Chapter 7 - Private Island

130 3 0
                                    

Whatever? Hindi raw bagay? naisaloob ni Arven. Sa tingin ba ni Serene, hindi niya kayang magpaka-bad ass?

But for now, it was the least of his concern. Naging busy siya ng halos dalawang linggo; paroo't parito sa Coron at Puerto Princesa dahil sa mga pasyente niya. Kahit hindi niya nagawang makipagkita sa dalaga, naging regular ang mga tawag niya rito sa gabi. Hayagan ang pagiging matabang ni Serene, madalas na hindi siya sinasagot; naisip niyang hindi sapat ang effort na ginagawa niya. Mahalaga ang personal na pagbisita kung gusto niyang makamit ang matamis nitong 'oo'.

Sumagi kay Arven ang mag-vacation leave...

"No way! I'm not going to let you waste your time over that girl." Kinontra siya kaagad ni Victoria.

Kalmadong kinausap niya ang pinsan sa clinic niya, sa Coron District Hospital. Alam niyang iritado at sensitibo pa ito sa usapang pag-ibig dahil katatapos pa lang ng heartbreak nito; binanggit na rin niya dahil co-owner man, hahanapin pa rin siya nito kapag hindi siya regular na nagpakita sa ospital.

"Look... Pareho kaya tayong mag-leave," suhestiyon niya. "You should have a time off. Take your mind elsewhere, far away from that guy -"

"I'm okay," she snapped. "Kung ayaw niya sa akin... fine!"

Si Chance Gonzales ang tinukoy ni Victoria. Bumalik na ang lalaki sa ex nitong si Fate Hidalgo.

Naging tahimik si Arven nang una niyang natunugan ang kakaibang nangyayari sa dalawa - sa ikinikilos ni Fate nang una niya itong makita sa isang restaurant, sa Poblacion saktong nagmeryenda sila roon ng pinsan. Pero naging klaro sa kanya na nagmamahalan pa rin ang dalaga at dating pasyente matapos niyang makaharap muli ang mga ito sa party ni Serene.

Naawa siya kay Victoria. But that is love. It can be both beautiful and ugly. It can be sweet and bitter. Bright and dark. In his case, liwanag muna ng pag-asa ang itinatak niya sa isipan. It's too early to quit at talagang tinamaan na siya sa kanyang 'sirena'.

"Basta hindi ka magle-leave! She's not even one of us!"

Napaismid si Arven sa huling sinabi ng pinsan. "So that's it. You don't like her because she's not good for the 'business'."

Napamaang si Victoria pero pagkuwa'y ngumiti, mapait. "Yes, kung gusto mong umasenso at mas yumaman... stick with the right people. 'Yung pwedeng magbahagi ng yaman sa 'yo at 'yung hindi ka sasaidin. And that woman? Some P.E. teacher?"

Ito naman ang umismid. "Kung gusto mo lang siyang ikama... Sige lang. But for a lifetime partner? She's not a good catch!"

"Kung minsan, gusto kong isipin na masama ang ugali mo," nasabi na lang niya.

Magpoprotesta pa ang pinsan, si Arven na ang nag-walk out sa sarili niyang office. Hindi na siya nagpakita kinabukasan sa Paradise Medical Hospital o sa Coron District Hospital. Sa naging usapan nila ng babae, lalong nagustuhan niya ang magbakasyon - para makalayo rito pansamantala.

Nagpasabi na lang siya sa mga secretary niya na leave siya ng isang buwan. At matapos mag-empake ng mga damit at gamit, dumiretso na siya sa El Nido. Hindi niya naratnan si Serene sa bahay ng tiyo at tiyo nito sa Buena Suerte. Si Tiyo Kael ang nakausap niya na kagagaling pa lamang sa laot.

"Naghahanap po siya ng trabaho?"

"Hindi pa nga po sinesuwerte, Dok," magalang na tugon nito. "Baka po, pwede n'yo pong irekomenda sa mga kakilala n'yo po."

"Instructress nga po ba siya? May mga kakilala po ako sa mga university, sa Puerto Princesa."

"Gusto po muna niyang tumigil dito. Tour guide po inaaplayan niya."

May sumiklab sa likod ng isipan ni Arven. "Pwede po siyang magbigay ng swimming lessons?"

~oOo~

Katulad ng ibang isla sa El Nido, white sand at nalilibot ng palm trees ang private island na pinaghatiran sa kanya ni Tiyo Kael.

"Hindi n'yo po ba ako ipakikilala?" untag ni Serene sa tiyuhin. Mula sa dock, tinanaw niya ang may dalawang palapag na rest house, sa gitna ng isla.

Yari sa anahaw ang bubong ng bahay habang konkreto na ang kabuuan. Hindi na kagandahan ang puting pintura pero class pa rin sa maluwang na terrace nito sa second floor. Masarap tambayan!

"Kilala ka na niya at mapagkakatiwalaan ko naman 'yon." Hindi na umalis sa motor boat ang lalaki. At napanganga na lang siya nang i-start na nito ang sinasakyan. "Malayo pa ang bahay kaya ikaw na lang ang lumakad."

"Tiyo Kael -?" Pinasibad na nito ang bangka. "Anak naman ng tilapya... Oo!"

Napakibit-balikat na lang si Serene. Gusto niya ng trabaho, right?

Nahirapan siya sa pag-a-apply sa napisil na trabahong maging isang tour guide. Bukod kasi sa hindi pa hiring ang mga resort na itinuro sa kanya ng mga kamag-anak, over qualified daw siya. Lahat ng nag-interview sa kanya, sinabihan siyang tatawagan na lang siya. At alam niya, 'no' ang ibig sabihin niyon. May nagrekomenda rin sa kanya ng teaching career sa Coron o Puerto Princesa, inginiti niya iyon. Gusto kasi niya ay ang iwaksi muna sa isipan ang mga eskwelahan para tuluyang maiba ang environment. Para tuluyang maging 'Ferdie free' na siya.

Part time lang ang gagawing trabaho ni Serene sa private island na iyon. May pera pa naman siya, may padala pa nga ang kuya Rey niya; nais lang talaga niyang libangin ang utak. Magtuturo pa rin naman siya. Pero bilang isang private swimming instructor para sa mga bata -

"What-are-you-doing-here?" Umakyat ang init sa mukha niya sa hindi inaasahang pagsalubong sa kanya ng isang taong iniiwasan - ni Dr. Arven Vito.

Ito ba ang mapagkakatiwalaang taong ime-meet niya? Bakit hindi siya tinapat ni Tiyo Kael? Feeling niya tinraydor siya ng tiyuhin. Ibinugaw?

Of course not! Napaantanda sa isipan si Serene. Kung pwede lang i-Clorox ang narumihang utak, ginawa na niya iyon. Kilala niya ang tiyuhin. Hindi siya nito ipapahamak kahit sa isang taong alam nitong nanliligaw sa kanya. Not unless...

"Nagsinungaling ka sa tiyo ko, noh? Kaya pumayag siya na dalhin mo ako rito." Pinandilatan niya ang kausap. "Wala talaga akong batang tuturuang lumangoy. Gusto mo lang akong i-trap dito para hindi kita maiwasan. Naku, ka... Propesyunal ka pa naman! If I know, may balak ka ring i-seduce ako!"

Hanggang ilong lamang siya ng binata. Medyo na-intimidate siya sa nag-uumapaw nitong kaguwapuhan at magandang tindigan sa semi-fitted nitong white shirt at cargo shorts; taas-noong humalukipkip siya.

Napangiti lang sa kanya si Arven. Tila na-amuse sa kanya. Matapos kunin ang malaking backpack na bitbit niya, iginiya siya nito para sa pathway ng rest house.

"Relax," anito. "I didn't lie to your uncle but I intend to trap you here and yes... I could try to seduce you."

Bumagsak ang panga niya sa biro nito. Tumaas ang mga balahibo niya sa huling sinabi nito. Wait, biro ba talaga 'yon?

Noon sila binulabog ng mga masasayang tawanan mula sa direksyon ng bahay. May walong bata, edad mula lima hanggang pito ang natanaw rito si Serene. Mga naka-swimming attire ang mga ito. Mga nagpalakpakan sa pagkakita sa kanya.

"Ayan na si Teacher!" sigaw pa ng isa sa mga paslit.

Pilyong nginitian siya ni Arven at nagpatiuna na siya sa paglakad.

CaptivatedWhere stories live. Discover now