CHAPTER 25: FAREWELL

68 13 2
                                    

Mula sa pagkakatago sa gilid ng bahay, namataan ni Oscar ang Ginang na naglalakad pauwi ng tahanan. "N-Nandyan na siya," bulong niya sa katabing si Mayumi.

Dumampot naman ng maliliit na bato sa paanan si Mayumi at binato ang bintana. "Kailangang malaman ni Aya na nandito na ang nanay ni Kenjie."

"Makikita tayo rito! Lumipat muna tayo ng tinataguan kundi ay pare-pareho tayong yari," suhestyon naman ni Oscar na hinila na ang kaibigan. Natigilan naman ito sa pambabato at sumunod sa kanya.

Nagtago sila sa likod ng malalagong halaman at naglalakihang puno saka hinintay munang pumasok ang Ginang sa loob ng bahay. Nakatulong din ang pagsapit ng dilim sa kanilang pagtatago.

Nang makapasok ang babae sa bahay, lumabas sila at sunod-sunod na pinagbabato ang bintana ng ikalawang palapag. Alam nilang bintana iyon ng silid ni Kenjie. Nananalangin sila na sana nakakandado ang pinto ng kwarto ng binatilyo. At sana rin ay dumungaw si Aya sa labas para mabigyan nila ito ng senyales o babala.

***

Samantala, sa gawi naman ni Hiraya...

Nagbabaga ang mga mata ng babae dahil sa galit. Naninimdim ang buong mukha nitong tila nasapian na ng diablo. At ang mas nakakapangilabot pa ay may hawak pa itong malaking itak sa kanang kamay.

Itinaas nito ang kaliwang kamay upang pindutin ang switch ng ilaw na nasa gilid ng pinto. Hindi napansin ni Hiraya kanina na nandoon pala ang pindutan ng ilaw.

Kitang-kita ang matalim na titig nito na tanging sa kanya lamang ipinupukol.

"Ah!" Napasigaw siya sa hilakbot at agad na napaurong nang bigla siyang sugurin ng babae upang itarak sa kanya ang hawak na itak. Nakita pa niyang bumaon ang sandata sa kahoy na sahig at pilit na hinuhugot iyon ng Ginang.

Sunod-sunod ang kabog ng dibdib na tumayo si Hiraya at tumakbo palabas ng pinto.

Nahugot na rin sa wakas ni Jovena ang itak ngunit hindi muna siya sumunod kay Hiraya. Napalingon siya sa bintana, sapagkat napansin niya na may nambabato roon.

Pumunta siya sa tapat ng bintana at binuksan iyon. Natigilan sina Mayumi at Oscar sa pambabato nang biglang dumungaw sa bintana ang mukha ni Jovena at tinititigan sila nang masama.

Nanigas at napanganga sila sa kinatatayuan dahil sa takot. Pagkatapos ay narinig nila ang tili ni Aya sa loob. Nabaling ang atensyon ni Jovena sa batang babae, lumingon ito sa loob at umalis sa bintana.

"Oh my God!" Natuptop ni Mayumi ang bibig. "Anong nangyayari?"

"Kailangan nating humingi ng saklolo! Dali, Mayumi! Nasa panganib si Aya!" Natataranta nang wika ni Oscar at hinila niya muli ang kasama upang makahanap sila ng tutulong.

***

Nakabukas ang lahat ng ilaw nang makababa si Hiraya sa unang palapag ng bahay. Nagpa-panic ang kanyang kalooban dahil napagtanto niyang nakakandado na ang labasan. Naka-padlock iyon maging sa loob at hindi niya magagawang buksan maliban na lamang kung sisirain niya ang kandado.

"Ah!" muli siyang napatili nang lumingon at nakita si Jovena na papalapit sa kanya. Hindi nagsasalita ang Ginang ngunit alam niyang balak siya nitong patayin katulad ng ginawa nito kay Kenjie. Nasisiraan na nga ng tuktok ang babae.

Umiwas siya at tumakbo patungong kusina. "Sh*t! Somebody help me, please!" pagsusumigaw niya. "Mayumi! Oscar!" Tinawag niya ang mga kaibigan na alam niyang nasa labas.

"Hindi maaari! Pinahamak ko ang katawan ni Aya! Nawala na si Kenjie... hindi pwedeng  pati si Aya ay..."

Napailing siya at pilit na iwinaksi sa utak ang mga negatibong kaisipan. Pagpunta niya sa kusina ay binato niya ng kung ano-anong gamit ang babaeng humahabol.

