Franco ang kamay nito para makipagkamay sa binatang nasa harapan nito.

Imbes na hawakan ang kamay ng binata, tinapik lang ni Jarmcel gamit ang palad nito, kasabay ng parang walang kagana-ganang tono. "Yeah. Nice game din."

Pansin ni Franco ang tamlay sa sagot ng kaklase dahil alam niya rin naman na naiinis ito sa kanya. Hindi dahil sa magkasingtangkad sila, magkasingkatawan, o magkasing-galing sa paghawak ng bola ng basketball .. kundi dahil sa ideyang gusto ni Franco ang bestfriend ng lalaking ito.

Halos ilang isang linggo na rin walang imikan ang magkaibigan mula nung pinapili ni Jarmcel si Charles kung lilipat ba siya sa tabi nito sa bus o hindi. Kakabit ng tanong kung may gusto nga ba siya kay Franco o wala.

Hindi naging madali sa dalawang taong nakasanayang mag-usap tungkol sa kahit anong bagay, magkasama saan man parte ng labas o loob ng unibersidad .. na hindi magpansinan ng ilang araw. Mas okay siguro kung parehas nilang napagdesisyunan na wag munang mag-usap pero ang siste ay nadala lang sila sa kani-kanilang magulong emosyon na nagdulot ng naputol na komunikasyon.

Sa pagkakataong ito, si Jarmcel ang unang kumibo. "Magpapalit lang ako ng damit Brad, sabay na tayo."

Narinig ng klaro ni Charles ang sinabi ng kaibigan niya, at kung paano binanggit nito ang salitang 'Brad'. Para sa kanya, may pagka-ilang na siyang naramdaman nung binigkas ito ng kaibigan. Wala naman nagbago sa bestfriendship nila, pero kahit hindi magkatugma .. ang salitang 'Brad' ay kapartner ng pagtawag niya kay Jarmcel na 'Crush' niya. At dahil dun, hindi na yun akma sa present situation lalo na't ongoing ang Oplan Uncrush ng binata.

Nakabalik din naman agad si Jarmcel sa pagpapalit ng damit nitong ginamit panlaro. Agad nanakbo sa kung saan niya sinabing maghintay ang kaibigang kinibo niya pagkatapos ng anim na araw.

"Nakauwi na sila?" Pagbati nito sa nakatalikod na si Charles.

"Ahh. Oo. Pero nandyan pa si Franco."

"Ha? Bakit naman?" Banas na banas si Jarmcel matapos ang laro pero ramdam niya na mas nag-init yata ang ulo niya dahil hanggang sa pag-uwi, di niya lulubayan si Charles.

"Taga-rito sa Barangay na'to si Franco, diba? Malapit lang naman daw bahay niya, babalik din agad siya." Maayos at magaang ineksplika ni Charles ang sitwasyon sa kaibigan. Nakangiti rin ito kahit na may pagka-ilang ito dahil pinag-uusapan nila yung taong kinaayawan ni Jarmcel para sa kanya.

"Bakit pa siya babalik, eh kaya naman kita ihatid?"

"Ha? May kukunin lang daw siya." Hindi naman nagsisinungaling si Charles dahil yun naman talaga ang sinabi ni Franco sa kanya. Sa katunayan, tumanggi na rin naman ito na ihatid siya ng binata dahil nauna ng magsabi si Jarmcel na magkasabay silang uuwi. Alam niya kasi na baka may mabuong tensyon kapag naiwan silang tatlo ng sila-sila lang.

"Charles Mariano .." Minsan lang banggitin ng seryoso ni Jarmcel ang buong pangalan ng kaibigan ".. nagpapaligaw ka na ba talaga sa lalaking yun?"

"H-ha? A-ano?"

"Narinig at nakita ng dalawang mata ko nung tinanong ka niya ng ganun. Pumayag ka na ba? Or um-oo ka na ba?! Kayo na ba?!" Sa bawat bigkas ng tanong ni Jarmcel ay pataas ng pataas ang boses nito.

"A-ano bang sinasabi mo Jarmcel?" Ani ni Charles.

"Tignan mo .. 'Jarmcel' na talaga tawag mo sakin dahil kay Franco na yan."

"Ha? E ano ba itatawag ko sayo? Crush?! Di ba nga ayaw mo ng ganun? Kaya Jarmcel nalang, tapos!" Di nila namalayan na matapos ang ilang araw na walang imikan ay panibagong away lang na naman ang magsisimula.

"At bakit mo naman nasabi na dahil kay Franco?" Dagdag pa ni Charles habang nakaharap na sa kaibigan nito. "Ano bang meron kay Franco kaya ayaw na ayaw mo sa kanya? Ha?"

"Ngayon, mas pinapaboran mo na siya kaysa sakin na bestfriend mo." Inis na giit ni Jarmcel. "Kasi ba hindi na ako ang crush mo at si Franco na ang bago mo? Ganun ba yun?"

"Jarmcel, ano bang mga pinagsasabi mo?" Magkahalong emosyon ang nararamdaman ngayon ni Charles. Una, inis dahil sa para bang wala ng katapusan ang pagtatalo nilang dalawa. At lungkot, dahil sa nakikita niyang kinabukasan na baka hindi na sila magkaibigan, tuluyan ng mawala.

"Crush mo ba si Franco? Gusto mo na rin ba siya?" Muling pagtatanong ni Jarmcel.

Nakakatawang isipin na ang pinag-aawayan ng mag-bestfriend na Jarmcel at Charles ay tungkol sa pagkakameron lang ng CRUSH. Na kung bakit hindi na si Jarmcel ang crush nito at bakit si Franco na. Kung iisipin, para silang bumalik sa pagka-elementary na big deal ang salitang 'Crush'.

Pero, base sa kung paano sabihin at banggitin ng dalawang college student ang salitang ito .. mas matinding emosyon ang nakapaloob dito. Naitatago lang nila sa simpleng salitang 'Crush' at 'paghanga' at 'pagkagusto'. Maski silang dalawa ay walang kaalam-alam na sa likod pala nun, 'pag-ibig' na pala ang tunay na kanilang pinaghuhugutan.

"Crush mo ba si Franco? Gusto mo na rin ba siya?"

"Oo! Sige, sabihin na nating hindi na ikaw ang Crush ko. Si Franco na ang gusto ko." May bigat sa bawat salitang binitawan ni Charles kay Jarmcel. Ganun din ang mga tanong pang kasunod nito. "Pati ba yun pipigilan mo? .. Pati ba yun pagbabawalan mo?"

"Oo, Charles! Oo!"

"Bakit Jarmcel? Bakit mo ginagawa 'to?"

"KASI NAGSESELOS AKO! NAGSESELOS AKO KAY FRANCO! NAGSESELOS AKO KASI SIYA NA ANG CRUSH MO AT HINDI NA AKO! OKAY NA BA, CHARLES? MALIWANAG NA BA SAYO?"


*** End of Chapter 17 ***

I hope you enjoy this chapter 😍

If you do, please remember to comment and vote -- it really means a lot for me! 🤩🙂

Crush LifeWhere stories live. Discover now