Ika-apat

11 0 0
                                    

Bitbit ang tuwalya at damit ay lumabas si Ella mula sa kanyang kwarto. Natigilan siya nang makita na bumukas din ang katabing kwarto, lumabas doon si Tunner, may bitbit ding tuwalya.

"Magha-half bath ka?" tanong pa ng lalake na ikinatango lamang ni Ella. "Alright, mauna ka na lang."

"H-ha? H-hindi. Ayos lang. Ikaw na muna mauna at susunod na lang ako." pagtanggi pa ni Ella.

"Hindi, ayos na. Ikaw na muna mauna." nakangising ani Tunner.

"A-ayos lang talaga. Ikaw na—"

"E, di, sabay tayo." natigil si Ella sa kanyang narinig. "Biro lang. Ikaw na ang mauna at sasamahan ko lang ang anak ko."

"S-sige."

Naunang maglakad si Ella. Nakayuko siya, hindi niya mawaglit sa isipan ang sinabi ng lalake kanina. Kinabahan siya doon kahit na alam niyang biro lang iyon.

Kagayang-kagaya niya si Tanya. Mukhang seryoso kung magbiro. Nakakapigil hininga at nakakakaba. Mag-ama nga talaga sila.

Bumaba si Ella ng hagdan at nakita niya sa sala si Tanya. Pansin niyang hindi na niya hawak ang maliit na manika na lagi niyang dala. Dahil ang bago na nitong hawak ngayon ay ang mas malaking manika na binigay sa kanya ng kanyang ama.

Maliit na bata lamang si Tanya at ang manika ay hanggang dibdib ng bata. Mukha na itong batang maliit kung tutuusin. Maganda ang manika at mukha itong tao kung titigan. Kung saan man ito nabili ng ama ay alam niyang mamahalin iyon.

Ang balat nito'y aakalain mong balat talaga ng tao kapag ikaw ay malayo mula dito. Maputi ang manika, at perpekto ang mukha. Kasing-ganda niya lamang ang batang nagmamay-ari sa kanya, si Tanya.

"Ate Ella, come, gustong magpakilala ni Lilith sa iyo."

Lilith? Agad na bumaba si Ella at nilapitan si Tanya. Nakakandong sa bata ang magandang manika. Tinitigan ito ni Ella, napakaamo ng mukha ng manika. Kagaya lamang ni Tanya, maganda ito at nakakatuwang titigan.

"Lilith, say hi to ate Ella." hinawakan ng bata ang kamay ng manika at ginalaw-galaw ito na parang kinakaway.

Natuwa naman si Ella sa ginawa ni Tanya. Upang sabayan ang bata ay tiningnan niya din ang manika at nginitian ito.

"Hello, Lilith. Masaya akong makilala ka." kumaway pa si Ella sa manika.

"Ang ganda niya, ate Ella, 'no?" sabi pa ni Tanya at tila puno ng paghanga sa bago niyang manika.

"Oo nga, kagaya mo lamang siya, Tanya." sabi pa ni Ella.

"Mas maganda naman siya, ate Ella, e. Higit na mas maganda ang mga manika kesa sa mga tao." ngumuso ang bata na ikinatuwa naman ni Ella.

"Ngunit, mas maganda ka kesa sa manika." hinawakan pa ni Ella ang baba ni Tanya bago tumayo. "Magha-halfbath na muna ako, Tanya, ha? Ang daddy mo. Bababa yun maya-maya para samahan ka dito."

"Opo, ate Ella." nakangiting ani Tanya.

Naglakad papuntang pasilyo patungo kainan si Ella. Nang marating ang pasilyo ay bumungad ang isang pinto sa kanyang kaliwa. Hindi na ito maaninag dahil madilim ang maliit na pasilyong ito na patungo sa kainan.

Nang buksan niya ito ay bumungad sa kanya ang silid. Sa gitna ay may espasyo at sa kanan ay naroon ang pakikuran at lababong maliit. Sa kaliwa ay naroon ang isang sliding glass door.

Kanya itong tinulak at nagslide ito pabukas. Tumambad sa kanya ang shower, may kurtina din, sa likod ng kurtinang iyon ay ang bath tub.

Isinara niya ang glass sliding door. Kahit na salamin iyon ay ayos pa din dahil hindi naman ito salamin na malinaw, malabo ito at sapat na upang maitago ang iyong hubad na katawan kapag naliligo.

Isinabit niya sa towel holder ang kanyang tuwalya at naghubad na. Kanya ding isinabit ang kanyang mga damit sa ibabaw ng salamin.

Pumailalim si Ella sa shower at agad na dinamdam ang katamtamang temperatura ng tubig. Napapikit siya habang tumitingala, dinamdam niya ang masarap na pagbuhos ng tubig sa kanyang katawan.

Tanging buhos lamang ng tubig ang maririnig sa buong banyo. Kaniyang minabuti ang paglilinis sa kanyang katawan.

Natigil si Ella at nakapadilat nang marinig ang langitngit na parang may pintong bumukas. Napalingon siya sa kung saan ito nanggaling, mula ito sa pinto ng banyo. Ngunit, hindi niya maaninag ang pagbukas nito dahil sa malabong salamin na nakaharang sa kanya.

"Hindi pa ako tapos." ani Ella at nagpatuloy sa kanyang pagligo.

Ngunit lumangitngit ulit ang pintuan na animo'y binuksan ito ng tuluyan. Mabilis na pinatay ni Ella ang shower at kinuha ang tuwalya. Kanya itong ibinalot sa kanyang sarili at binuksan ang sliding door ng paliguan.

"Heto na—Tanya?"

Hindi niya ito nakita dahil agad na tumakbo ang bata nang kanyang mabuksan ang sliding door. Nasulyapan niya lamang ito na nakasilip sa pintuan ng banyo at agad ding tumakbo. Naririnig niya pa ang mga yabag ng mga paa nito na tumatakbo pabalik sa sala.

Saglit niya lamang itong namataan kaya't hindi niya nakita ang mukha ng bata, alam niyang si Tanya iyon dahil si Tanya lang naman ang bata sa bahay na ito.

Nailing na lamang si Ella at nagbihis ng bagong damit. Kanyang inirolyo ang tuwalya sa kanyang ulo bago lumabas ng banyo.

"Tanya, ikaw ha, sumunod ka pala sakin sa—"

Hindi na naipagpatuloy pa ni Ella ang kanyang sasabihin nang makarating siya sa sala. Natigilan siya at napuno ng pagtataka.

Nasaan si Tanya?

Nilibot niya ng tingin ang buong sala ngunit wala ang bata. Napadako ang kanyang tingin sa mahabang sofa at napalunok siya.

Naroon ang manika at nakaupo. Diretsong nakatingin sa kanya. Lumapit siya sa manika at kinarga ito.

Bakit niya iniwan si Lilith dito? Nilibot ulit ni Ella ng tingin ang buong paligid. Baka kasi ay nasa kusina lamang siya.

Pero imposible dahil base sa mga yabag ng mga paa na narinig niya kanina ay patakbo ito patungo sa sala at hindi sa kusina.

"Ella." napatingin si Ella sa hagdan at naroon si Tunner. May nakasabit na tuwalya sa kanyang balikat.

"T-tunner."

"Tapos ka na pala. Maliligo na ako." anito at naglakad patungo sa banyo ngunit nagsalita si Ella.

"Tunner.."

"Yes?"

"Nakita mo ba si Tanya?"

Ngumisi si Tunner...

"She's asleep."

***

LilithTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon