CHAPTER FIVE

125 5 2
                                    

"Tita Bessy, maayos naman 'ho ang unang araw ko sa SLi, nakakatakot lang talaga ang formality ng mga tao," bungad ni Leigh Anne sa kanyang tiyahin habang ka-video call niya ito. "Masasanay ka rin hija. Sabi ko naman sa'yo eh matatanggap ka dahil nirekomenda ka namin," sabi naman ni Tita Bessy na halos tumili na sa kaligayahang nadarama para sa pamangkin.

Leigh Anne gulped before she tried to speak up.

"Tita, sa tingin ninyo okay 'yon? Paano na lang kapag nalaman nila na may backer ako? Malamang sasabihin nila na unfair ang pagka-hire ko sa kompanya. Sana talaga hindi nila malaman," nababahala niyang tanong.

"Asus, nag-aalala ka pa sa sasabihin ng iba? Bakit? Dumaan ka naman sa tamang proseso ah. Nag-exam ka rin at sumagot sa interviews, ang nega mo naman," pagkontra ni Tita Bessy.

"Pero, kung hindi sila aware sa recommendation ninyo, hindi nila ako iko-consider," giit naman ni Leigh Anne.

"Leigh Anne, ganito na lang. Tutal na-hire ka na, sabi mo assistant ka ng isang running for CEO, magpakitang-gilas ka lang para naman hindi na nila isipin na unfair ang pagtanggap sa'yo ng Serenity Life."

Napilitang ngumiti si Leigh Anne at bumalikwas sa pagkakahiga sa kama.

"Opo tita, aayusin ko po ang trabaho. Maraming salamat po sa tulong ninyo. Makapag-ipon lang ako, mapapauwi ko na si papa. Tumatanda na rin siya at hindi na dapat pang magtrabaho sa ibang bansa," natutuwang aniya at pinasigla pa ang kanyang boses.

"Ganyan dapat, isipin mo si papa mo na nasa ibang bansa. Goal mo na mapauwi siya para magkakasama na kayo ni Klein. Teka, asan na ang kapatid mong 'yon? Nandyan ba? Pakausap nga ako," usisa ni Tita Bessy.

Napabuga ng hangin si Leigh Anne saka bumangon sa pagkakahiga. "Wala pa rin po siya hanggang ngayon, nasa mga barkada na naman siguro. Napapagod na akong pangaralan siya tita, hindi ko na alam ang gagawin."

Napasabunot siya sa buhok nang sabihin ang katotohanan tungkol sa nakababatang kapatid na si Klein. Nag-aaral pa lang ito sa unang taon sa kolehiyo ngunit napapabarkada at nadadalas ang pag-iinom ng alak. Madalas ding masangkot sa away ang lalaking kapatid at lagi siyang tagasundo nito kapag nababagansya ng pulis. Mabuti na lang at menor de edad pa kaya hindi nakukulong sa mga offenses nito sa batas. Ngunit kahit gano'n, hindi naman bumababa ang grado ni Klein pero hindi pa rin maiwasan ni Leigh Anne na mag-alala dahil sa pag-uugali nito.

"Grabe na talaga, ginawa na nga natin ang lahat. Ano kaya kung ampunin na rin namin 'yan dito sa Belgium? Para naman malayo sa barkada," suhestiyon ni Tita Bessy.

"Kung puwede nga lang po eh, kaso ayaw ko naman po siyang pilitin. Sige na tita, matutulog na po ako dahil maaga pa ang pasok ko bukas," paalam ni Leigh Anne.

"Sige hija, bye."

"Bye po."

Nang matapos ang video call, itinapon na naman ni Leigh Anne sa bedside table ang kanyang cellphone. Tumama na naman iyon sa corner pero hindi nasira. Mabuti na lang at tantyado niya kung gaano kalakas na ibabato ang gamit. Dahil hindi naman siya makaramdam ng antok, may kinuha siyang isang notebook sa drawer na nasa gilid lamang ng kama. Isang notebook iyon na ginawa niyang diary at scrapbook noong high school pa lamang siya. Kapag nalulungkot siya, binabasa niya iyon.It was her diary. Lahat ng hinanakit niya sa buhay ay sinulat niya kaya tuwing nakakaramdam siya ng stress, binabasa niya lang ang bawat pahina nito.

"September 7, 2007:

Diary, gusto ko talaga na masasayang alaala lang ang isusulat ko rito pero isa kasi itong problema at wala akong mapagsabihan. Alam mo ba, wala kaming pambayad sa ospital para mailabas si Mama. Si papa naman gumagawa ng paraan, gusto kong tumulong pero wala akong kakayanan. Kailangan ko pang bantayan si Klein, kailangan na ipaghanda ko siya ng makakain at ihatid sa eskwelahan bago ako pumasok. Mabuti na lang at panghapon ang schedule ko. Ang hirap pala ng ginagawa ni Mama. Siguro sa sobrang pagod niya sa pag-aalaga sa'min kaya siya nagkasakit. Gusto kong tulungan si papa, pero lagi niyang sinasabi na huwag na, kaya na daw niya pero narinig ko ang usapan, isang buwan bago maospital si mama. Mag-a-abroad daw si papa. Sabi nga niya kay mama, sa sunod na dalawang buwan, tuloy na tuloy na siya sa pag-alis. Pero nakapagtataka dahil hindi niya kami sinasabihan tungkol doon. Gusto ko na siyang tanungin."

My Shy But Lovely Assistant [FINISHED]जहाँ कहानियाँ रहती हैं। अभी खोजें