꧁ ҳҳҳıı | тяєιηтα у ᴅσѕ

Start from the beginning
                                    

Sa tono ng pagkukuwento at sa kurba ng ngiti ni Ibarra ay hindi mapagkakaila na isa sa mga pinakamasasayang punto ng buhay niya ang kanyang karanasan sa Europa.

"Binibini, Don Crisostomo, natapos ko na po ang paglilinis," tinig ni Albino na bigla naming narinig.

Halos sabay kaming napalingon ni Ibarra sa aming likuran at doon nga ay nasilayan namin si Albino na nagpupunas ng pawis. Nasa labas na rin ang mga ginamit naming panglinis na mga balde at ang mga panlampaso.

"Albino, ikaw ay maupo muna rito't magpahinga," ang bilin ko.

"Hindi na, binibini. Kailangan na po nating lumisan sapagkat nalalapit na ang pagsapit ng toque de queda. Hindi rin matutuwa ang doña kapag nalaman niya ito," matigas na tugon ni Albino.

Natahimik ako bigla dahil do'n. Ngayon ko lang ulit naalala na hindi nga pala angkop na magpagabi sa panahong ito. Masyado akong nawili sa pagpapalitan namin ng salita ni Ibarra.

Natigil ako sa pag-iisip dahil tumayo si Ibarra. Dahil doon ay tumayo na rin ako at humarap kay Albino para sabihing aalis na kami. Agad namang nagprisinta si Ibarra na samahan kami sa daan dahil may kalayuan ang pangunahing kalye sa matandang bahay. Wala na kasing nagdaraang mga kalesa rito dahil malalim na ang gabi.

Agad akong napapikit ng mariin dahil sa naalala. Nilapitan ko si Albino habang abala si Ibarra na siguraduhing nakasara ang lahat ng binuksan namin kanina sa bahay.

"Albino, nakaligtaan natin ang kalesang ginamit nang tayo ay pumunta sa libingan," bulong ko sa kanya.

Kinakabahan ako na baka manakaw iyon at kunin ng ibang tao. Kapag nangyari 'yon ay hindi ko alam kung paano ipaliliwanag sa may-ari ang nangyari.

"Huwag po kayong mag-alala. Nang ako'y nasa labas ng tahanan ay nakasalubong ko ang aking compadre. Inihabilin ko sa kanya na puntahan ang nasabing kalesa at ibalik sa bahay-tuluyan. Sinabi ko rin po sa guardia civil na ipaalam sa doña na gagabihin tayo ng uwi," bulong nito pabalik.

Nakahinga ako kahit paano ng maluwag dahil doon. Bagamat nakikini-kinita ko nang masesermon na naman ako pag-uwi, nakabawas sa aking bitbitin ang kaalamang naibalik na ang kalesa sa bahay-tuluyan.

Hindi rin nagtagal at lumabas na si Ibarra. Sabay kaming nauna maglakad habang nasa likuran si Albino. Ngunit kung titignan nga ay mas malapit pa sa akin si Albino kaysa sa kanya. Nasa kaliwa ko si Ibarra at halos kalahating dipa ang layo namin sa isa't isa. Samantalang nasa likurang kanan ko naman si Albino.

"May ibig akong malaman, Mirasol. Maaari ba akong magtanong?" panimula ni Ibarra habang kami ay naglalakad.

"Hindi ba't nagtatanong ka na sa lagay na iyan?" biro ko sa kanya.

Sandali kaming natawa matapos no'n. Sa tahimik nga ng lugar ay bukod sa mga kuliglig at huni ng hangin, ang tanging ingay ng tao na maririnig ay ang aming tawanan.

"Nalalaman kong ika'y isang Mestiza. Ngunit bukod kay Señora Marqueza, tila hindi pa kita nakikitang may kasamang iba? Sa'n naroroon ang iyong mga magulang?" usisa niya.

Natahimik ako sa itinanong niya.

Ang aking mga magulang.

Nakakakonsensya man pero hindi ko sila gaanong naiisip. Hindi ako nangungulila sa kanila tulad ng pangungulila ko sa aking kapatid. Dahil ba 'yon sa wala akong maalala tungkol sa kanila mula ng aking pagkabata? Dahil sa hindi naman talaga ako masyadong malapit sa kanila nang ako ay tumanda? O dahil hindi ko naramdaman na naging magulang sila para sa akin?

"Binibini?" ang tawag sa akin ni Ibarra na nagpabalik sa aking ulirat.

"Ang aking ama't ina? Sila ay nasa kabilang ibayo ng daigdig. Nasa lugar na malayo sa lupang tinatapakan natin ngayon," malabo kong tugon.

Estrella Cruzada  ⋮ ᴏɴɢᴏɪɴɢ ⋮Where stories live. Discover now