CHAPTER 4

4.2K 84 0
                                    

NIYAKAP ni Airabelle ang unan niya at ipinikit ang mga mata. May ngiti sa mga labi niya habang iniisip si Linkurt. Ini-imagine din niyang si Linkurt ang malambot na unan na niyayakap niya.
S-in-et niya kanina ang alarm clock ng cell phone niya para um-alarm ito dalawang oras bago ang pasok niya sa trabaho; eight P.M. ang pasok niya at magko-commute lang siya. Nagko-commute lang naman talaga siya dahil nahihiya siyang gamitin ang isa pang kotse ni Tito Henry kahit na ipinapagamit nito iyon sa kanya.
Hindi pa siya nakakatulog ay tumunog na ang cell phone niya. Ang bilis naman ng oras. Nang tingnan naman niya ang cell phone, saka niya napagtanto na message alert tone pala ang narinig niya. Isang text message ang natanggap niya.
Aira, alam ko tulog ka pa. Pero excited lang talaga akong itanong sa 'yo 'to. Ano’ng nangyari sa pagsundo mo sa long-time crush mo? He-he!
Napangiti siya pagkabasa sa text na iyon mula sa kaibigan niyang si Jeaniebelle. Hindi man niya nakikita ito, alam niyang kinikilig ito. Kinikilig din kasi siya. Sa tagal nilang pagiging magkaibigan, alam na nila ang nararamdaman ng isa’t isa.
Pareho pang may “belle” ang dulo ng first name nila. Tulad niya ay pinaglihi rin ito ng ina nito sa Disney character na si Belle ng isa sa mga sikat na fairy tale na Beauty And The Beast. Gaya rin ng mama niya, paborito rin ng ina nito si Belle. Kaya ang mga pangalan nila ay may “belle” sa dulo at kaya pareho silang maganda.
Noong college sila nagkakilala nito. Magkaklase sila mula noong unang taon nila sa kolehiyo. Ito ang unang nakilala at naging kaibigan niya. Mapagkakatiwalaan ito kaya halos lahat nang tungkol sa kanya ay alam na nito. Marami na rin siyang alam tungkol dito. Ni minsan ay hindi pa sila nag-away nito. They were really best of friends. At ngayon ay magkasama pa sila sa trabaho. Sa ngayon ay tatlong taon na ang relasyon nito at ng boyfriend nito na isang seaman.
Nag-reply siya. Haay, Jeanie. Gising pa kaya ako. 'Di ako makatulog dahil iniisip ko siya.
Nag-ring ang cell phone niya. Si Jeanibelle ang tumatawag. Nang pinindot niya ang Answer call button ay ito ang unang nagsalita. “Ang saya mo, ha! Kilig na kilig ako! Ano, kumusta si Linkurt? Masungit pa rin ba?”
“Medyo. Seryoso pa rin siya. Pero hindi na gaya noon. Nararamdaman kong hindi na siya inis sa 'kin.”
“Talaga? Eh, di maganda. Ay, ang saya ko para sa 'yo!”
“Sana nga tuluyan nang mawala ang inis niya sa 'kin.”
“Sana nga. Um-absent ka na lang muna kaya ngayon para makabawi ka nang tulog,” suhestiyon nito.
“Ayokong um-absent alam mo namang araw-araw ay excited akong pumasok sa trabaho.”
“Lalo na ngayong nandito si Linkurt. Mas nai-inspire ka. Uuy!”
“Tumigil ka nga.”
“Oo na. Hindi na kita kukulitin. Mamaya na lang uli,” anito sabay tawa.
“Sige na.”
“Humanda ka sa 'kin mamaya. Bye.”
Pagkatapos niyang magpaalam ay pinutol na ni Jeanibelle ang linya. Mula nang sinabi niya rito na crush niya si Linkurt ay hindi na siya tinigilan nito ng pangungulit at panunukso. At kahit na pinipigilan niya ito sa tuwing ginagawa nito iyon ay hindi niya puwedeng hindi aminin sa sarili na kinikilig siya. Crush niya si Linkurt physically dahil guwapo ito. Hanggang doon lang iyon. Pero nadadala talaga ng kaguwapuhan nito ang hindi magandang pakikitungo nito sa kanya. Kaya hindi siya kailanman na-turn off dito.
Nakatulog siya habang binabalikan sa alaala ang mga panunukso sa kanya ni Jeaniebelle noon. Nakatulog siyang may ngiti sa mga labi.

NAGISING si Airabelle dahil sa tunog ng alarm clock ng cell phone niya. Alas-sais na ng gabi. Maghahanda na siya para pumasok sa trabaho.
Bumangon siya, inayos ang sarili at lumabas ng kuwarto. Nang bumaba siya upang uminom ng tubig ay nakita niya ang isang lalaking nakatalikod at nakaharap sa kalan. May niluluto ito. Naririnig pa niya ang tunog ng mantika. Hindi siya puwedeng magkamali, nagpiprito ito ng manok. Naka-muscle shirt ito na kulay puti. “Linkurt,” tawag niya rito.
Humarap ito sa kanya. “Gising ka na pala. Anong oras ba ang pasok mo?” tanong nito.
Sa pagkabigla niya sa tanong nito at sa paraan ng pagkasabi nito niyon na hindi niya inaasahan, hindi siya kaagad nakasagot. Bumaba ang tingin niya rito. Naka-shorts ito na kulay asul at wala itong sapin sa paa. Napangiti siya.
“O, ano’ng nginingiti-ngiti mo riyan? I’m asking you. 'Di mo ba ako narinig?”
“Sorry. Ikaw nga si Linkurt. Hindi ka kasi nagtsi-tsinelas 'pag nasa bahay,” natatawang wika niya.
“Ano naman ang nakakatuwa ro’n?”
Hindi niya pinansin ang sinabi nito dahil may ibang umagaw ng pansin niya. “'Yong niluluto mo, n-nasusunog na yata.”
Mabilis nitong binalikan ang ginagawa. “Shit!” Kaagad nitong inalis ang mga nasunog ngang pinirito mula sa kawali at inilagay sa plato. Pagkatapos nitong patayin ang stove ay binalingan siya nito. “Ikaw kasi, eh.”
“Anong ako?
“You disturbed me.” Inilagay nito sa mesa ang niluto nitong ulam.
“Ako? Inistorbo kita?”
“Bakit, hindi? Ano sa palagay mo ang tawag sa pakikipag-usap mo sa 'kin? Hindi ba pang-iistorbo 'yon?”
Tama nga naman ito. “Pinansin mo naman kasi ako. Dapat hindi mo na ako pinansin,” katwiran niya.
“Yeah, you’re right,” sang-ayon nito. “Don’t worry, hindi na kita papansinin sa susunod.”
“No. Pasensiya ka na. Pero—”
“Sige na. Ayoko nang pakinggan ang sasabihin mo.”
Patay! Mukhang bumabalik na naman ito sa dati. Sabi na nga ba niya. Kaya ayaw niyang umasa. Pero kasalanan din naman kasi niya kung bakit ito nagkaganoon. Istorbo naman kasi talaga siya. Iginiit pa niya na wala siyang kasalanan. Alangan namang hindi siya pansinin nito. Baka sabihin niyang suplado ito kapag hindi siya nito pinansin. Suplado naman talaga ito kahit kailan.
Ano ka ba, Airabelle? 'Pasalamat ka pa nga at pinansin ka niya. Kaysa naman hindi ka pinansin, 'no. Hayan tuloy, nagalit. Ano na ang gagawin mo ngayon niyan?
Kumuha siya ng malamig na tubig mula sa refrigerator, ininom iyon at muling umakyat sa kanyang silid.

NANG muling bumaba si Airabelle mula sa kuwarto niya, nakita niyang kumakain si Linkurt ng hapunan sa sala habang nanonood ng TV. Nasa ilalim ng plato ang kamay nito. Ang isang kamay nito ang ginagamit niya para isubo ang kanin at ang niluto nitong ulam. Naalala niya na noon pa man ay iyon na ang ginagawa nito kapag wala itong kasabay kumain. At kapag sa bahay lang, nagkakamay lang talaga ito kung kumain kapag walang sabaw.
Tumikhim siya para ipaalam na nasa likuran siya nito. Pero parang wala itong narinig. Tutok na tutok ito sa pinapanood na palabas na isang Hollywood action film. Ang mga ganoong palabas ang hilig nitong panoorin. “Aalis na ako,” paalam niya rito. Nakabihis na siya at papasok na sa trabaho.
Sinulyapan lang siya nito at muling ipinagpatuloy ang ginagawa.
Suplado! Hindi man lang nang-alok. Mabilaukan ka sana. Humakbang siya palabas ng bahay. Bago siya nakalabas ng pinto ay narinig niyang umubo ito. Natupad yata ang hiling niyang mabilaukan sana ito. 'Buti nga!
Hahayaan lang sana niya ito pero mukhang sunud-sunod na umubo ito. Nag-alala siya bigla. Pumihit siya at nilapitan ito. Hinimas-himas niya ang likod nito. “Okay ka lang?” tanong niya.
“Isn’t it obvious that I’m not?” turan nito sa gitna ng pag-ubo.
“Ikaw na nga 'tong inaalala, ikaw pa ang galit,” bulong niya.
“Ano?”
“Wala.” Kumuha siya ng tubig. Nang makabalik siya ay iniabot niya rito ang basong may lamang tubig. “O, inumin mo.”
Halos hatakin nito ang baso sa kanya. Uminom ito ng tubig. “Umalis ka na nga. Baka ma-late ka. Sisihin mo pa ako,” anito nang tumigil na ito sa kauubo.
“Okay. Bye.”
Hindi na ito nagsalita. Pabagsak na inilagay nito ang baso sa center table, umupo sa sofa at muling kumain.
“Salamat, ha? At ingat ka na rin,” parinig niya rito. Iyon sana ang gusto niyang sabihin nito sa kanya.
Nilingon lang siya nito at walang kaemo-emosyong tiningnan siya. Medyo ini-snub niya ito at tuluyan nang lumabas ng bahay.

“GALIT na naman siya sa 'kin,” sabi ni Airabelle sa kaibigang si Jeaniebelle. Break time nila. Kasalukuyan silang umiinom ng kape.
“Ha? Bakit na naman?” tanong nito.
Ikinuwento niya ang dahilan. “Kasalanan ko rin naman kasi.”
“Pero grabe naman siya. Parang 'yon lang.”
“Alam mo naman 'yon. Ano’ng gagawin ko? Nag-sorry na ako. Pero ayokong magalit siya sa 'kin.”
“Ikaw na lang kasi ang palaging unang nakikipag-usap sa kanya. Kung galit siya sa 'yo at ayaw ka niyang kausapin, hayaan mo siya. Bahala siya. Hindi mo na problema 'yon. Kaunting bagay, nagalit na siya kaagad?” Umiling-iling na lamang ito.
“Hindi ko yata kayang hindi siya kausapin.”
“Puwes, magtiis ka muna ngayon. Hintayin mong siya ang unang kumausap sa 'yo. Siya naman 'tong maraming kasalanan sa 'yo noon, hindi ba? Sumosobra na siya. Hanggang ngayon ba naman ay hindi pa rin siya nagbabago?”
Naintindihan niya kung bakit naiinis ang kaibigan niya ngayon kay Linkurt. Oo at kinikilig ito sa kanila ng lalaki pero sobra na nga talaga si Linkurt. Matagal na panahon na ang lumipas, ganoon pa rin ang pakikitungo ng lalaki sa kanya. Akala niya ay nagbago na ito nang pakitaan siya nito ng maganda. Pero nagkamali pala siya. Hindi na talaga siguro magbabago si Linkurt sa kanya. Pero patuloy pa rin niyang hinihiling na magbabago ito. Maghihintay siya. Kahit gaano pa iyon katagal.

NAINIS si Linkurt sa sarili. Ano na naman ang ginawa niya kay Airabelle? Hindi niya maintindihan ang sarili niya. Kapag wala si Airabelle ay hinahanap niya ito, gusto niya itong makita. Kapag nandiyan naman ito ay inaaway niya.
Ang sama niya talaga, inaamin niya iyon. Wala siyang natatandaang pagkakataon na maayos niya itong kinausap, na maayos niya itong pinakitunguhan. Kanina lang ang unang pagkakataong kinausap niya ito nang mahinahon pero ni matipid na ngiti ay hindi niya rito ginawa. At ngayon ay nagalit na naman siya rito.
Bakit ba ganoon siya? Wala naman itong ginagawang mali sa kanya pero nagagalit siya. Kung may mali man itong ginawa ay hindi naman ganoon kagrabe iyon. Pero bakit ang bilis uminit ng ulo niya?
Alam niyang mali ang pinaggagawa niya kay Airabelle. Hindi lang niya kayang pigilin ang sarili niyang mainis dito kapag nakikita niya ito. Nagalit siya sa mundo dahil sa pagkawala ng mommy niya at si Airabelle ang nabalingan niya ng galit niya kahit wala naman itong kasalanan. Ngayong tanggap na niyang wala na ang mommy niya, hindi pa rin mawala-wala ang galit niya rito. Dahil ba nakasanayan na niya iyon? Hindi naman yata puwede iyon. Kawawa naman ito.
Sorry, Airabelle. Patawarin mo sana ako.

My 24/7 Piece of Heaven [PUBLISHED under PHR]Where stories live. Discover now