Chapter 02

2K 62 1
                                    

“Mabuti naman at nakapasok ka ngayon, Andy.” Ang nakangiting salubong sa kanya ng may-ari ng bar na pinagta-trabahuan niya.

Ikinabigla pa niya ang pagbaba nito mula sa second floor ng bar na iyon kung saan naroon ang opisina nito. Minsan lang kasi itong bumaba at iyon ay kung gusto nitong magpagawa ng inumin sa kanya o kung may katatagpuin na naman itong bibiktimahin.

Kilala niya ang kalibre ng boss niyang ito. Likas dito ang pagiging babaero na naging dahilan ng paghihiwalay nito ng dating misis. Pero hindi naman maikakaila ang kabaitan nito sa kanilang mga empleyado nito kaya kahit na napaka-babaero nitong tao ay hindi pa rin nawawala ang respeto nila dito.

“Oo nga boss, eh. Akala ko kasi kanina, ta-trangkasuhin ako kaya agad na akong nag-abiso sa iyo na baka hindi ako makapasok ngayon.” Pagsisinungaling naman niya dahil ang totoo, ang dahilan kung bakit biglang nagbago ang kanyang isip na hindi pumasok sa araw na iyon  kahit na medyo may kabigatan ang kanyang pakiramdam ay dahil sa pangungulit sa kanya ng kanyang kaibigan na si Jasper.

Matapos nilang makapag-usap kahapon ay iniwasan na niya ito talaga. Sa katunayan, kahapon ay alas-dyes na ng gabi siya nakauwi sa kanyang tinutuluyang apartment maiwasan lamang ito na ayon sa text nito ay naroon ito sa labas at naghihintay sa kanya.

Oo, aaminin niya na hindi niya gustong iwasan ito lalo pa’t ilang taon din silang hindi nagkita. Subalit natatakot siya na baka matukso na naman siya rito kapag nabigyan sila ulit ng pagkakataong magkaharap. Balak na muna niyang ihanda ang kanyang sarili bago ito harapin sapagkat alam naman niyang hindi habang buhay niya itong maiiwasan.

“Basta kapag sumama ulit ang pakiramdam mo, akyatin mo lang ako sa taas at may mga gamot ako roon.” Nakangiti nitong turan. “Paano, maiwan na muna kita at dumating na ang labidabs ko.”

Napatingin siya sa gawi ng kanilang entrance at nakita nga niya ang pagpasok ng medyo may kabataan pang babae na agad gumuhit ang ngiti nang salubungin ito ng kanyang boss.

Pambihira talaga si Boss, ang hilig sa mga babaeng kalahati yata ang agwat sa edad niya. Napapailing niyang wika sa kanyang sarili habang pinagmamasdan ang dalawang paakyat na patungo sa opisina ng boss niya.

“Iba na talaga ang nagagawa ng pera ano, Andy.  Nagagawa nitong mapapatol kahit ang pinakabata at sexy na babae kay boss.” Singit ng isa sa mga kasamahan niya sa trabaho na si Nelson.

“Kung makapagsalita ka naman. May hitsura rin naman si boss, ah.” Pagtatanggol naman niya sa butihing amo.

Ngumisi ito sa kanya ng nakakaloko.

“Wala akong sinabing pangit siya, Andy. Masyado ka naman yatang apektado. May crush ka ba kay boss?” Ang nanunudyo nitong wika.

BittersweetTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon