꧁ ѵı | ʂєıʂ

Start from the beginning
                                    

Kasalukuyan silang namamahinga sa lilim ng isang puno matapos ang ilang oras na paggagapas.

"Aba! Huwag na huwag ho ninyong mabanggit-banggit ang aking tiyuhin! Ang aking ama ay labis ang galit sa kanya. Ikinahihiya siya ng aming pamilya!" matinis na panunuya ng isang binibini. Ilang araw nang iyan ang bukambibig ng mga tao tuwing siya ay nakakasalubong.

"Marapat lamang na siya'y iyong itanggi! Nakita ko. Nakita ko! Kamakalawa ay iniharap ng heneral ang iyong tiyuhin sa alperes. Pagkaraang hatulan ng pagkakasala, walang habas na pinutukan ng kanyang pistola ang ulo ng 'yong tiyuhin!" eksaheradong salaysay ng isang ginang may suot na salakot.

Agad naman siyang hinampas ng matandang babae bago palihim na sinilip ang tauli ng binibini. Napansin niya ang pagsalubong ng mga kilay nito't pananahimik.

"Kay lupit ng kapalaran para sa kanya. Subalit dapat bang kamatayan ang siyang kaparusahan sa kanyang kasalanan?" mahinahong pagwawari ng nag-iisang mestiza sa lupong. Pinagmamasdan niya ang taong paksa ng kanilang pag-uusap, ngunit kanyang 'di makita ang karahasan sa mukha ng heneral.

"Sapagkat hindi ka tagarito kung kaya'y 'di mo kilalang lubusan ang heneral. Ang mga mata mo, huwag ka nang mangarap dahil hindi siya karapat-dapat para sa iyo," tugon naman ng binibini na tinignan din ang kinaroroonan ng binata.

"At bakit? Unang kita pa lang ay iniibig ko na siya. Nahumaling ako sa kanyang mga mata. Hindi n'yo ba nasisilayan kung gaano iyon kaganda?" lubos na pagpupuri ng mestiza at tumayo na para bang lalapit sa kanyang napupusuan, subalit hindi niya ginawa.

"Gusto mo ang paraan ng kanyang pagtitig?" hindi makapaniwalang saad ng binibini at mahinang tumawa, "Inaamin ko na siya'y makisig. Tila ba siya ay nililok mula sa mamahaling hiyas. Ngunit nakakatakot ang kanyang mga mata."

Hindi nagustuhan ng mestiza ang sinabi ng binibini tungkol sa heneral. Nilingon niya ito at nagtakip ng mukha gamit ang dala-dalang abaniko. Wala namang kaalam-alam ang binibini sa masasamang tinging ipinupukol sa kanya ng mestiza.

Ngunit nababatid ito ng dalawa pa nilang kasama. Upang hindi na humantong pa sa pagtatalo, mahinang siniko ng matandang babae ang ginang.

"Siya si Juan Vicente Marchesa Escuelta, ang unico-hijo ng mag-asawang Marchesa-Escuelta. Mabuting bata ang heneral sa nakararami. Subalit wala siyang patawad sa mga nagkakasala sa batas," singit ng ginang sa dalawa at maikling ipinakilala ang heneral.

Ang binata na mainit nilang pinag-uusapan ay isa-isang tinitignan ang kanyang mga sundalo. Wala siyang ibang nasa isip kung hindi ang pagmamanda at pag-aatas sa kanilang pagsasanay.

Nalalapit na ang kaarawan ng alkalde at dumarami pa ang mga suwail sa lipunan. Ibig niyang maging handa ang kanyang hukbo sa anumang maaaring mangyari.

"Liksihan n'yo pa! Itaas mo 'yan! Magbilang nang sabay-sabay!" dumadagundong ang tinig ng heneral. At ang mga nakarinig, mapa-sundalo o sibilyan, ay 'di maiwasang mapatuwid ng tayo dahil sa kanya.

Tama ang pagpapakilala sa kanya ng ginang kanina. Ang ikatlo at pinakabatang heneral ng Santa Cruz, siya si Heneral Juan Vicente.

Masusing pinagmamasdan ng heneral ang kanyang mga sundalo habang sila'y nagsasanay. Sinisipat niyang maiigi ang bawat kilos nila at isinasaayos ng mabuti ang kanilang pagkakamali.

Hawak-hawak niya ang bayna na nakasabit sa gilid ng kanyang baywang. Naroroon sa loob ang isang sable. Nakaipit din sa kanyang baywang ang pamosong pistola. Ang parehas na baril na ginamit niya sa tiyuhin ng binibini.

Bayna : Scabbard

Mahigpit si Heneral Juan Vicente pagdating sa pagsasanay. Ayaw niya ng babagal-bagal. Hindi pwede sa kanya ang ayos lang. Ang gusto niya ay iyong pinakamahusay, 'yung pinakamagaling.

Estrella Cruzada  ⋮ ᴏɴɢᴏɪɴɢ ⋮Where stories live. Discover now