Prologue

33 0 0
                                    

"Binigo niyo na naman ako, Haisley at Ensley . . ."

Hindi makalingon ang dalawa sa kanilang kakambal. Napakagat labi si Ensley samantalang si Haisley ay nag-iisip ng paraan kung paano makakagawa ng dahilan.

"'Wag na kayong magtangkang magsinungaling pa!"

"Quinton . . ."

Bumuntong hininga at napapikit si Quinton nang banggitin ang pangalan niya ng isa pa niyang kakambal na si Jamison. Tila alam na ng kakambal niya ang mangyayari kapag hindi pa siya pinigilan ng isa niyang kakambal.

"Nagsasawa na akong pagsabihan kayo nang pagsabihan. Kailangan niyo nang magtanda," saad niya at inilagay ang kanyang dalawang kamay sa likod at tumalikod sa kanila kasabay ng pagtingin niya sa malayo.

"A-anong pagtatanda ang gagawin mo sa amin, mahal na hari?" kinakabahang tanong ni Haisley.

Matagal na 'tong naiisip at nakikita ni Quinton sa kaniyang panaginip kaya naman tingin niya'y magtatanda na ang dalawa niyang kakambal kung sakaling ito ang ipapataw niyang parusa.

"Kambal, anong ipagagawa mo sa kanila?" nag-aalalang tanong ni Jamison.

Nakita niya na naman sa kaniyang pangitain ang mukha ng isang lalaki sa mundo ng mga mortal. Sa loob ng dalawang taon, hindi siya tinigilan ng kaniyang pangitain at sa tuwing may nangyayaring hindi maganda, lagi itong nagpapakita sa kaniya kahit nasaan man siya. Kaya napag-isip isip niyang ito na ang tamang panahon, at baka sakaling magtanda ang kaniyang mga pasaway na kambal.

"Ipapadala ko kayo sa mundo ng mga mortal . . ." at siya ay may ipinakita sa kaniyang mga kambal na dulot ng mahika. Ipinakita no'n ang mukha ng lalaking matagal ng nagpapakita sa kaniyang isip. "Balak kong gawin kayong tagapag bantay niya at gawin lahat ng kahilingan niya."

Napahinga naman nang maluwag sila Haisley at Ensley at kabadong tumawa si Ensley, "Sus naman, kambal akala ko kung ano na ipagagawa mo sa –"

"Kailangan niyong kilatisin nang maigi ang bawat hiling niya. Dahil sa oras na humiling siya ng masamang kahilingan at ito'y tinupad ninyo, hinding hindi na kayo makakabalik dito sa kaharian ng Cripecan."

Ang kaninang kabadong tawanan na nagpawala sa kanilang kaba ay biglang nagsibalikan. Nagkatinginan sila Haisley at Ensley at ngayo'y 'di na magawang ngumiti man lang dahil sa sinabi ng kanilang haring kambal.

"Bibigyan ko lamang kayo ng tatlong pagkakataon, oras na humiling siya ng mga maling kahilingan. Paano niyo mararamdaman na siya'y humiling ng maling kahilingan na hindi niyo sinasadyang tuparin?

Una, manghihina kayong dalawa at lagpas sa bente kuwatro oras na kayo ay makakapag pahinga. Ikalawa, magagamit niyo pa rin ang inyong kapangyarihan pero habang ito ay ginagamit ninyo, hindi na magiging normal ang paggamit niyo. Maaaring ang kapangyarihan ninyo ay maging kalaban niyo na rin at ang ikatlo . . ."

Bumigat na ang paghinga ni Quinton pero kailangan niyang gawin ito dahil kung hindi niya ito gagawin ay paulit ulit lang na gagawa ng katarantaduhan ang mga kakambal niya at ang mga ito ay hindi matututo at hindi magtatanda.

"Kapag natupad niyo ang kaniyang maling panghuling kahilingan, kayo ay mamamahinga sa mundo ng mga mortal."

Parang nawalan ng dugo ang kaniyang mga babaeng kambal at sa pagkakataong 'yon ay 'di na nila nakuha pang pumalag sa kanilang kakambal. Kamatayan ang pinakakinatatakutan nilang pangyayari sa kanilang buhay. At 'di nila namalayan ang paglagitik ng daliri ng kaniyang kambal at sa isang iglap ay unti unti na silang naglalaho. Dinig na dinig ang sigawan nila na nagmamakaawa at kahit masakit para sa kaniya, ay kailangan niyang tatagan ang kaniyang loob.

Nanggagalaiting humarap si Jamison sa kaniyang kakambal. Nanlilisik ang kaniyang mga mata, "Anong nangyayari sa'yo!? Bakit mo sila pinarusahan nang gano'n?!"

Hindi siya nilingon ni Quinton at ang kaniyang paningin ay nakatanaw pa rin sa malayo. Tila may hardin siyang nakikita sa kaniyang isip kahit na sila ay nasa loob ng palasyo, "Nararapat lang 'yon sa kanila, mahal kong kakambal."

"Hindi mo ba narinig ang nagmamakaawa nilang pagsigaw? Na ibig sabihin hindi nila kaya ang mamuhay sa mundo ng mga mortal?! Bakit nagkaganiyan ka?!"

Sa wakas ay nakuha na ni Jamison ang atensyon ng kaniyang kakambal at kahit naiirita na si Quinton ay kalmado niya pa ring kinausap ang kaniyang kakambal.

"Hindi sila magtatanda. Nakita mo naman 'diba? Ilang beses ko na silang pinagsabihan pero hindi pa rin nakikinig. At ikaw? May nagawa ka ba para sila'y mapatino? Pinagsabihan mo nga ang mga iyon ngunit anong nangyari? Nakinig ba? Nagtanda ba?"

Hindi na nakapagsalita pa si Jamison sa sinabi ng kaniyang kakambal at ito'y basta na lang umalis. Hindi ininda ni Quinton ang pag-alis ng kambal niya at iyon ay binalewala na lamang. Pinalagitik na naman niya ang kaniyang mga daliri at nakita niya na naman sa kaniyang mahika ang mukha ng lalaki sa mundo ng mortal at himalang hindi na kakaiba ang nararamdaman niya ngayon nang makita niya ito. Sa halip na hindi mawari kung anong dahilan, kakaibang saya ang nararamdaman niya ngayon.

"Matutulungan mo sila, at matutulungan ka rin nila. Pareho ko kayong babantayan, dahil bago ako mamahinga ay alam kong makakauwi sila rito at ako'y kanilang aabutan . . . kasama ka."

The Lost FairiesWhere stories live. Discover now