CHAPTER 12: PLAYGROUND

Start from the beginning
                                    

Malungkot lamang na ngumiti ito sa kanya. "Baka ito na ang maging una at huli, Aya..."

"Ha?" Napanganga siya dahil hindi niya inaasahan ang sinagot nito. "Bakit mo naman nasabi 'yan?"

"Sa totoo lang, natatakot akong umuwi pero wala naman akong ibang mapupuntahan. Mapalad ka, Aya dahil mabuti ang mga magulang mo," anito.

"Kenjie, anong ibig mong sabihin?"

"Aya." Naputol ang kanilang pag-uusap nang makalapit si Mela sa kanila upang siya ay sunduin. "Hi, kaibigan ka ba ni Aya?" pansin nito kay Kenjie.

Bumaba na rin sina Mayumi at Oscar sa swing at lumapit sa kanilang tatlo.

"Good afternoon po," bati ni Mayumi na sinundan naman ng, "Magandang hapon po" ni Oscar.

"Magandang hapon din mga bata. Pasensya na kayo, ha? Kailangan na ni Aya umuwi para makapagpahinga na s'ya. Kayo rin, huwag kayong magpapagabi rito," malumanay at may ngiting paalala ni Mela sa kanila.

"Opo." Tumango lamang ang mga bata.

Ayaw man umalis ngunit walang nagawa si Hiraya kundi tanggapin ang mga kamay ni Mela upang iuwi na siya sa bahay. Pilit ang ngiti at malungkot ang mga mata niya nang kumaway bilang pamamaalam sa mga kaibigan.

Kumaway pabalik sina Mayumi at Oscar ngunit tumalikod lamang si Kenjie at walang balik-tingin na dire-diretsong naglakad paalis. Nag-aalala si Hiraya na baka kinabukasan ay balik na naman siya sa square one. Sana naman ay bigyan siya ng pagkakataon ng batang lalaki na makapasok sa personal na buhay nito. Sana naman ay mawala na ang pader ng pagkailang sa pagitan nila. Nais niyang magtiwala sa kanya ng lubos ang lalaki dahil wala naman siyang ibang hangad kundi mapabuti ang buhay nito.

***

Kinabukasan, nang umagang nagising si Hiraya ay sumakit ang kanyang katawan para bang nabigla siya sa pisikal na aktibidad kahapon. Pinilit lamang niya ang sarili na bumangon. Alam niya sa sarili na mahalaga ang bawat araw na dumadaan, dahil nakasalalay sa kanya ang pagsagip sa kinabukasan.

Gayunman, habang naglalakad sa pasilyo ng paaralan napagtanto rin niya ang limitasyon. "Nakakainis! Kapag pinuwersa ko ang katawan na 'to, si Aya naman ang mapapahamak. Hindi dapat ako nagpagod, sobrang sakit tuloy ng kasu-kasuhan ko ngayon. Nabigla yata ang katawan na ito sa pagtakbo kahapon. Kailangan kong mag-ingat para kay Aya," paalala niya sa isip.

Natigilan siya sa paglalakad nang maabutan si Kenjie na naglalakad din sa pasilyo. Nakayuko ang batang lalaki, nakasuot ng gray na long-sleeve jacket, nakataklob sa ulo ang hood, at nakatago ang mga kamay sa bulsa ng pantalon.

"Kenjie!" Nagningning ang mga mata niya sa katuwaan at masayang binati ang nakasalubong. "Good morning!"

Parang nagulat pa ang lalaki sa biglaang bati niya, pagkatapos ay nag-iwas ito ng tingin at nahihiyang umusal ng, "G-Good morning din..."

Napansin niya agad ang pagka-utal at pamamaos sa boses ng lalaki. Lumapit pa siya ng kaunti para makita ito at may kuryosidad na nagtanong. "Bakit nakatakip ng hood ang ulo mo? Hindi naman umuulan sa labas, ah."

"A-Ano..." Tila may gusto itong sabihin na hindi masabi. Hindi pa rin ito makatingin sa kanya nang diretso. Nakayuko pa rin ito na para bang nahihiyang ipakita ang mukha.

"Kenjie!" Nag-aalala niyang sambit at hinawakan ang hood nito sa ulo. "Tumingin ka nga sa 'kin. Anong tinatago mo?"

"Aya, huwag!" Pagpipigil nito sa kamay niya. Hinawakan nito ang mga kamay ni Hiraya ngunit huli na. Nagawang maipaling ng kanang kamay ni Hiraya ang hood nito sa likod.

Kapwa nanlaki ang mga mata nila sa gulat.

Nasa mukha ni Kenjie ang pag-aalala at takot sa maaaring maging reaksyon ng mga makakakita, samantalang si Hiraya'y sadyang nagimbal. Tila tumigil ang takbo ng oras sa pagitan nila.

"Anong nangyari sa 'yo?" mahinang sambit ni Hiraya na para bang maiiyak na sa itsura ni Kenjie.

Nakapaling ang mga mata ng batang lalaki sa kaliwa, naiilang pa rin ito at hindi makatingin nang diretso. Siguro ikinahihiya nito ang itsura o maaaring ayaw nitong makita ang awa sa mga mata ni Hiraya.

Pero kahit ano pang pagtatago, hindi nito mabubura ang pasa na nasa gilid ng kaliwang mata. May band-aid ito sa noo at kapansin-pansin ang sugat nito sa labi na tila pumutok dahil may sumuntok dito.

Hinawakan ni Hiraya ang mga kamay ni Kenjie na nakapasok sa bulsa at dahan-dahan na inilabas. Tinitigan niya ang pasa sa likod ng kanang kamay nito na umabot sa braso.

"Sinong gumawa nito sa 'yo?" nahintakutang tanong niya.

***





To Save a DemonWhere stories live. Discover now