Mayamaya'y nagulat ako nang lumabas ang production head. Nailang ako ngayong kaming dalawa na lang ang naiwan sa silid na ito, lalo na dahil ramdam ko ang mga nakaw na tingin ni Colton. Habang nakatulala sa papel ay tumunog ang cellphone ko.

Kaiden calling...

Sinilip ko saglit ang nasa gilid bago tumayo at lumayo nang konti para sagutin ang tawag.

"Oh?" bungad ko sa kaibigan.

"Nars, help! Ang sakit daw ng puson ni Jia, ano'ng puwedeng gawin?" problemadong tanong niya. Natawa agad ako.

Si Jia ay non-showbiz girlfriend ni Kaiden. Ganito siya tuwing may problemang pang-kalusugan. Tatawagan ako na parang tanga at tatawaging Nars na akala mo ay nurse talaga 'ko para tanungin niya ng mga ganitong bagay. Hirap na hirap akong pigilan ang tawa bago sumagot.

"Hot compress tapos ibili mong burger at fries," patol ko sa kanya, gusto ko pa sana siyang murahin pero nang maalalang may kasama ako ngayon ay pinigilan ang sarili.

"Huh? Seryoso 'yan? Eh,melkti at prutas?" dagdag niya pa.

Napangiti pa 'ko bago magsalita. "Alam mo, ikaw—"

"Aren't you done with this yet?"

Mabilis akong napalingon kay Colton na ngayon ay hawak na ang papel na sinusulatan ko kanina. Napanganga ako sa bigla niyang pagsasalita.

"Sino 'yon?" Nabalik ako sa kausap nang magsalita muli si Kaiden. "Uy, Nars dalaw ka raw rito. Miss ka na ng jowa ko. Parang mas shota ka pa yata nito kaysa sa 'kin, ah."

Kung wala lang akong buwisit na kasama ay baka tumawa pa ako. "O,sige pupunta ko riyan mamaya 'pag maagang natapos 'tong ginagawa ko. Bye na," nagmamadaling sabi ko saka ibinaba ang tawag nang magpaalam na rin siya.

Si Colton ay nakatuon na ulit ngayon sa sariling gawain na akala mo ay wala siyang pang-eeksenang ginawa kanina.  Medyo padabog tuloy akong umupo. Ang magaling na production head ay wala na yatang balak bumalik.

Minadali ko ang pagda-draft para makaalis na agad at makadaan sa penthouse ni Jia.

Nang matapos ang binubuo ko ay nagdalawang-isip pa 'ko kung kanino ipapa-check ang gawa, pero dahil siya na lang naman ang nandito ay no choice na rin ako.

"Ayos na ba 'to?" tanong ko sabay abot ng papel.

Saglit niya lang pinasadahan ng tingin 'yon at agad na umiling. "Kulang pa."

Nalaglag ang panga ko. Kinalma ko muna ang sarili bago nag-isip ng puwedeng idagdag. Chineck ko ang oras at siguradong kapag natagalan pa rito nang ilang minuto ay maiipit na sa traffic 'pag pinuntahan si Jia.

"Ito?"

"Hindi masyadong catchy 'yong phrases."

Nakakuyom na ang kamao ko sa pangatlong revision. Hindi ko alam kung natutuwa ba siyang makita ang inis kong mukha, dahil nahuhuli ko pa siyang nakatitig habang hindi ako nakatingin. His face was void of any emotions though. He didn't look really pleased as well. Bumubuntong-hininga pa nga.

"The words are too flowery. Make it direct to the point."

Sigurado na 'kong bibigwasan ko na siya sa pang-apat na subok, pero fortunately ay dahan-dahan naman siyang tumango pagkatapos titigan iyon nang pagkatagal-tagal.

Sinilip ko pa saglit ang oras at bumagsak ang balikat nang mapagtantong hindi na kakayanin pa ang pagdalaw sa kaibigan.

Lumabas muna ko para mag-CR bago ligpitin ang gamit.

Pagbalik ko ay naabutan ko ang mga mata ni Colton na nakatuon sa cellphone ko sa lamesa. Nang lumapit ako ay iniwas niya ang tingin. Tiningnan ko ang telepono at nakalitaw roon ang bagong pasok na mensahe galing kay Kier.

Kier Dominic:
What are you doing?

Mabilis kong sinilip si Colton at nakitang nakatulala na ito sa mga papel sa harap niya.

Napalunok ako at hindi na alam kung para saan ang munting guilt na nadarama.

Dahan-dahan kong iniligpit ang mga nakakalat na gamit at ipinapasok na ang mga ito sa bag, natatakot na lumikha ng kahit anong ingay.

"Hey..." Nagulat ako nang marahang magsalita si Colton. "Can you"—nakita kong napalunok siya— "help me proofread my work first before you leave?" tanong niya gamit ang malulungkot na mga mata.

Hindi ko alam kung bakit siya nagpapatulong ng grammar at spelling sa isang hindi nakapagtapos na tulad ko, gayong siya ang may sapat na kaalaman. Ngunit ang tila nakaaawang ekspresyong ipinakikita niya ay nakapagpapayag sa akin.

"Thank you." Nakita ko pa ang saglit na pagkislap ng mga mata niya.

Halos wala namang mali roon kaya madali na ring natapos. Tinulungan ko na rin siya sa pagliligpit ng gamit sa harap niya bago isinukbit ang bag ko.

Akmang maglalakad na ako nang bigla siyang magsalita.

"Do you want to have dinner first? Mahaba ang biyahe mo at...baka abutan ka ng gutom sa daan." His eyes were very hopeful that I almost gave in.

Hinaplos ko ang isang braso ko bago naiilang na sumagot.

"Uh, hindi na. Salamat na lang," simpleng sabi ko.

Tinanguan ko siya bilang pagpapaalam bago tumalikod.

Those same sad eyes. It kept playing in my head.

Alam kong ito ang tama. Ang umiwas ang tamang desisyon.

Pero bakit gano'n? Bakit may kumikirot pa rin sa loob ng dibdib ko?





























Grow with the Flow (Published under Bliss Books)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon