Chapter 1: Taking A Leap of Faith

23 1 0
                                    

Added (6 July 2022): English translation may be found below the version numbers.

Dear dumpling,

Miss ko nang magising tuwing umaga at makita kang mahimbing pang natutulog pagkamulat ng aking mga mata. Sana'y madali lang ibalik ang nakaraan. Sana'y katabi ka namin ng ating mga anak sa pagtulog at pagsalubong sa biyaya ng bagong araw.

Si Pipette ang katabi ko kanina sa kama. Sa sobrang pagod, 'di man lang siya nagising nang bumangon ako. Kawawa naman, buti nga umuwi siya kagabi e. Madalas na kasi siyang nagkukulong sa opisina, kahit weekends, kahit holidays.

Pareho ang kwento niya sa akin. Same old story. Pinag-overtime sa trabaho. May hinahabol daw kasing deadline para sa kliyente. Pinagpabalik-balik siya ng boss niya. Nilitanya niya kung paanong wala siyang buhay sa labas ng opisina. "For the firm!" nanunuya niyang sigaw.

"Dad, seryoso kong iniisip kung magbibitiw na ako sa trabaho. Eh kung ginagawa ko nang bahay ang opisina ko, e di sana dito na lang ako magtrabaho sa atin," mababa ang tono ng boses ng ating anak. Basag ang kanyang boses. Nagpipigil ng luha ang kanyang mga mata.

Nagpatuloy siya, "Malaki nga po ang sweldo ko doon. Nakabili na nga po ako ng sasakyan e. Pero tama kayo, Dad. Di po nasusukat ang kasiyahan sa pera lamang."

Sinulyapan ng ating anak ang gitarang nabalot na ng sapot ng gagamba at makapal na agiw. Tumungo siya't nag-wika, "Miss ko nang tumugtog at gumawa ng mga kanta." 

Lumingon siya para tignan ako at nagtama ang aming mga mata, "Miss ko na mga philosophical discussion natin, bago matulog, pag ako ang nakatoka dito, katabi niyo."

"Miss ko na mga kaibigan ko, miss ko na mga kapatid ko, at Dad, miss ko na kayo."

Tinitigan ko ang sobrang tamlay na mukha ni Pipette. Ni konting pula sa mukha, wala. Tila ba ginawa siyang bampira ng sistemang pinasok niya at iniwasan ko. Doble na ng laki ng maliliit na mga mata ng ating panganay ang mga eyebag niya. Gulong-gulo na rin ang kanyang buhok. Pinagupit na nga niya na shoulder-length para 'di mahirap ayusin. Nakakaawa. Wala na siyang panahon para maiayos ang kanyang sarili.

Malayong-malayo ang itsura ni Pipette sa larawang nakasabit sa ibabaw ng aming kama. Glowing, nakangiti, full of youth and vigor, puno ng pag-asa. Tatlong taon lang ang lumipas ng kunan yung grad pic na yun.

"Pero Dad, 'di ko magawang umalis e. Ang laki ng kita ko doon. Ilang milyon na ang swineldo ko. Malaki nga, pero dami namang ginagastos. Advance ng pera para sa kliyente, gastusin sa bahay, pagpapaaral kay Burette," banggit ni Pipette sa bunso natin, na nag-aaral ngayon ng medisina.

Gusto ko siyang abisuhang magbitiw na. Aanhin niya ang pera kung ang kapalit naman ay kalusugan niya? Di niya magawa ang mga gusto niyang libangan.

Pero di ko masabi. Hindi naman niya hinihingi ang payo ko. No to unsolicited advice, gaya ng lagi kong turo sa ating mga anak. Alam mo naman, ayoko sa lahat yung mina-micromanage ang buhay ko, pati maliliit na bagay. Ayokong iparanas sa ating mga anak ang aking kinasanayan. Alam mo yung dumpling, at alam din yun ni Pipette. Ganyan ko pinalaki ang ating pamilya. Huwag ipilit ang gustong sabihin kung hindi naman hinihingi ang kanilang abiso.

Tinignan ko ulit ang ating panganay. Nag-aantay ako ng senyales kung hihingin niya ang aking payo. Nakatungo siya. Nag-iisip siguro. Pinakinggan ko ang orasan, ang pagdaan ng bawat segundo. Nagbilang ako sa aking isipin, "one, two, three," na naging "isa, dalawa, tatlo", na naging "uno, dos, tres". Matapos ang tila isangdaang "1, 2, 3", inangat ng anak natin ang kanyang mukha. Nagtamang muli ang aming mga mata. "Dad, tingin niyo ba dapat na akong mag-resign?" Mahina niyang sabi.

Nagbuntung-hininga ako at sumagot, "Kung sa tingin mo yan ang nararapat. Susuportahan ko ang desisyon mo, at ikaw. Sometimes, all we can do is take a leap of faith."

Dear Dumpling (Wala na, Finished na; Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon