CHAPTER 8

3.9K 78 0
                                    


“A-ANO PO?” gulat na gulat na sabi ni Airabelle. Hindi siya makapaniwala sa narinig niya. Totoo ba iyon? Gusto ni Tito Lauro na magpakasal sila ni Linkurt? Kanina lang ay nagulat siya sa biglang paghalik sa kanya ni Linkurt. Ngayon ay nagulat uli siya sa sinabi ni Tito Lauro. Maging si Yaya Lolita ay nagulat din.
God! Bakit sa kabila ng pagkagulat niya ay nakaramdam siya ng saya?
“P-pero, Dad—” Ngayon pa lang nakapag-react si Linkurt. Naputol pa ang sasabihin nito dahil nagsalita si Tito Lauro.
“Sinabi mong gagawin mo kahit ano, hindi ba? Bakit ngayon parang ayaw mong gawin ang sinasabi ko sa 'yo?”
“Susundin ko ang unang sinabi mo, Dad. Pero...” Tumingin ito sa kanya. “I can’t marry her,” sabi nito.
“Bakit, akala mo ba magpapakasal ako sa 'yo? No way!” kaagad na sabi niya. Bumaling siya kay Tito Lauro. “Tito, ayoko ring magpakasal sa lalaking 'yan.” Iyon ang unang pagkakataong tumanggi siya sa gusto ni Tito Lauro.
“I’m sorry, hija. Noon pa man ay kayo na ang gusto kong magkatuluyan balang-araw.”
“Magtatrabaho na po ako sa kompanya. Hindi pa ba sapat 'yon, Dad?”
“No!” mariing sabi ng daddy nito.
“Pero, Tito—”
“Napagkasunduan na namin iyon ng papa at mama mo noong nabubuhay pa sila. Ayaw mo bang matupad ang pangarap namin? Tiyak na lubusan silang maging masaya kapag nangyari iyon.”
Naalala niya ang kanyang mga magulang. Siyempre, gusto rin niyang mapasaya ang mga ito saan man ang mga ito naroroon. Mukhang nakumbinsi na yata siya ni Tito Lauro. Pero tiyak niyang hindi papayag si Linkurt.
“Anong kasunduan ang sinasabi mo, Dad? Uso pa ba 'yon?”
“Kung gusto mong patawarin kita, gawin mo ang gusto ko.”
Isa pa iyon. Gusto rin niyang patawarin si Linkurt ng ama nito. Hindi niya kayang isipin na galit si Tito Lauro dito. At patatawarin lang ito ng daddy nito kung magpapakasal sila nito.
Nakapagdesisyon na siya. Gusto niyang magpakasal kay Linkurt. Hindi lang dahil pangarap iyon ng kanilang mga magulang, hindi lang dahil gusto niyang patawarin na ni Tito Lauro ang anak nito, kundi dahil at higit sa lahat mahal niya si Linkurt.
“I’m sorry, Dad. Iba na lang ang ipagawa n’yo sa 'kin. Huwag lang ang pakasalan si Airabelle.” Ayaw talaga nitong magpakasal sa kanya.
Nakakahiya naman kung sasabihin niyang gusto niyang magpakasal gayong ayaw naman nito. Mapapahiya siya. Ngayon pa nga lang ay nahihiya na siya sa kanyang sarili. Ano ang gagawin niya? “Ayoko ring magpakasal sa kanya, Tito,” sabi niya. Kung ayaw nitong magpakasal sa kanya, iyon din ang sasabihin niya. Kahit hindi iyon ang totoo. Ayaw niyang ipagsiksikan ang sarili niya sa taong hindi siya gusto.
“Hindi ko kayo minamadali. Bibigyan ko kayo ng panahon para makapag-isip at makapagdesisyon. Sana lang ay maunawaan n’yo ang gusto kong mangyari,” sabi ni Tito Lauro at umakyat na sa silid nito.
Si Yaya Lolita ay nagpaalam ring papasok na sa kuwarto nito upang magpahinga. Ngakatinginan sila ni Linkurt bago ito tumungo sa kusina. Siya naman ay lumabas upang ipagpatuloy ang hindi pa natatapos na pagdidilig niya ng mga halaman.

MULA nang sinabi ni Tito Lauro na magpapakasal sila, parang bumalik na naman sa dati si Linkurt. Hindi na uli niya ito nakitang ngumiti. Ni ang kausapin siya ay hindi nito ginagawa. Mag-iisang linggo na siyang hindi pinapansin nito. Magsisimula pa lang siyang kausapin ito sa tuwing magkakasalubong sila ay umiiwas na ito.
Pero nang hapong iyon habang nanonood siya ng TV sa sala, naramdaman niyang lumalapit ito sa kanya.
“Puwede ba kitang makausap?” tanong nito.
Nang lumingon siya ay una niyang nakita ang mga paa nitong walang sapin. Nang tumingala siya upang makita ang mukha nito ay naglakad naman ito paharap sa kanya. Sinundan niya ito ng tingin. “A-anong pag-uusapan natin?”
“Off mo ngayon, 'di ba?”
“Pa’no mo nalaman?”
“Today’s Friday. Hindi kita nakikitang umaalis 'pag ganitong araw.”
Binabantayan mo pala ako. “Yeah, off ko. Ano naman ngayon kung off ko?”
“Gusto sana kitang... ano... ah... yayain.”
“Yayaing ano?”
“Lumabas?” Lumabas? With a question mark? Mukhang hindi pa ito sigurado sa sinabi nito. “Yeah... lumabas,” pagkumpirma nito.
“You’re asking me to go out? With you?” Sinorpresa na naman siya nito. “Magdi-date ba tayo?”
“Y-yeah. P-parang gano’n na rin. Okay lang ba?”
Pero bakit naman? Matagal bago siya sumagot. Pero hindi na siya magpapakipot pa. “O-okay lang. Wala naman akong gagawin.” Baka kasi magbago pa ang isip nito kung tatanggi-tanggi pa siya.
“Eight P.M.” anito na alam niyang oras iyon ng pag-alis nila.
“Okay,” sang-ayon niya.
Nang umakyat ito sa ikawang palapag ay saka pa lang siya pumakawala ng ngiti. Kinikilig siya. Marami nang nagyayang mag-date sa kanya noon pero iba pala talaga ang pakiramdam kapag ang lalaking gusto mo ang nagyaya sa iyong mag-date.
“Hmm, mukhang masaya ka yata ngayon?”
Si Yaya Lolita ang nakita niya nang lumingon siya. “Yaya, niyaya ako ni Linkurt na lumabas.”
“Talaga? Mukhang nagsisimula nang manligaw sa 'yo si Baby Boy,” masayang wika nito.
“A-ano po?”
“Kunwari pa talaga 'yang alaga ko. Gusto ka niya. Siguradong matutuwa ang daddy niya nito. Sige, hija, maiwan muna kita. Tatawagan ko ang Tito Lauro mo. Kailangan niyang malaman ang magandang balita na ito.” Nasa opisina kasi si Tito Lauro. At iniwan na siya ni Yaya Lolita.
Hindi na niya tuloy nasabi ang sasabihin niya dahil bigla siya nitong iniwan. Napangiti na lamang siya. Pero dahan-dahang napalis iyon nang maisip kung bakit ginawa iyon ni Linkurt. Bakit kaya niyaya siya nitong lumabas para mag-date? Ano ang balak nito? Ilang araw siyang hindi nito pinansin pagkatapos ay bigla na lang magyayaya ng date? Ibang klase rin talaga ang takbo ng utak nito.
Bro, ikaw na’ng bahala sa 'kin.

My 24/7 Piece of Heaven [PUBLISHED under PHR]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon