CHAPTER VIII: Nightmare

1.7K 42 3
                                    

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.


CHAPTER VIII: Nightmare


          Tanghaling-tapat. Ramdam ko ang pangingirot ng ulo ko. Marahil ay dahil kulang sa tulog kaya binabawian ako ng katawan ko. Hindi ko magawang makapag-focus dahil parang gumagalaw ang paligid ko. Sa tuwing gagalaw ako, pakiramdam ko ay babagsak ako.

Nalipasan na rin ako ng gutom dahil sa tuwing susubo ako, nawawalan ako ng gana. Lagi siyang dumadaan sa utak ko.

Patapos naman na ang klase at may natitira pang tatlong oras bago ang shift ko. Makikiusap na lang muna siguro ako kay Jeff na kung pwede ay sakupin ng shift niya ang unang oras ko. Mabait naman 'yon kaya sigurado akong maiintindihan niya ang sitwasyon ko.

Tatlong araw na ang nakalilipas pero patuloy pa rin akong binabangungot ng nakaraan ko. Hindi na ako madalas managinip nang masasama pero parang bumalik nang makita ko ang ama ko.

Sa panaginip ko, hinahabol ako ng masasamang tao. Marami sila na hindi ko mabilang sa daliri. Hindi ko alam kung bakit pero tumatakbo lang ako. Takbo nang takbo. Walang kapaguran. Hindi ko rin sila kilala dahil kapwa silang walang mga mukha pero umiiyak lang ako habang tumatakbo. Sa oras na maabutan nila ako ay saka ako nagigising hanggang sa hindi na ako makatulog muli.

Marahil dahil sa matinding galit ko, maraming napasok sa isip ko. Pero sa tingin ko, tama lang din ang nararamdaman ko. Lahat ng kung sinuman ang mapunta sa posisyon ko, ganoon din siguro ang mararamdaman.

Poot at galit.

Minsan, higit pa roon.

"Michael? Hoy, Michael!" tawag sa akin ni Peter habang tinatapik ako sa balikat.

Napatingin ako sa kanya at doon pa lamang ako bumalik sa ulirat.

"B-Bakit?" tanong ko habang nagtatakang tinitingnan sila ni Arjay.

Napakamot ng ulo si Arjay. "Kanina ka pa kaya namin tinatawag. Wala ka na naman sa sarili. Ang lalim naman 'yata niyang nasa isip mo. Ano bang iniisip mo?"

Umiling ako at saka bahagyang ngumisi.

"Uy! Teka lang! Kung pera 'yan, wala akong mapapahiram sa 'yo," mariing singit ni Arjay at saka umatras nang kaunti.

"Siraulo! Alam ko namang wala kang pera. Baka mas maniwala pa ako kapag si Peter ang nagpahiram sa akin. Sa oras na mangailangan ako, ikaw ang huli kong lalapitan," pang-aasar ko.

Nagkibit-balikat lang si Arjay. "Hintayin niyo lang talagang yumaman ako. Akala niyo talaga," pagmamalaki niya.

"Pero ano bang iniisip mo? Para kasing nasa alapaap ang utak mo," pagtataka ni Peter.

Umiling muli ako. "Wala ito. Wala lang kasi akong tulog na maayos nang mga nakaraang gabi," saad ko at saka nangusot ng mga mata.

"Aha! Sinasabi ko na nga ba, e. Matagal na talaga akong nagdududa sa 'yo, e," bulalas ni Arjay at saka tiningnan ako na tila nag-iimbestiga.

"Ano ba 'yon?" kunot-noo kong tanong.

"Aminin mo na kasi. Callboy ka, no'?" aniya at saka tinapunan ako ng tingin.

"H-Ha! Pinagsasabi mo? Hindi, no'," pagtanggi ko. "S-Saan mo naman n-nakuha 'yan? Baliw ka talaga."

Napakamot naman siya ng ulo. "Wala lang. Hula ko lang. Sabi mo kasi puyat ka ng mga nakaraang gabi. Sino bang madalas ang dilat tuwing gabi? Hindi ka naman call center agent para mapuyat kaya malamang callboy ka," giit ni Arjay.

"Bakit? Ikaw nga, hindi ka naman call boy or call center agent pero lagi kang puyat. Puro ka kasi Tinder nang Tinder. Pinuyat pero hindi pinili," pang-aalaska ni Peter.

Natawa naman ako sa sinabi niya. "Hoy! Nagsisimula na naman kayong dalawa, e. Hindi na muna ako sasama sa inyong dalawa. Tatambay na lang muna ako sa library. Iidlip lang ako saglit," ani ko.

"Ayaw mo bang samahan ka namin? Para may back-up ka kapag sinita ka ng librarian?" tanong ni Arjay.

Umiling ako bilang pagtanggi. "Hindi na. Paniguradong mag-aaway lang kayo sa tabi ko. Mas okay nang mag-isa na lang ako para hindi maistorbo."

"Grabe naman 'yun. Para namng sinabi mong maingay kami ni Peter. Pero sige. Tawagan mo lang kami kapag kailangan mo ng back-up. Matandang dalaga pa naman ang librarian natin. Masungit 'yun panigurado," aniya at saka lumapit sa akin na tila may ibubulong. "Saka menopause na. Patay ka ro'n," mahina niyang sabi.

"Loko ka. Sige na. Mauna na ako," paalam ko. Kumaway lang ako sa kanila bago ko sila iniwan.

Mabilis akong naglakad papuntang library. Hindi ko na rin kasi mapigilan 'tong hilo ko. Kung tutuusin, hindi ko alam kung paanong nagagawa pa ng katawan ko ang tumayo. Kailangan ko na makarating sa library at makatulog.

Mariin kong ipinipikit ang mga mata ko na animo'y sa tuwing ididilat ko ay iba na ang nakikita. Pakiramdam ko tuloy, naglalakad ako habang tulog. Hindi ko na alintana kung may makabangga ako sa hallway.

Isa pang hakbang. Malapit na ako.

Pero parang bumibigat ang katawan ko lalo. Gusto ko nang magpahinga. Gusto ko nang matulog. Hindi na kaya pa ng katawan ko ang maglakad.

Nakita kong nagbukas ang pinto ng library. May isa... o dalawa. Hindi. Tatlong estudyante ang lumabas. Iba ang suot nilang uniporme. Hindi ko masyadong makita ang mukha nila dahil nanlalabo na ang paningin ko.

"Okay ka lang?" narinig kong sabi no'ng isa.

Hinawakan niya ako sa balikat. Sa pagkakataong 'yun, bumigay na ang katawan ko. Kung hindi niya siguro ako hinawakan doon ay tumumba na ako.

"Gusto ko nang matulog," bulong ko.

Kahit malabo ang nakikita ko, nakita kong hinawakan pa ako no'ng dalawa pang kasama niya sa braso para alalayan.

"Dalhin na natin siya sa nurse station," sambit pa niya.

Hindi ko na makita nang maayos ang paligid. Lahat, malabo. Hanggang sa wala na akong makita sa kanila. Hindi ko na rin alam kung saan nila ako dadalhin. Basta ang alam ko, buhat lang nila ako.

Gusto ko lang magpahinga. 'Yun lang. Dahil pagod na ako. Pagod na pagod.

Pleasure For Hire (BoyXBoy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon