Part 6

9.8K 324 9
                                    

Bumakas rin ang pagkagulat at rekognisyon sa mukha ng lalaki habang nakatingin sa kaniya. "Ikaw iyong babae kagabi."

Umawang ang mga labi ni Alice sa pagkamangha. "Dito ka rin nakatira?"

"Obviously," sagot ng lalaki na naging matiim ang titig sa mukha niya. "You look different."

Napakurap si Alice at hinamig ang sarili. Umayos siya ng tayo. "I look the same," sabi niya na medyo nainsulto. Anong gustong sabihin ng lalaki, na mukha siyang plain kapag wala siyang make-up na katulad kagabi? Naniniwala siya na maganda pa rin siya ngayon katulad noong una silang nagkita.

Sumulyap siya sa numero ng mga floor sa gilid ng elevator para sana pindutin ang floor number niya pero napansin niyang naka-ilaw na iyon. Natigilan si Alice at muling napasulyap sa lalaking kaswal nang nakasandal sa isang bahagi ng elevator. Pareho sila ng floor? Ganoon na ba siya kaabala sa trabaho at ni hindi niya matandaang nakita na niya dati ang lalaki kahit pa sa iisang floor lang sila nakatira? At teka lang, afford niya tumira dito?

Hindi naman sa nagmamataas si Alice, pero hindi basta-basta ang presyo ng unit sa building na iyon. Si Coleen nga ay ni hindi pa kaya mag-renta ng unit doon dahil sixty thousand pesos a month pinaparenta ng mga may-ari ang mga unit nila doon. Siya naman ay nabili sa discounted price ang unit niya dahil limang taon siyang endorser ng Real Estate Developer ng condominium building na iyon.

Mabilis at pasimpleng pinasadahan niya ng tingin ang lalaki. Katulad kaninang madaling araw ay maong jeans ang suot nito na sa pagkakataong iyon ay faded. Simpleng itim na t-shirt lang ang pang-itaas ng lalaki na humahakab sa magandang pangangatawan nito dahil nakahalukipkip ang mga braso nito. Ngayong mas maliwanag na ay sigurado si Alice na nasa late twenties pa lang ang edad ng lalaki. Mas matangkad na rin ito tingnan dahil flats sandals ang suot niya ngayon at hindi high heels. Higit sa lahat ay mas guwapo sa liwanag ang lalaki.

Nakatingin pa rin si Alice sa mukha nito nang biglang mapatingin sa kaniya ang estranghero at magtama ang kanilang mga mata. Huling huli siya sa pagmamasid niya. "What?" tanong nito.

Napakurap siya at ibubuka pa lamang ang mga labi nang biglang huminto ang elevator dahilan kaya bahagyang nawalan ng balanse si Alice lalo pa at may bitbit siya sa magkabilang kamay niya. Kasunod niyon ay namatay ang ilaw. Sumikdo ang puso niya. "A-anong nangyari?" kabadong nausal niya dahil wala siyang makita sa dilim.

"Blackout yata. Relax. Siguradong may generator sa building na ito," narinig niyang kalmadong sabi ng lalaki.

"Oo nga pala," nakahinga ng maluwag na bulalas ni Alice. Subalit ilang segundo pa lang ang lumilipas ay hindi na siya mapakali sa dilim at katahimikan. "Nandiyan ka pa ba?" lakas loob na tanong niya.

"Oo," sagot ng lalaki. Ilang segundo uli ang lumipas nang muli itong magsalita. "Natatakot ka ba?"

Huminga ng malalim si Alice. "H-hindi naman." Ang plano niya ay patapangin ang tinig pero mukhang hindi umepekto. Kasi naman, kahit pa sabihing may generator ang building nila paano kung hindi iyon gumana? Paano kung ma-stuck sila roon ng matagal? Isipin pa lang niya ay nanginginig na siya. Bigla niyang naalala noong masyado pa siyang bata. Umuwi na lasing ang tatay niya, nagkakasiyahan silang magkakapatid at nagalit sa kanila dahil masyado daw silang maingay. Siya ang pinagalitan dahil siya ang panganay at ikinulong siya sa loob ng aparador para daw magtanda siya.

Na-stuck siya doon hanggang kinabukasan dahil hindi naalala ng kaniyang ama ikinulong siya nito roon. Katunayan, kinabukasan na hindi na lasing ang kaniyang ama ay mabait na ito uli sa kaniya na parang walang nangyari. Subalit mula noon, tuwing nakukulong siya sa madilim at masikip na lugar ay bumabalik sa kaniya ang alaalang iyon. Hindi na ganoon ka-extreme ang kanilang ama ngayong matatanda na silang magkakapatid. Pero sa tuwina ay ayaw ni Alice naaalala ang mga karanasan nilang magkakapatid noong kabataan nila. Pinapaalala kasi niyon kung gaano ka-imperfect at kapait ang naging kabataan niya.

"Hey," untag ng boses ng lalaki dahilan kaya napakurap si Alice kahit puro kadiliman pa rin naman ang nakita niya.

"Ano?"

