CHAPTER 1

10.4K 141 2
                                    

HINDI mapakali si Airabelle habang naghihintay sa waiting area ng NAIA nang umagang iyon. Panay ang pagtayo at pag-upo niya at paroo’t parito. Kinakabahan siya. Hindi kasi niya alam kung magagalit o matutuwa sa kanya ang taong hinihintay niya nang mga sandaling iyon kapag nakita siya nito. Pero malamang ay magagalit ito sa kanya.
Siya ang obligadong magsundo kay Linkurt, ang nag-iisang anak ng Tito Lauro niya na magmumula pa sa London. Limang araw na kasing nasa hospital ang tito niya dahil bigla itong inatake sa puso. Ayon sa doktor ay dahil iyon sa sobrang stress sa trabaho. Hindi rin naman kasi biro ang maging presidente ng sariling kompanya.
Ang kasambahay nilang si Yaya Lolita ay umuwi ng probinsiya dahil binigyan ito ng isang buwang bakasyon ng Tito Lauro niya. Kaya walang choice kundi siya ang susundo. Kunsabagay, alangan namang mag-aabang pa ng taxi ang susunduin niya gayong nandiyan naman ang sasakyan ng tito niya. Kahit wala ang driver nilang si Mang Gener dahil may trangkaso, marunong din naman siyang magmaneho ng sasakyan.
Pakiramdam niya ay sasabog ang puso niya sa kaba at parang maraming paru-parong nagsisiliparan sa loob ng tiyan niya. Kahit pa ganoon ang nararamdaman niya, naisip pa rin niyang kunin ang face powder sa bag niya at nag-retouch. Naisip niya na kapag nakita ng hinihintay niya ang kanyang kagandahan, baka-sakaling makalimutan nito ang galit nito sa kanya.
Maganda naman talaga siya. Bilugan ang mga mata niya. Maliit pero matangos ang kanyang ilong. Maninipis at mapupula ang kanyang mga labi. Sabi nila, may hawig raw siya kay Song Hye Kyo ng Autumn In My Heart. Diretso ang maitim at mahaba niyang buhok. Makinis at maputi ang kanyang balat. Maganda rin ang hubog ng kanyang katawan. Bagay ang pagka-slim niya sa height niyang limang talampakan at pitong pulgada.
Sa edad niyang twenty-seven, mas bata pa siyang tingnan doon. Marami ang nagsasabing puwede siyang mag-artista. She had an almost perfect face and body. Sabi naman ng ibang mga kaibigan niya, puwede siyang maging modelo sa tangkad niya.
Pero sa palagay niya, hindi mababago ng mga katangian niyang iyon ang poot sa kanya ng anak ng Tito Lauro niya.
Galit sa kanya si Linkurt. Kinamumuhian na siya nito simula pa noong una silang magkita. Mga bata pa sila noon. Pitong taong gulang pa lang siya.
“Daddy, sino siya?” tanong ni Linkurt sa ama nito. Kararating lang noon ni Tito Lauro na kasama siya.
“Siya si Airabelle, anak. Siya ang kinukuwento ko sa 'yo na anak ng Tito Ramon at Tita Flora mo. Gusto mo siyang makita at maging kaibigan, hindi ba? Kaya dinala ko siya rito,” nakangiting pahayag ng Tito Lauro niya.
“Hello!” Kinawayan niya ito. Pinilit niyang pasiglahin ang boses niya sa kabila ng lungkot na nadarama niya sa pagiging lubusan niyang pagkaulila. Namatay ang kanyang ina noong pinanganak siya. At kalilibing lang ng kanyang ama; sumakabilang-buhay ito sa sakit na cancer. “Kinukuwento ka rin sa akin nina Mama at Papa no’ng nabubuhay pa sila. Gusto rin kitang makita at maging kaibigan.”
Masamang tingin ang ipinukol sa kanya ni Linkurt. “Ano’ng ginagawa niya rito?” galit na tanong nito sa ama habang sa kanya nakatingin.
“Kurt, anak, ano bang klaseng tanong 'yan?” Palayaw nito ang “Kurt.”
“Paalisin mo siya rito, Daddy!” sigaw nito.
“Stop it, Linkurt! Anak siya ng Tita Flora mo at Tito Ramon mo.”
“Ayaw kitang makita at ayaw kitang maging kaibigan!” sigaw nito sa kanya.
She was speechless. Nanigas siya sa kinatatayuan niya. Nawala ang ngiti sa mga labi niya. Ang buong akala niya ay gusto siya nitong makita at maging kaibigan gaya nang sabi ng mama at papa niya. Kaya nang kinuha siya ng Tito Lauro niya na kababata at matalik na kaibigan ng namayapa niyang ama, nagkaroon siya ng lakas ng loob dahil iniisip niyang magkakaroon naman siya ng isang kaibigan. Pero nagkamali siya. At hindi niya alam kung bakit galit ito sa kanya.
“Linkurt, what are you saying?” Tumaas na ang boses ng Tito Lauro niya. Humingi ito ng despensa sa kanya para sa anak nito. “Sa ayaw at sa gusto mo, dito na titira si Airabelle. Ako na ang mag-aalaga sa kanya,” sabi pa ng tito niya.
Kung nakamamatay lang ang titig, namatay na siguro siya sa talim ng pagkakatitig ni Linkurt sa kanya. Nang tumalikod ito at padabog na umakyat, saka tumulo ang luha niya na kanina pa gustong pumatak.
Lalo siyang kinakabahan ngayon dahil sa naalala. Kung galit si Linkurt sa kanya noong una pa lang sila nitong nagkita, ano pa kaya ngayon? Pero ang makita uli ito pagkatapos ng anim na taon, bigla na lang siyang nakadama ng excitement. Na-excite siyang makita ang itsura nito. Paano kasi, hindi man lang ito nagpapadala ng pictures. Si Yaya Lolita lang ang palaging tinatawagan nito upang kumustahin ang daddy nito. Hindi siya nito kinukumusta at hindi naman niya ini-expect iyon.
Alam niya ang number nito dahil ibinigay iyon ni Yaya Lolita. Pero hindi siya unang makikipag-communicate dito kahit na gusto niya. Pinigilan niya ang kanyang sarili dahil baka kung ano pa ang sabihin nito. Hinintay niyang tumawag o mag-text man lang sa kanya dahil ibinigay rin ni Yaya Lolita ang number niya kay Linkurt. Pero tulad ng inaasahan niya, hindi ginawa iyon ng lalaki. Tinawagan lang niya ito upang ipaalam dito ang kalagayan ng ama nito.
Makikita na kita, Linkurt. At mangyayari 'yon mayamaya lang.

My 24/7 Piece of Heaven [PUBLISHED under PHR]Nơi câu chuyện tồn tại. Hãy khám phá bây giờ