Ikatlo

10 0 0
                                    

"Ikaw na ang bahala kay Tanya."

"Opo."

Hinawakan si Ella ni Donya Emilia sa kanyang braso. Saglit itong hinagod bago tumalikod. Hawak-hawak ni Ella ang bata sa kanyang magkabilang braso. Bitbit pa din nito ang kanyang paboritong manika.

"Ba-bye po, Lola." kumaway si Tanya. Kumaway din sa kanya pabalik ang kanyang Lola.

Ang driver ng sasakyan ay tumulong upang maisakay si Don Raul sa sasakyan. Pumasok na din ang Donya dito.

Ngayon na ang araw na sila ay pupunta sa Amerika para sa pagpapagaling ng asawa ng Donya. Hinihiling ni Ella na sana ay gumaling na ang kanyang Amo. Sa ganoong paraan ay matutuwa siya. Karapat-dapat lamang na gumaling ang kanyang amo.

Iyon na din ang kanyang sukli sa pagtanggap sa kanya sa bahay na ito. Mainit siyang tinanggap at tinrato bilang pamilya sa sandaling araw na nagkasama sila. Alam niyang magtatagal pa siya dito, mas makikilala lamang niya ang kanyang mga amo pagkabalik nito mula sa Amerika.

"Halika na, Tanya." aya niya sa bata nang makitang nakaalis na ang dalawang amo.

Hindi naman sumagot ang bata at sumama na lamang sa kanya papasok ng bahay.

***

Tahimik lamang ang dalawa habang nakaharap sa isang makalalumang telebisyon. Iyon lang ang maririnig sa buong sala. Abala naman sa kanyang manika ang bata habang si Ella ay nakaupo lamang sa single sofa.

Gusto ni Ella kausapin ang bata. Nababagot na din siya dahil sa sobrang katahimikan. Simula noong umalis ang kanyang dalawang amo ay wala nang nagsalita pa sa kanila. Ayaw din naman magsalita ng bata dahil nakatuon lamang ang atensyon nito sa manika.

"U-uhm..." nag-iisip si Ella ng kanyang sasabihin sa bata. "Ang ganda naman niya, Tanya." panunukoy niya sa manika ng bata.

Napaangat ng tingin si Tanya at tila nagliwanag ang kanyang mga mata sa sinabi ni Ella. Natutuwa ito sa papuri ni Ella.

"Maganda ka daw, Riza." bumulong ang bata sa manika. Nag-angat ng tingin si Tanya kay Ella. "Salamat daw po."

Natawa na lamang si Ella. Ganyang-ganyan siya dati. Kinakausap niya ang mga manika at iniisip na lamang na sumasagot ito. Naaalala niya ang sarili niya sa batang kanyang binabantayan ngayon.

"Mahilig ka sa manika?"

"Opo." sagot ng bata. "Ang mga manika ay kaibigan. Hindi man nakakapagsalita, pero mas pipiliin kong makasama sila. Plastic man ang kanilang balat, hindi naman ang kanilang kaluluwa."

Dahil wala namang kaluluwa ang laruan. Muntikan nang matawa si Ella sa kanyang inisip. Maya-maya lamang ay nagpatuloy ang bata.

"Ang tao kasi, totoo, pero mapagkunwari. Mas mabuti na yung plastic ang balat, kesa sa plastic na ugali." natigilan si Ella sa sinabi ng bata. Paano nito nagawang humugot ng ganito?

Naging interesado si Ella sa bata. "Aba! Marunong ka na pala sa mga ganyan, ah?"

"Sinabi kasi ni Lola sa akin. Hindi lahat ng nakakasalamuha mo... Totoo..." seryoso ang bata. "Ang iba.... Multo."

Nawala ang ngiti ni Ella. Nanindig ang kanyang mga balahibo sa sinabi ni Tanya. Napalunok siya at tila nangilabot sa sinabi ng bata.

Maya-maya lamang ay humagikhik ito.

"Masyado ka palang matatakutin, Ate Ella!" tumatawa pa din ito. Nakahinga naman siya ng maluwag. "Nakakataw ho ang hitsura ninyo! Namumutla po kayo!"

LilithTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon