CHAPTER 7

3.6K 77 0
                                    

NA-SHOCK si Airabelle sa ginawa sa kanya ni Linkurt. Bigla kasi siyang hinalikan nito nang walang paalam. Sino ba naman ang hindi magugulat doon? At isa pa iyon ang unang halik niya sa edad na bente-siyete. Ang sarap pala sa pakiramdam.
Hindi siya makapaniwalang nagdikit ang mga labi nila. Now his lips were slowly moving, tasting first the lower part of her lips, then the upper part, then both. Dati ay sa panaginip lamang niya iyon nangyayari. Ngayon ay totoo na. Totoo nga ba? O baka nananaginip na naman siya? Kung panaginip iyon, hiniling niya na sana ay huwag na siyang magising.
His lips were hot. At ang init na nagmumula roon ay tila lumipat at kumalat sa buong katawan niya. Napapikit siya. Pakiramdam niya ay bibigay ang mga tuhod niya kaya napakapit siya sa mga braso nito. Parang nawala na rin siya sa kanyang sarili. She was enjoying the moment.
Natagpuan na lamang niya ang kanyang sariling tumutugon sa halik nito. Hindi siya marunong humalik pero medyo sigurado siyang tama ang ginagawa niya. Marahil ay nakatulong ang mga romantic movies na napanood niya. Ginaya lang niya kung paano tumugon ang mga bidang babae. Sana lang ay nagustuhan ni Linkurt ang pagtugon niya sa halik nito. Bakit ba niya iniisip iyon?
Mula sa mga braso nito ay parang may sariling buhay ang mga kamay niyang gumapang sa likod nito. Mukha yatang hindi magtagpo ang mga palad niya sa lapad ng likod nito. Pagkatapos ay umakyat ang mga kamay niya sa batok nito. Nanatili roon ang isang kamay niya habang ang isa ay dahan-dahang bumaba sa dibdib nito. Dinaman niya ang pinong mga balahibo roon. She also could feel his heartbeat.
“Now you’re touching me.” Kaagad siyang napamulat nang marinig niya itong nagsalita. “Maaga pa para dito. Let me take a rest first. Pagod pa ako,” pilyong sabi nito.
Tinulak niya ito upang makadistansiya siya rito. Parang wala siyang mahagilap na mga salitang sasabihin dito. Pero hindi siya papayag na tatahimik lang siya. “Ang kapal ng mukha mo!” aniya, saka tumalikod dito at nagmadaling humakbang pababa.
“Nawala ba ang excitement mo?”
Napahinto siya at muling humarap dito.
“Sorry binitin kita. 'Di bale, babawi ako next time,” nakangiting sabi nito.
Talaga bang inaasar siya nito? Mukhang sumosobra na ito. Hindi na siya natutuwa. Ano ba ang nakain nito at bigla na lang itong nagkaganoon? Masaya pa naman siya dahil nginitian na siya nito. Pero kung iyon naman ay simula ng pang-aasar nito sa kanya... well, okay na rin siguro. Oo at naaasar siya pero mas nangingibabaw yata ang kilig na nararamdaman niya.
Pero ayaw niyang ipahalata iyon. “Ang kapal mo talaga!” Nilapitan niya ito at sinampal.
Nasapo nito ang pisnging sinampal niya. “Ikaw pa lang ang babaeng gumawa sa 'kin nito.” Tinutukoy nito ang pagsampal niya rito.
Gusto niyang humingi ng tawad. Huwag na huwag kang mag-so-sorry, Airabelle. Parang ganti mo na 'yan sa mga ginawa niya sa 'yo dati. Besides, may kasalanan naman talaga siya ngayon. Hinalikan ka niya nang walang paalam, tutol ng isip niya. Itinaas niya ang noo bago nagsalita. “Bakit, ikaw naman ang nagsimula, ah?”
“Anong ako ang nagsimula?”
“Kunwari ka pa. Hindi naman nauntog ang ulo mo para magka-amnesia ka. Hinalikan mo ako nang walang paalam, Mister. Naalala mo na?”
“Kunwari ka rin. Nagustuhan mo naman, hindi ba?”
Ang totoo ay masarap itong humalik. Pero hindi niya puwedeng sabihing nagustuhan niya iyon. “H-hindi, 'no!”
“Dahil bitin, gano’n?”
“A-alam mo, k-kung ayaw mong kumain, eh, di huwag mo,” pag-iba niya sa usapan, saka ipinagpatuloy ang pagpanaog sa hagdan.
Narinig niya itong tumawa. Hinayaan na lamang niya ito. Bahala ito kung ano man ang isipin nito.

NAKAKAHIYA! Hanggang ngayong hindi na niya kaharap si Linkurt ay sobrang hiya pa rin ang nararamdaman ni Airabelle. Parang wala na tuloy siyang mukhang maihaharap dito.
Muntik nang may nangyari sa kanila ng lalaki kanina. Ano kaya kung hindi nito itinigil ang paghalik sa kanya? Siguro ay wala siya sa kusina ngayon at kumakain ng almusal. Siguro ay nasa kama siya nito, nakahiga sa tabi nito.
No! Hindi puwede 'yon. Mas nakakahiya 'yon. Ano ba ang iniisip niyang iyon? Saglit na binura niya iyon sa isip niya at itinuloy ang pagkain.

NAKANGITING humiga si Linkurt sa kama. Naisip niya, kung hindi lang niya pinigilan ang sarili niya, marahil ay may nangyari na sa kanila ni Airabelle. He was aroused. Hanggang ngayong iniisip na lamang niya ang nangyari kanina.
Hindi niya alam kung bakit hinalikan niya ito. Pero gusto niya ang ginawa niya rito. At sigurado siyang nagustuhan din nito ang ginawa niya kahit pa sinampal siya nito. Hindi ito tutugon kung hindi nito nagustuhan ang halik niya.
Ano nga ba ang nangyayari sa kanya? Marunong na yata siyang mang-asar ngayon. Isa iyong pagbabago sa sarili niya na hindi niya inaasahan.
Haay, Airabelle. Nagkakaganito ba ako dahil sa 'yo?

NAGDIDILIG si Airabelle ng mga bulaklak sa hardin nang may humintong sasakyan sa tapat ng bahay. Alam na niya kung sino ang dumating. Kanina ay kinuha ni Mang Gener ang Ford Expedition na iyon dahil tinawagan daw ito ni Yaya Lolita para sunduin ang Tito Lauro niya dahil lalabas na ang tito niya sa ospital.
Pinatay niya ang gripo at nagmadaling binuksan ang gate. Bumaba si Tito Lauro mula sa sasakyan kasama si Yaya Lolita. Idineretso naman ni Mang Gener ang sasakyan sa garahe.
“Welcome home, Tito!” masayang bati niya at niyakap ito. “Yaya Lolita.” Niyakap din niya ito.
“I missed home, hija. At siyempre ikaw,” nakangiting wika ni Tito Lauro. Mukhang masigla na uli ito.
“I missed you, too, Tito.”
Bigla itong sumeryoso. “Nariyan ba si Linkurt?”
“Opo. He’s asleep.”
Tumango lang ito. “Pumasok na tayo.”
Pagpasok nila ay eksaktong pababa si Linkurt sa hagdan. Naka-shorts at sando ito. “Baby Boy,” tawag ni Yaya Lolita dito.
“Yaya Lolita,” nakangiting tawag nito. Pero bigla itong sumeryoso nang bumaling ito sa ama nito. “Dad...” Tinangka nitong yakapin ang ama nito pagkababa nito pero umiwas si Tito Lauro.
“Gusto ko nang magpahinga,” anang daddy nito.
“Dad, teka lang...” pigil ni Linkurt.
“Hindi mo ba ako narinig? Magpapahinga na ako.”
“Lauro, kinakausap ka ng anak mo. Ano ba’ng nangyayari sa 'yo?” ani Yaya Lolita.
“Ayokong makipag-usap sa kanya, Lolita. 'Di ba nasabi ko na sa 'yo 'yon? At alam din niya 'yon.”
“Tito, pakinggan n’yo po muna si Linkurt,” sabad din niya.
“I’m really sorry, Dad,” ani Linkurt. “Ano ba ang dapat kong gawin para mapatawad n’yo ako?”
Ilang segundo ang pinalipas nito bago nagsalita. “Kahit ano bang sabihin ko ay gagawin mo?”
“Anything, Dad. Kahit ano mapatawad n’yo lang ako. Ayoko nang magalit kayo sa akin.”
“Magtrabaho ka sa kompanya at dito ka na sa Pilipinas manatili.”
Waring nag-isip si Linkurt. “Y-yes, Dad. Gagawin ko ang gusto n’yo,” pagpayag nito. “Nag-resign na ako sa trabaho ko bago ako umuwi.”
“At pakasalan mo si Airabelle.”

My 24/7 Piece of Heaven [PUBLISHED under PHR]Onde as histórias ganham vida. Descobre agora