"Lalapit ako sa iyo kaya huwag kang magugulat." At bago pa makapagsalita si Alice ay naramdaman na niya ang kamay ng lalaki sa likod niya na para bang kinakapa siya. Napasinghap siya nang ang sumunod niyang naramdaman ay ang paglapit ng katawan ng lalaki sa bandang likuran niya. Pagkatapos ay bantulot na naglakbay ang kamay nito paakyat sa leeg niya hanggang ipaikot nito ang braso sa balikat niya.

Wala siyang nararamdamang malisya sa haplos ng lalaki. Katunayan ay napakagaan ng haplos ng lalaki. Mas nang-aalo ang pakiramdam niyon kaysa sensuwal. Subalit kahit ganoon ay nagliparan ang mga paru-paro sa sikmura ni Alice na kahit kailan ay hindi niya naramdaman sa dami ng leading man na napalapit sa kaniya ng ganoon. Katunayan ay natanggap na niya sa sarili niya na sa edad niya ay hindi na niya mararamdaman pa iyon kahit kailan. Subalit hayun siya, nagliliparan ang mga paru-paro sa sikmura dahil sa isang estranghero sa dilim.

"Anong ginagawa mo?" halos pabulong lang na usal ni Alice. Pero sapat na iyon para mag-echo sa loob ng elevator ang boses niya.

"Mukhang takot ka base sa boses mo. At least ngayon alam mong hindi ka nag-iisa dito. Hintayin mo lang, gagana na rin ang elevator at babalik ang ilaw," sagot ng lalaki sa mababang tinig na para bang inaalo siya.

Nakagat ni Alice ang ibabang labi at halos mabingi sa biglang mabilis na pagkabog ng puso niya. Sa sobrang lakas ay may pakiramdam siya na naririnig na iyon ng lalaki na relaxed pa rin sa tabi niya. Makalipas ang sa pakiramdam niya ay ilang oras na sa totoo lang ay halos isang minuto lang, nagsimulang bumalik ang ingay ng nabubuhay na makina ng elevator at bumukas ang ilaw. Nakahinga siya ng maluwag nang maramdaman niya ang muling pag-angat ng elevator. "Salamat naman," nausal niya.

"Yeah," sagot ng lalaki.

Napakurap si Alice at napatitig sa pinto ng elevator kung saan kita ang repleksiyon nilang dalawa. Magkadikit na magkadikit ang mga katawan nila ng lalaki. Nagtama ang mga mata nila sa repleksiyon nila. Muli ay parang may mga paru-parong nagliparan sa sikmura niya dahil kung gaano kagaan ang pagkakaikot ng braso nito sa mga balikat niya ay kabaligtaran niyon ang nakita niyang dumaang emosyon sa mga mata ng lalaki habang nakatingin sa repleksiyon nilang dalawa.

Bago pa may makapagsalita o makagalaw sa kanila ay huminto na ang elevator sa tenth floor at bumukas ang pinto. Noon lang siya pinakawalan ng lalaki at humakbang palayo sa kaniya. Mabilis na umibis si Alice. Naramdaman niyang lumabas na rin ng elevator ang lalaki pero hindi siya lumingon. Mainit kasi ang mukha niya at wala siyang balak ipakita rito kung ano man ang nakaguhit sa mukha niya sa mga sandaling iyon.

At the same time ay mariin niyang pinapagalitan ang sarili sa isip dahil sa reaksiyon niya na para bang teenager pa lang siya na ngayon lang napadikit sa isang lalaki. Sa tagal niya sa showbiz ay napakarami na niyang ginawang romantic films at teleseryes. Maraming beses na siyang nakipag-kissing scene sa kung sino-sinong leading man. May ilang beses pa na kinailangan niya gumawa ng bed scene dahil sa tawag ng script. Pero ni minsan ay hindi siya naapektuhan ng kapareha niya. Kahit kailan ay hindi pa siya nakaramdam ng ganoon, na para siyang kinikiliti, dahil lamang sa pagkakalapit nila ng isang lalaki. Well, naranasan niya iyon noon, isang beses lang, noong bata pa siya at naïve, sa isang lalaki na minahal niya at akala niya ay mahal din siya. Hanggang malamanan niya na hindi naman pala siya nito mahal.

Iba na ang kaso ngayon. Hindi na siya bata at lalong hindi na siya naïve. Kaya sigurado siya na kaya lamang siya nakakaramdam ng ganoon ay dahil nasa bingit sila ng alanganin kanina. Sa pagkakatanda niya ay Suspension Bridge Effect ang tawag doon. Ganoon lang iyon kasimple. Sa naisip ay unti-unti na siyang nakalma. Yes, wala itong ibang kahulugan.

Bumalik na sa normal ang tibok ng puso niya at nawala na ang mga nagliliparan sa sikmura niya nang makarating siya sa tapat ng unit niya. Huminto si Alice sa tapat ng pinto niya at ibinaba ang mga pinamili. Binuksan na niya ang wallet para kunin ang susi niya nang mapatingin siya sa katabing pinto ng unit niya. Nagulat siya nang makitang nakatayo roon ang lalaki, may susi sa kamay at mukhang gulat din habang nakatingin sa kaniya. Umawang ang mga labi niya sa reyalisasyon. "Wait, kapitbahay kita?!"

SCANDAL MAKERSWhere stories live. Discover now