Part 8

9.3K 319 14
                                    

Mukha namang hindi nagkukunwari lang ang lalaki. Talagang hindi siya nito kilala! Naningkit ang mga mata ni Alice. "Sabihin mo kung mali ako ha? Bagong dating ka lang ba sa Pilipinas?"

Natigilan ang lalaki at tila ayaw pa sumagot pero sa huli ay marahang tumango. "Ang huling beses na nandito ako ay noong walong taong gulang ako. Dalawang linggo pa lang mula nang dumating ako."

Kaya naman pala hindi siya nito kilala. "Ah, okay." Inilahad niya ang kamay at ngumiti. "Ako si Alice."

Bahagyang umangat ang mga kilay ng lalaki na tila nagdududa sa intensiyon niya pero tinanggap naman ang pakikipagkamay niya. "Aki."

"Aki?" ulit niya sa pangalan nito. Parang narinig na niya ang pangalang iyon na sa totoo lang ay hindi naman pangkaraniwang pangalan. Tila naman natigilan si Aki at bahagyang tumiim ang mga bagang na para bang nagsisi na sinabi nito sa kaniya ang pangalan nito. Si Alice naman ang nagtaka sa reaksiyon nito. "Bakit ganiyan ang hitsura mo?"

"Anong hitsura ko?"

"Mukha kang nagsisisi na sinabi mo sa akin ang pangalan mo. Para sabihin ko sa iyo, hindi ako basta-basta nakikipagkilala kung kani-kanino no. Kapitbahay lang kita kaya ako mabait sa iyo," taas noong sabi ni Alice na binawi na ang kamay at humalukipkip.

Bahagyang umangat ang gilid ng mga labi ni Aki at may kumislap pang amusement sa mga mata nito. "Masyado kang ma-pride."

"May maipagmamalaki naman ako kaya okay lang," sagot niya.

"Para sabihin ko rin sa iyo, hindi rin ako basta-basta nakikipagkilala kung kani-kanino. Mukhang masarap lang talaga itong lasagna mo that's why I am making an exception," sabi ni Aki.

Aba. Mukha lang tahimik ang lalaki pero marunong pala sumagot. Kahit tuloy ayaw sana ni Alice ay hindi niya naiwasan ang mapangiti. Napakatagal na mula nang nag-enjoy siya ng ganoon sa pakikipag-usap sa isang lalaki. "Mukhang magiging mabuti tayong magkapitbahay, Aki."

"Kung babawasan mo ang ingay mula sa loob ng unit mo baka nga maging mabuti tayong magkapitbahay," sangayon nito.

"Bihira lang naman akong nasa bahay ko kaya wala kang dapat ipag-alala. Anyway, mukhang manipis pala ang mga pader dito. Naririnig ko rin ang pinapatugtog mong piano music mula sa pader ng spare bedroom ko."

Natigilan si Aki at sandaling napalingon sa loob ng unit nito bago muling humarap sa kaniya. "Hindi ako nagpapatugtog ng piano music. I was playing the piano."

Nanlaki ang mga mata ni Alice. "Oh." Tumutugtog ng piano si Aki? Muli hindi na naman niya naiwasang mamangha na ang layo sa hitsura nito iyon. "So, noong galing ka sa music bar noong isang gabi –"

"Masyado ka yatang interesado sa akin Alice," putol ni Aki sa itatanong pa niya.

Umawang ang mga labi niya. "Mukha ba akong interesado?" manghang tanong niya.

"Oo."

Medyo nasaling ang ego ni Alice sa hayagang pag-iwas ni Aki sa tanong niya. Ibig sabihin ayaw nitong magtanong siya tungkol rito. Hinamig niya ang sarili at itinaas ang noo. "Well, hindi ako interesado, okay?"

Umangat ang kilay ni Aki. "Talaga?"

"Talaga," mariing giit niya.

Ilang segundong nagkatitigan lamang sila hanggang may tunog ng cellphone ang umalingawngaw mula sa loob ng unit ni Aki. Pareho silang napakurap. Lumingon ang lalaki sa loob ng unit nito habang si Alice naman ay nahamig na ang sarili.

"Babalik na ako sa unit ko. See you later," paalam niya. Bago pa makasagot si Aki ay naglakad na pabalik sa pinto niya si Alice at binuksan iyon.

"Salamat sa lasagna," habol ni Aki.

SCANDAL MAKERSWhere stories live. Discover now