Prologue

79 7 4
                                    

Madilim. Kadiliman ang bumabalot sa akin. At sa kadilimang iyon ay ang mga nakaakit ngunit mapanganib na boses na tila'y mas lalo pa akong hinahatak sa pinakakailaliman ng lugar na iyon. Hindi ko alam kung ano nang nangyayari. Ang alam ko lang ay paakyat na ako papunta sa rooftop ng gusaling ito. Habang paakyat ay pabigat nang pabigat ang nararamdaman ko. Tama ba ito? Tama ba itong nararamdaman ko? Tama ba itong ginagawa ko?

Narating ko na ang pinto na papunta sa rooftop. Walang alinlangan ko iyong binuksan at tumambad sa akin ang napakalakas na hangin at ulan. Bumuntong-hininga ako bago ako tumapak sa rooftop at naglakad papunta sa pader niyon. Hindi ko alintana ang malakas na ulan dahil alam kong hindi lang ako sa ulan maliligo.

Tiningnan ko muna ang paligid ko. Malabo. Hindi ko naaaninag ang nasa paligid ko. Hindi ko alam kung dahil ba ito sa lakas ng ulan o dahil sa mga luhang patuloy na umaagos sa mukha ko.

Hindi... hindi ko na kaya. Ang sakit-sakit na. Ang bigat-bigat na. Bakit ba lagi akong nasasaktan ng ganito? Bakit pakiramdam ko walang nagmamahal at nagmamalasakit sa akin? Deserve ko ba ito? Deserve ko bang masaktan at maabuso ng paulit-ulit?

'Oo, deserve mo,' bulong ng boses na iyon. Kailan ba ako titigilan ng boses na iyon? Kailan ba ako titigilang akitin ng boses na iyon?

Ngayon. Ngayon na. Dahil ngayon ko na isasagawa ang plano ko.

Bumuntong-hininga ako bago ako tumuntong sa pader ng rooftop. Lumingon ako sa likod, naghihintay kung mayroon bang pipigil sa akin na gawin ang gagawin ko. Ngunit, sa kasawiang-palad, wala. Walang pipigil sa akin. Ha, ngayon alam ko nang wala talagang nagmamahal at nagmamalasakit sa akin. Hinayaan ko na lang na tumulo nang tumulo ang luha ko dahil alam kong hindi ko na magagawa iyon mamaya.

Handa na sana akong tumalon nang may magsalita sa likod ko.

"Handa ka na ba?"

Nilingon ko kung sino ang taong iyon at napakunot-noo ako sa kanya.

"Sino ka?" Takang tanong ko.

"Handa ka na bang harapin kung ano ang nasa kabilang buhay?" Tanong niyang muli na mas lalo kong ikinakuryoso. Inirapan ko na lang siya at lumingon sa baba ng gusali. Napalunok ako at kinabahan, hindi dahil sa kung gaano kataas ang gusali kundi dahil sa tanong ng taong nasa likuran ko.

"Uulitin ko, handa ka na ba?"

"Uulitin ko rin, sino ka ba?" Tanong ko pabalik at nilingon ko siyang muli. Ngunit nginitian niya lang ako.

"Kung sabihin ko sa'yong may pag-asa pa, maniniwala ka ba?"

"Teka nga, sino ka ba? Anong ginagawa mo rito?" Inis na tanong ko.

"Pinipigilan ka sa masamang balak mo."

"Pinipigilan? Bakit mo naman ako pipigilan? Bakit, may pakialam ka? 'Wag kang umastang may pakialam ka dahil alam kong sa simula pa lang, wala nang may pakialam sa akin!" Sigaw ko sa kanya.

"Sa tingin mo, susundan ba kita dito kung wala akong pakialam sa'yo?" Tanong niya na nakapagpatigil sa akin.

"Bumaba ka diyan," hindi ko alam kung utos ba iyon o ano pero hindi ko namalayan na sinunod ko iyon at bumaba sa pagkakatuntong ko sa pader ng rooftop.

"Anong pangalan mo?" Tanong niya sa akin.

"Lydia."

"Lydia," ngiting banggit niya sa pangalan ko. "Gusto mo bang malaman ang pag-asang tinutukoy ko?"

I Came For YouWhere stories live. Discover now