CHAPTER 2

5K 93 0
                                    

“L-LINKURT?” hindi niya napigilang itanong. Nag-stammer pa siya.
“Yeah, it’s me,” seryosong sagot nito.
Ang guwapu-guwapo mo! kinikilig na sabi niya sa sarili. Parang hindi na niya maialis ang pagkakatitig niya rito.
Bilugang singkit ang seryoso nitong mga mata, makakapal ang mga kilay, matangos ang ilong at maganda ang hugis ng mga labi nito; parang kaysarap halikan. Clean-cut ang buhok nito pero papatubo na uli iyon. Papatubo na rin ang patilyo, bigote, at goatee nito.
Anim na taon na ito sa ibang bansa pero ganoon pa rin ang kulay ng balat nito na ikinasaya niya dahil gusto niya ang kulay nito. Hindi gaanong maputi pero makinis at kaakit-akit sa paningin. He was the darker version of Jo Hyun Jae of Only You. Siyempre, guwapo talaga ito. Paanong hindi magiging guwapo ang kamukha ng tinaguriang Prince Charming of Korea?
Simpleng dirty white long-sleeve polo ang suot nito na tama lang sa katawan nito. Tama lang para bumakat doon ang maskuladong mga braso nito, ang malapad na balikat nito, ang medyo maumbok na dibdib nito, at ang flat nitong tiyan. Nakabukas ang ilang butones ng polo nito kaya nakita niya ang pinong mga balahibo sa gitna ng dibdib nito. Wala kasi itong undershirt.
Mas tumangkad pa ito ngayon. Tantiya niya ay lagpas na ito sa anim na talampakan. At masasabi niyang isa na itong certified hunk. He was a hunk then, way back in high school and college days. Pero mas naging hunk ito ngayon. Iisang paaralan ang pinasukan nila mula noong nag-transfer siya noong grade one sa school nito hanggang college.
Isa lang ang masasabi niya, kung guwapo ito noon, mas guwapo ito ngayon. Sobra! Ang kaso, hindi ito ngumingiti. Iyon ang matagal na niyang gustong gawin nito sa harap niya.
“Ano, tutunganga ka na lang ba riyan?”
Pagkarinig niyon, kaagad niyang isinara ang nakaawang niyang mga bibig at ngumiti. Isang nagpapa-cute na ngiti. Balewala rito ang ginawa niya. Bumuntong-hininga ito at naglakad palayo sa kanya, hila-hila ang de-gulong nitong traveling bag. Napapikit siya nang mariin at nakagat ang ibabang labi.
Ilang dipa na ang layo nito sa kanya nang lingunin niya ito. Mabilis siyang naglakad para maabutan ito. Pero mas mabilis ito. Malapit na itong makalabas sa entrance ng airport. Mas binilisan na niya ang paglalakad nang bigla siyang natapilok. Napasigaw siya sa sakit, sabay napaupo siya. Hinihimas-himas niya ang bukong-bukong niya.
Ilang sandali pa, may mga paang tumigil sa harap niya. Dahan-dahan niyang inangat ang mukha niya upang tingnan kung sino ang may-ari ng mga paang iyon.
Si Linkurt!
Inilahad nito ang isang kamay. Pinaglipat-lipat niya ang tingin sa kamay nito at sa seryoso nitong mukha. Nagdadalawang-isip pa siya kung aabutin niya ang kamay nito o hindi.
Gusto niya sanang tumayo nang mag-isa pero naisip niya na pagkakataon na niya iyon para mahawakan kahit man lang ang kamay nito. Hindi niya tuloy nagawa ang gusto niya.
Inabot niya ang nakalahad nitong kamay. His hand was warm. Pakiramdam niya, may milyun-milyong boltahe ng kuryente na gumagapang sa mga ugat niya sa katawan. Kaagad siya nitong tinulungang tumayo. Hinigpitan nito ang pagkakahawak sa kamay niya. Siguro para hindi siya makabitaw at baka matumba siya. Mas lalo niyang naramdaman ang higpit ng pagkakahawak nito sa kamay niya nang magsimula na silang maglakad. Ang kaliwang kamay nito ang ginamit nito sa paghila sa dala nitong bag.
Paika-ika siyang naglalakad. Halatang nahihirapan siya. Napahinto siya nang huminto ito. Iniakbay nito ang kamay niya sa balikat nito. “Humawak ka na lang d’yan,” walang kaemo-emosyong utos nito.
Sumunod naman siya rito. Naramdaman din niya ang firm muscles sa balikat nito.
Nagulat siya nang ilagay naman nito ang kamay na humawak kanina sa kamay niya sa baywang niya. Napatingin lang siya rito. Ito naman ay diretso lang ang tingin sa daan.
Nagsimula na uli silang maglakad. Naging komportable na siya ngayon sa posisyon nila. Nahirapan din siguro ito kanina kaya ginawa nito iyon. Hindi lang siya komportable sa kamay nitong nakahawak sa baywang niya. Mas humihigpit ang paghawak nito roon kapag tumitiklop-tiklop ang tuhod niya dahil sa sakit ng bukong-bukong niya.
Siya rin naman ay mahigpit na napapahawak sa balikat nito kapag ganoon. At ang isang kamay niya ay napapahawak din sa kabila pa nitong balikat kapag bigla-bigla na lang kumikirot ang bahagi ng paa niya na nasaktan. Pinakikiramdaman lang niya ito at pakiramdam niya, ganoon din ang ginagawa nito.
Hanggang sa nakarating na sila sa labas ng airport.

My 24/7 Piece of Heaven [PUBLISHED under PHR]Where stories live. Discover now