Part 26

8K 270 5
                                    


NAKITA agad ni Alice si Larry sa dulong bahagi ng coffee shop sa ground floor ng condominium building niya. Nakasuot ng formal suit ang lalaki at mukhang kagalang-galang. But she knew better. Noon pa man, si Larry na ang tipong palaging concerned sa panlabas na imahe. Pero sa totoo lang ay immature ito at gusto palaging nasusunod. Isa pa, hindi ba at nakipagrelasyon ito kay Coleen kahit may asawa na? Sumusulak na naman tuloy ang inis ni Alice pero pilit niyang kinalma ang sarili at deretsong naglakad patungo sa lamesang inookupa ni Larry.

Tumingala ang lalaki at hindi man lang inabalang kumilos mula sa pagkakaupo. Not that she cares. Umupo siya sa katapat na silya. "Anong gusto mong sabihin sa akin?" derektang tanong ni Alice.

"Hindi ko alam na malapit kayo ni Coleen sa isa't isa," sabi ni Larry.

Umangat ang kilay niya. "Hindi niya ako nabanggit sa iyo kahit isang beses lang?"

"Well, may palagi siyang sinasabi sa akin na malapit na artista sa kaniya na tinuturing daw niyang ate. Pero kahit kailan ay wala siyang binanggit na pangalan. Sa tingin ko ay pino-protektahan niya ang privacy ng kaniyang ate."

Hindi nakahuma si Alice. Malamang iyon nga ang nasa isip ni Coleen kaya hindi nito binanggit ang pangalan niya. Itinaas niya ang noo at sinalubong ang tingin ni Larry. "Well, mahalata din sa akin si Coleen at itinuturing ko siyang nakababatang kapatid. Kaya hindi ko gusto na na-involve siya sa isang married man na katulad mo," sikmat niya.

"Nag-file na ako ng annulment," seryosong sagot ni Larry. Nagulat si Alice na sinamantala naman ng lalaki at nagpatuloy sa pagsasalita. "Matagal naman na kaming magkahiwalay ng asawa ko. At ang alam ko may boyfriend na siyang bago. Wala kaming anak at wala pa naman siyang plano na mag-asawa at ganoon din ako. At least, bago ko nakilala si Coleen. Bukod doon ay pareho kaming abala kaya hindi pa namin naasikaso ang legal separation namin. Pero nang araw na naabutan niyo ako sa apartment ni Coleen ay kumausap na ako ng abogado."

Napatitig si Alice kay Larry. "So... seryoso ka talaga kay Coleen?" paniniyak niya.

Humalukipkip si Larry. "Of course."

"Kung ganoon bakit tumanggi ka nang sabihin niya sa iyong humarap kayo sa media para matapos na ang tsismis tungkol sa inyo at malinis na ang pangalan niya?" manghang bulalas niya.

May bumakas na guilt sa mukha ni Larry kayo lalong namangha si Alice. Isang taon ang naging relasyon nila noon pero ni minsan hindi niya nakitang nagmukhang guilty ang lalaki kahit marami itong pagkakamali noong magkarelasyon pa sila. "Alam ko na mali ako ng naging sagot sa kaniya noon. Nagkamali ako. Kaya nga gusto kong humingi ng tawad kay Coleen. Pero hindi niya sinasagot ang mga tawag ko at hindi niya ako pinagbubuksan ng pinto kapag pinupuntahan ko siya sa apartment niya."

"Dapat lang iyan sa iyo, alam mo ba?" parungit ni Alice.

Naging mataman ang tingin ni Larry sa kaniya. "Alice, huwag mong sabihin sa akin na may grudge ka pa rin sa akin dahil sa failed relationship natin seven years ago? Matagal na iyon. Sa tingin ko ay hindi lang talaga tayo para sa isa't isa. Base sa outburst mo noong nasa apartment tayo ni Coleen, mukhang sa loob ng maraming taon naniniwala ka na gumawa lang ako ng imahe mo sa isip ko at hindi ka talaga kinilala.

"Pero alam mo ba? Hindi lang ako ang may kasalanan. Hindi mo rin kasi pinakita sa akin ang tunay na ikaw sa loob ng maraming buwan na magkarelasyon tayo. Para ka ring may role na ginagampanan at inakala ko na iyon ang tunay na ikaw. By the time na sigurado na ako na ganoon kang klase ng tao saka ko nalaman na iba ka pala. Sa tingin mo ba hindi ako mag-re-react ng ganoon kung narealize ko na umaarte lang ang babaeng karelasyon ko ng halos isang taon?"

Hindi nakahuma si Alice. Ayaw man niyang aminin pero tama si Larry. Ang lalaki ang unang taong minahal niya at natakot siyang hindi maging perpekto sa paningin nito. Nakilala niya ang lalaki sa isang birthday party ng common friend nila. Ipinakilala sila sa isa't isa at buong gabi ay silang dalawa ang magkausap. Matalino kausap si Larry at marami itong interesanteng kuwento mula sa pagpunta nito sa kung saan-saang lugar dala ng negosyo. Bukod doon ay attentive ito sa kaniya noon at mula nang ipakilala sila sa isa't isa ay wala na itong ibang tiningnang babae.

Kaya nang hingin ni Larry ang cellphone number niya ay ibinigay niya iyon. Naging sunod-sunod ang date nila hanggang mahulog ang loob niya rito. Si Larry ang tipo ng taong gustong-gustong inaalagaan ang girlfriend. He loves being in charge. Kahit minsan ay sumosobra na ito at nagiging bossy na ay pinalampas ni Alice iyon. Hindi siya nagreklamo dahil ayaw niyang mag-away silang dalawa. Never siya nagalit, never nagreklamo, never nagselos. Gusto ni Larry na maganda ang imahe nito sa harap ng mga tao kaya ginawa niya ang lahat para maging karapat-dapat at perpektong nobya para sa lalaki. At dahil ayaw noon ni Larry na ma-tsismis ay siniguro ni Alice na palagi silang patago lumalabas para hindi sila mahuli ng reporters.

Hindi niya narealize na umaakto siya na parang karakter sa pelikula at teleserye bilang isang perfect girlfriend. Ngayong binabalikan ni Alice ang lahat, sa loob ng isang taong relasyon nila noon ay hindi siya naging komportable kahit isang beses lang. Sa tuwing natatapos silang magkita palagi siyang pagod. Ngayon ay napagtanto niya na kahit kailan ay hindi siya naging totoo sa kaniyang sarili noong magkasintahan sila ni Larry.

Hindi katulad kapag kasama niya si Aki. Bukod sa palagi siyang naaabutan ng binata sa alanganing sitwasyon ay palaging pinaparamdam sa kaniya ni Aki na hindi mahalaga rito kahit ano pa ang ikilos niya. Hindi katulad ni Larry ay agad nasira ni Aki ang depensa niya. Subalit kasabay niyon ay may kakayahan din ang binata na pakalmahin siya. Ngayon nga na iniisip pa lang niya ang binata ay kumakalma na siya.

Napabuntong hininga si Alice. "Fine. May mali rin ako. Sorry. Pero hindi ko rin maiwasan ang hindi mainis. Kahit kailan ay hindi ka humingi ng tawad sa akin pagkatapos ng mga masasakit na salitang sinabi mo. At masakit mang isipin pero nagkaroon ng epekto ang failed relationship natin noon sa naging buhay ko sa mga nakaraang taon. Pero hindi ibig sabihin niyon na hindi pa ako nakaka-get over sa iyo. Matagal nang nawala ang nararamdaman ko para sa iyo."

Matagal na tila nag-isip si Larry na para bang nawala na talaga sa isip nito ang mga sinabi nito noon sa kaniya. Napabuga siya ng hangin. Ang inis niya ay napalitan ng resignation. Malamang nawala na talaga sa isip ng lalaki ang lahat. Matagal na iyon. Siya man ay paminsan-minsan na lang sumusulpot sa isip ang mga iyon. Kapag na lang may lalaking nagtatangkang mapalapit sa kaniya. Masyado lang siyang hangal para maapektuhan ng sinabi ni Larry noon. Dahil doon ay natakot na si Alice na sumubok uli makipagrelasyon at mapalapit sa iba dahil ayaw niyang marinig uli sa ibang lalaki ang mga sinabi sa kaniya ni Larry noon. Dahil nakita niya ang disappointment at disgusto sa mukha ng lalaki nang malaman nito na may housewife tendency siya at minsan ay may temper, natakot na siyang baka hindi rin siya matanggap ng susunod na lalaking magugustuhan niya. Siya ang may kasalanan kung bakit natakot siyang pumasok sa isang bagong relasyon dahil lang sa isang failed relationship.

Pero simula sa araw na iyon tuluyan na niyang papalisin sa isip niya ang tungkol sa nakaraan. Kung alam lang niya na ang kailangan lang pala niyang gawin para tuluyan niyang marealize iyon ay ang makipagkita uli kay Larry sana noon pa niya ginawa. Bumuntong hininga si Alice at tumayo na. "Hindi tungkol sa nakaraan natin ang dahilan kung bakit ako nakipagkita sa iyo."

Nagitla siya nang biglang hawakan ni Larry ang braso niya. Bigla ay nagbago ang ekspresyon nito. Naging mukhang desperado. "Teka lang. Kaya ako nakipagkita sa iyo dahil kailangan ko ang tulong mo."

Walang nagawa si Alice kung hindi ang makinig sa pakiusap ni Larry. After all, iyon ang unang beses na nakita niyang ganoon kadesperado ang lalaki. O baka naman ganoon talaga itong klase ng tao. Siguro katulad na hindi siya nito nakilala noon ay hindi rin niya ito kinilala ng husto. Higit sa lahat, mukhang mahal na mahal talaga nito si Coleen. Higit pa sa pagmamahal nito sa kaniya noon. Katulad ng katotohanan na ang nararamdaman niya para kay Aki ay mas matindi kaysa sa naramdaman niya para kay Larry pitong taon ang nakararaan.

Nang mga sandaling iyon ay narealize niya na upang tuluyang kumawala sa nakaraan nilang dalawa, kailangan niya itong tulungan para magkasundo ito at si Coleen.

SCANDAL MAKERSWhere stories live. Discover now