***

Naiiyak na dahil sa pagkataranta ang magkaibigan. Halos hindi mapindot nang maayos ni Mayumi ang mga numero sa seleponong dala-dala. Sa huli, ay wala silang makitang ibang taong dumadaan sa lugar kaya naisipan na lamang nilang tumawag sa mga kilalang matatanda na makakatulong sa kanila.

Mabuti na lamang at idinagdag ng kanyang ina ang numero ng kanilang guro sa memorya ng selepono. Nag-ring ang kabilang linya at maagap na itinutok ni Mayumi sa tainga ang hawak-hawak.

"Ma'am Dalisay!" tawag niya nang sumagot ang guro sa tawag.

"Sino 'to?" kampante ang boses ng guro. Marahil ay nagpapahinga na ito sa tahanan kasama ang anak.

"M-Ma'am Dalisay...." nangatal ang boses ni Mayumi. Para siyang bata na inagawan ng candy kung umiyak at humikbi. "Si Mayumi 'to."

Natigilan naman at nag-alala ang guro nang mapakinggan ang atungal ng estudyante. "Oh, bakit?"

"Nasa panganib po si Aya..." Napahikbi pa ito bago itinuloy ang pagsasalaysay. "Mahabang kwento, Ma'am. Pero please po, tulungan n'yo po kami. Nasa bahay po ni Kenjie si Aya ngayon at hinahabol siya n'yong babae."

Hindi masyadong maunawaan ni Dalisay ang mga nangyayari ngunit sumagot siya nang may otoridad sa mga bata. "Tumawag din kayo ng pulis o emergency hotline. Pupunta rin ako d'yan. Umalis na kayo!"

Pagkatapos ay tinapos na ni Dalisay ang tawag. Kinuha niya ang shoulder bag at payong na nakasampay sa gilid.

"Kanina pa akong umaga nag-aalala dahil hindi pumasok si Kenjie sa klase. Sabi ko na nga ba at may hindi magandang nangyari! Pero hindi ko inaasahan na pupunta si Aya roon. Panginoon ko! Ano bang nangyayari? Huli na ba ako?" Nag-aalala at nananalanging lumabas siya sa kwarto.

***

Nagawa ni Hiraya na makabalik sa hagdanan. Naisip niyang kung walang lagusan sa unang palapag ay tatalon na lamang siya sa bintana ng ikalawang palapag. Alam niyang mas delikado ang gagawin, ngunit ang utak niya'y hindi na gumagana nang maayos dahil sa pagpa-panic.

"Lola Dalisay... Mama Mela... Mayumi... Oscar... Kenjie... " Naiisip niya ang lahat ng mga taong nakilala niya sa panahon na ito. Nagunita niya ang lahat ng mga oras na nakasama niya ang bawat isa at natutunan din silang mahalin gaya ng pagmamahal ni Aya.

"Aya... I'm so sorry..." Humihingi rin siya ng kapatawaran sa batang babae. Alam niyang nabago rin ang buong hinaharap nito dahil sa kanya. Ang hiram na katawan ay hindi niya napahalagahan nang maayos at ito nga ang naging resulta.

Napasapo siya sa dibdib at napatigil sa gitna ng hagdan. Hindi siya makahinga nang maayos at muntik pa siyang mahulog. Humawak siya sa rails na nasa gilid. Napagtanto niyang inaatake ang katawan ni Aya ng sakit. "Please... huwag ngayon..."

Naramdaman niyang may humila ng buhok niya at napaigik siya sa sakit. Naabutan siya ni Jovena at sinabunutan siya nito upang mapababa siya sa mga baitang.

Nabitawan ni Hiraya ang rails at naramdaman niyang tumunog ang buto ng bukong-bukong. Napasigaw sa kirot na patalikod siyang bumagsak. Damang-damang niya ang matitigas na baitang sa likod. Nagpadausdos siya pababa bago itinarak ni Jovena sa kanyang dibdib ang hawak na patalim.

Unti-unting nanlalabo ang kanyang paningin at tila lumilindol ang buong paligid. Paikot-ikot ang lahat hanggang sa mapagpasyahan niyang ipikit na lamang ang mga mata. Para siyang nahuhulog sa walang katapusang bangin. Naramdaman niyang gumagaan ang pakiramdam at nawawala ang kirot ng sugat sa dibdib.

Back-Skip...

Back-Skip...

Back-Skip...

"Bakit hindi ka gumagana kung kailan ka mas kailangan?" Wala nang maintindihan pa si Hiraya. Naging blanko na ang kanyang utak at tuluyan nang nawalan ng ulirat.

***

To Save a DemonTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon