Part 33

7K 286 5
                                    


Napatingala si Alice kay Aki hanggang ilang pulgada na lamang ang layo ng mga mukha nila. "Ano?"

Nasalubong niya ang matiim na titig ni Aki. "Hindi siya takot na ipakita ang nararamdaman niya. Siya ang tipo ng taong hindi ipapagpag palayo ang kamay ng taong mahal niya," bulong pa rin nito.

Namilog ang mga mata ni Alice nang maalala ang pagbawi niya sa kamay niya kanina. Narealize niya na iyon ang dahilan kung bakit nakita niya ang kislap ng sakit sa mga mata ng binata kanina. Nilukob siya ng guilt. Napakapit siya sa braso nito at niyakap iyon ng mahigpit. "I'm sorry," usal niya.

Ilang segundong tumitig lang sa kaniya si Aki bago bumuntong hininga at bahagyang ngumiti. "Apology accepted."

Nakahinga ng maluwag si Alice at bahagya na ring napangiti. Pagkatapos ay kusa na niyang inabot ang kamay ni Aki at ginagap iyon.

"My goodness! Kahit ba ikaw Alice?" frustrated na bulalas ni Tita Bebs.

Napalingon sila sa manager niya na puno ng disgusto ang mukha habang nakatingin sa kanila ni Aki. Si Coleen naman ay nakangisi habang si Larry ay nakaangat ang mga kilay. Humigpit ang kamay ni Aki sa kamay niya kaya nagkaroon siya ng lakas ng loob salubungin ang tingin ni Tita Bebs.

"Tita, coincidence lang na sabay kami nakakilala ng taong gusto namin ni Coleen. Wala namang masama kung magkagusto ako sa isang tao, hindi ba?" malumanay na sabi ni Alice.

Himbis na sagutin siya ay inilipat ni Tita Bebs ang tingin kay Aki. "Ikaw iyong tumutugtog ng piano sa music bar ni Victor, hindi ba? Ilang taon ka na?"

"Twenty eight," tipid na sagot ni Aki.

Hindi nakahuma si Alice dahil bago pa man bumaling sa kaniya ang manager niya ay alam na niya ang sasabihin nito. "At trenta'y singko ka na, Alice. Sa tingin mo ba talaga patatahimikin kayo ng media?

Tumiim ang mga labi ni Alice. "Magsasawa din sila."

Umiling si Tita Bebs. "Hindi mo ba naiintindihan kung gaano ka tinitingala sa industriya? Malinis ang pangalan mo sa loob ng dalawang dekada at ngayong nakakita sila ng lamat sa perpekto mong imahe ay hindi nila iyon basta pakakawalan."

Nakagat ni Alice ang ibabang labi. Bago pa siya makaisip ng isasagot ay naunahan na siya ni Aki.

"Hindi pa ba sapat ang dalawang dekada na uminog ang buong buhay ni Alice just to please other people? Hindi ba puwedeng for once, maging totoo siya sa sarili niya? Sa loob ng dalawampung taon ay umaarte na siya on at off cam. Sa tingin ko ay sapat na iyon. Nasa tamang edad na siya para magdesisyon para sa sarili niya. Bigyan niyo siya ng kalayaan na hindi siya nagkaroon noon," seryosong sabi ni Aki.

Naningkit ang mga mata ni Tita Bebs habang nakatitig kay Aki. "Sinasabi mo ba na hayaan ko siyang makipagrelasyon sa isang lalaking higit na mas bata sa kaniya at ni hindi namin alam kung saan nanggaling bago dumating sa pilipinas mag-iisang buwan pa lang ang nakararaan?"

"Tita!" saway ni Alice sa matandang babae.

"Sinasabi ko lang ang totoo. Oo nga at kilala ka ni Victor na matagal ko ng kaibigan. Pero wala siyang sinabi sa akin tungkol sa iyo at kung ano ang ginagawa mo sa nakaraang mga taon. Malay ba namin kung isa kang kriminal. Hindi ko basta ibibigay sa iyo ang kalayaang makipagrelasyon sa alaga ko na parang anak na rin sa akin," seryosong sagot ni Tita Bebs.

"Tama na, Tita Bebs. Alam ko na mabuting tao si Aki, okay?" pakiusap ni Alice dahil naramdaman niyang natensiyon ang binata sa tabi niya.

Magsasalita pa sana ang matandang babae pero bigla na uli bumukas ang pinto ng opisina nito. Sumungaw ang isa sa mga admin assistant at mukhang harassed. "Tita Bebs, ayaw pa rin umalis ng mga reporter sa labas."

Napabuga ng hangin ang matandang babae at tumayo. "Ito na lalabas na kami nila Coleen para sumagot sa mga tanong nila." Pagkatapos ay lumingon ito kina Alice at Aki. "I can't handle a lot of scandal makers at once. Lumabas kayo sa backdoor. Ipapahatid ko kayo sa isang driver. For now, sana ay matuon ang lahat ng atensiyon nila kay Coleen."

Bago pa makahuma uli si Alice ay nakalabas na ang manager niya. Sumunod sina Larry at Coleen na sumulyap pa sa kanila sa huling pagkakataon bago tuluyang lumabas ng opisina. Naiwan silang dalawa ni Aki. Napahugot siya ng malalim na paghinga saka tiningala ang binata. "Pasensiya ka na kay Tita Bebs."

Niyuko siya ni Aki at bahagyang ngumiti. "Don't be. May punto siya. Katunayan sa tingin ko masuwerte ka na siya ang naging manager mo. Talagang kapakanan mo ang iniisip niya. Kaya sisiguruhin ko na walang masasabing masama sa iyo ang ibang tao nang dahil sa akin."

Bahagyang kumunot ang noo ni Alice. "Anong ibig mong sabihin?"

Lumawak ang ngiti ni Aki at pinisil ang baba niya. "Sa tingin ko ay malapit na rin naman nilang malaman. Anyway, may trabaho ka pa ba ngayong araw?"

Nalilito pa rin si Alice sa sinabi ng binata pero sinagot naman ang tanong nito. "May taping ako mamayang hapon."

"Kung ganoon ay pwede pa tayong kumain sa labas bago ang trabaho mo. Let's go," aya ni Aki at hinatak na siya patungo sa pinto.

"Pero okay lang ba iyon? Baka may makakita sa atin," nag-aalalang tanong ni Alice.

Nilingon siya ni Aki. "Hindi mo ba gustong may makakita sa iyo na kasama ako?"

Nanlaki ang mga mata ni Alice. "Hindi sa ganoon. Katunayan ay wala naman talaga akong pakielam kahit na makita pa ako ng lahat na kasama ka. Kaya kong sagutin ang lahat ng itatanong nila tungkol sa atin at hindi ako mahihiya. Ikaw lang ang inaalala ko. You are a private person."

"Kung ganoon walang problema. Wala rin akong pakielam sa ibang tao maliban sa iyo, Alice," mabilis na sagot ni Aki pagkatapos ay ngumisi. "Besides, being with you is something I will even announce to the world if I will be given a chance."

Napuno ng init ang puso ni Alice at matamis na ring napangiti. Nang makalabas sila ng opisina ay sinalubong sila ni Nikki. "Miss Alice, ihahatid ko po kayo sa likod. Iwan niyo na lang po sa akin ang susi ng kotse niyo at ihahatid namin ng driver sa location ng taping ninyo mamaya." Pagkatapos ay sumulyap ang babae kay Aki at bigla ay kinikilig na ngumiti. "Mamayang gabi mo na lang din kunin ang kotse mo sabi ni Tita Bebs. Fan mo nga pala ako. Napanood kita tumugtog ng piano sa music bar noong sumama ako kay Miss Alice. Puwede makipagkamay?"

"Nikki," napailing na saway niya sa assistant niya na inilahad na ang kamay.

Tinanggap naman ni Aki ang pakikipagkamay ng babae at bahagyang ngumiti. "Thank you. At ako na ang bahala sa sasakyan ni Alice. Ako ang magdadala sa location niya mamaya."

Umawang ang mga labi niya at napatitig sa binata. "Ano?"

Binitawan ni Aki ang kamay ni Nikki at umakbay sa kaniya. "Mamaya tayo mag-usap."

Tumikhim si Nikki at matamis na ngumiti. "Okay. Sumunod kayo sa akin. Ihahatid ko kayo sa back entrance," sabi nito at nagpatiuna sa paglalakad. Sumunod sila sa babae.

"Hindi ko alam kung anong oras matatapos ang taping ko mamaya," bulong ni Alice kay Aki.

"Kung ganoon tawagan mo na lang ako," balewalang sagot nito.

Kumunot ang noo niya. "Pero tutugtog ka mamaya sa music bar hindi ba?"

"Ah that. Sinabi ko na kay Victor na kailangan na niyang humanap ng kapalit ko."

"Ano? Pero bakit?" manghang bulalas ni Alice.

"It's just a temporary post for me para mawala ang music block ko. Pero dahil nawala na iyon mula nang makilala kita kaya kung tutuusin ayos lang kahit hindi na ako tumugtog doon," paliwanag ni Aki.

Himbis na makuntento si Alice ay lalo lamang dumami ang katanungan niya. Katulad nang kung temporary post lang pala ni Aki ang pagiging piano player ay ano pala ang tunay nitong trabaho? Isang trabaho na pwedeng maka-afford ng unit na katabi ng sa kaniya? Alam niya na mabuting tao si Aki pero katulad nga ng sinabi ni Tita Bebs, bukod sa mga sinabi na sa kaniya ng binata ay wala na siyang alam tungkol rito.

Nakalabas na sila sa back entrance ng gusali kung saan may naghihintay na sasakyan at driver para sa kanila kaya bumikig sa lalamunan ni Alice ang mga katanungan niya. Pero mamaya ay tatanungin ko siya, determinadong naisip niya.

SCANDAL MAKERSWhere stories live. Discover now