CHAPTER 12: PLAYGROUND

74 18 8
                                    

Nang mapagod sa paglalaro ay umupo muna sina Hiraya at Kenjie sa bakanteng wooden bench na nasa tapat ng padulasan. Nakasapo sa dibdib at hinahabol ni Hiraya ang hininga nang tumigil sila sa upuan.

"G-Gusto mo ng tubig, Kenjie? Here, kay Oscar ang water bottle na 'to pero uminom ka muna." Inabot niya rito ang isang bote ng tubig. Umiling si Kenjie at napansin ang tagiktik niyang pawis sa noo, mapulang mukha na dala ng pagod at sunod-sunod na paghinga.

"Mas kailangan mo 'yan, Aya. Baka ma-dehydrate ka," tanggi nito, "Mas madali kang mapagod kaysa sa 'kin."

Tinanggal niya ang takip ng bote at tumungga. Naginhawaan siya sa lamig na dala ng inumin. Napabunga siya nang malalim na hininga at muling napahawak sa dibdib.

"Tama si Kenjie. Ang daling mapagod ng katawan na ito. Kailangan kong mas mag-ingat," aniya sa isip, " Ibang iba ang katawan na 'to kumpara sa tunay kong katawan, bukod sa bata pa ay may karamdaman din si Aya."

"Hindi ako makapaniwala na makakatakbo ka nang ganoong katagal," simula ni Kenjie nang usapan at muling napadako ang mga mata niya sa lalaki. "Kapag P.E ay napapansin ko na hindi ka pinapasali ng mga guro sa physical activities dahil natatakot silang bigla kang manghina at mahimatay."

"Oh?" Iyon lang ang lumabas sa kanyang bibig dahil wala naman siyang ideya sa kung ano ang naging buhay ni Aya.

"Lagi nga akong walang katabi dahil pala-absent ka rin," pagpapatuloy nito, "Kaya nakakagulat talaga na yayayain mo akong lumabas. Nakakagulat na gusto mo akong maging kaibigan samantalang hindi naman tayo madalas magkita at mag-usap."

Hindi alam ni Hiraya kung anong isasagot. Naibaba niya ang paningin at nag-isip ng sasabihin.

"Pero alam mo, masaya ako..."

Napatingin siya muli sa batang lalaki at nakita niya ang sinseridad sa mga mata nitong tila nagniningning dahil sa repleksyon ng papalubog na araw.

"Salamat Aya, dahil ikaw ang unang tao na tumawag sa totoong pangalan ko." Nahihiyang ngumiti ito sa kanya at tuluyan na yata siyang napipi. "Salamat din dahil ito ang unang beses na nakalabas ako ng bahay para makipaglaro."

Isang bahagi ng puso niya ay nakaramdam ng katuwaan dahil nabigyan niya ng kasiyahan ang lalaki. Maybe, this mission will work.

"Aya! Kenjie!" Sabay silang napalingon sa dalawang kabataan na tumatawag sa kanila mula sa swing ng palaruan. Nakataas ang mga kamay ni Mayumi at niyaya silang lumapit.

"Tara na! Sayang ang oras, magsasara na 'tong playground mamaya!" sigaw ng babae.

"Tinatawag ka na rin nila sa pangalan mo," pansin ni Hiraya at muling bumaling sa katabi. "Ibig-sabihin n'yan kaibigan na rin ang tingin nila sa 'yo."

Parang hindi pa makapaniwala ang itsura ni Kenjie na tumingin lamang sa kanya. Hindi na niya napigilan ang matawa dahil ang cute ng reaksyon ng kasama. "Ang cute ng mukha mo."

Bigla na namang nangamatis ang mukha nito at nautal. "A-Anong cute?"

"Tara na nga!" Siya na ang unang tumayo at hinila ang braso nito.

Akma silang pupunta sa gawi nina Mayumi at Oscar ngunit kapwa natigilan nang may marinig silang sumigaw sa labas ng palaruan. Sabay silang napalingon sa babaeng kumakaway. Nakilala agad ni Hiraya ang babae at napawi ang ngiti sa kanyang labi. Nabitawan niya ang kamay ni Kenjie.

"Sinusundo ka na ng Mama mo," sambit ng katabi.

Tumingin siya muli rito. May panghihinayang sa kanyang mga mata. "Sayang naman. Gusto ko pa sanang maglaro kasama mo. Hindi bale, may next time pa naman 'di ba?"

To Save a DemonМесто, где живут истории. Откройте их для себя