Part 2

13.7K 353 6
                                    

Pabagsak na umupo sa couch si Aki at isinandal ang ulo sa headrest. Pagkatapos ay mariin siyang pumikit. Talagang gusto niya si Veronica. Natatandaan pa niya noong unang beses na nagkita sila ng babae, noong hindi pa ito sikat at kakapirma pa lamang ng managing contract sa music label ni Tom Scott. Katatapos lamang ni Veronica noon ng senior high school. Mukha itong sweet, inosente at sexy at ang mga mata ng babae ay palaging kumikinang sa mataas nitong pangarap at pagkahilig sa musika. Attracted sila sa isa't isa at hindi nagtagal ay naging magkarelasyon.

Dalawang taon na ang nakalipas mula noon. Napakalaki na rin ng ipinagbago ni Veronica. Nawala ang sweetness at innocence na nagustuhan niya sa babae. Ang pagkahilig nito sa musika ay natabunan ng pagnanais nitong sumikat at maging kabilang sa elite circle ng Hollywood. At ilang buwan lamang ang nakararaan, habang tinatrabaho ni Aki ang latest album ni Veronica, he learned that she was sleeping with their boss. Labis siyang nasaktan at nadismaya.

Hindi niya kinompronta si Veronica. Hinintay ni Aki na sabihin sa kaniya ng babae kung ano ang nangyayari. Subalit umakto ito na parang walang ginagawang hindi tama. And always, she was even the one to initiate their love making. Pero sa tuwina, alam niya na nakikipagtalik din ito kay Tom Scott. Hanggang sa palagi na siyang tumatanggi kapag nag-aaya ang babae dahil hindi na niya kayang sikmurain ang sitwasyon. Kaya ang huling awitin sa album ni Veronica ay tungkol sa pagtataksil ng isang babae sa isang lalaki. Ibinuhos niya sa awiting iyon ang lahat ng kinikimkim niyang emosyon. Umasa siya na makuha ni Veronica at Tom sa pamamagitan ng awitin na iyon na alam niya kung ano ang ginagawa ng dalawa kapag nakatalikod siya.

"At nanalo ng Grammy's ang kantang iyon," mapait na usal ni Aki at pagak na natawa.

Iyon na ang huling awit na nagawa niya. Mula noon ay wala nang naririnig na melody si Aki na dati ay palagi siyang ginugulo na halos hindi siya makatulog hangga't hindi siya natatapos mag-compose. Dahil sa ginawang pagtataksil ng dalawang taong pinaka-pinagkakatiwalaan niya sa industriya ay nawalan siya ng gana gumawa ng musika.

O marahil pagod na lang siya makisalamuha sa mga taong handang gawin ang lahat para sumikat. Marahil noon pa man ay unti-unti nang dumadagan sa mga balikat ni Aki ang stress at frustration sa music industry. Noong bata pa siya ay mahal niya ang musika. Ang pangarap niya ay magkaroon ng buhay na umiinog doon. Kaya nang madiskubre siya ni Tom Scott noong seventeen years old siya nang minsang marinig nito ang awiting ginawa niya para sa banda ng isa niyang kakilala ay labis ang tuwa niya.

Subalit habang lumilipas ang mga taon na nagiging bukas ang mga mata niya sa kalakaran sa music industry ay nawala ang excitement niya. Napagtanto ni Aki na kahit mahal niya ang musika, hindi naman niya gusto ang industriya. Kaya lamang ay napasubo na siya kaya hanggang ngayon ay gumagawa pa rin siya ng mga kanta para sa mga artist ni Tom.

Subalit ngayon ay napapagod na siyang magamit. Gusto niyang takasan ang kaniyang lifestyle. Nais niyang lumayo sa musika kahit sandali lamang. Before he end up hating it too.

Nag-ring ang landline phone niya pero hindi siya kumilos upang sagutin iyon. Katunayan, hindi naman talaga pala-sagot ng telepono si Aki. Maya-maya pa ay napunta sa voice mail ang tawag.

"My foolish boy, I know you are in there. You don't even accept your father's call?"

Napadilat si Aki sa tinig na iyon at mabilis na tumayo. Sandali pa ay nahawakan na niya ang awditibo at inilapit sa tainga. "Father," bati niya.

Dumagundong ang baritonong tawa ni Timothy Kennedy, isang amerikanong pilantropo na umampon kay Aki noong walong taong gulang pa lamang siya. "There you are. I just called to let you know that I'm in the Philippines right now for a United Nations campaign I'm in charge of. The moment I stepped in this country I suddenly remembered you. You haven't visited the Philippines since I took you twenty years ago, right?"

Totoong hindi pa siya nakakabalik sa Pilipinas mula nang ampunin siya ni Timothy nang makita siya nito sa bahay ampunan kung saan siya lumaki. Sa sobrang tagal ay hindi na nga niya halos matandaan ang hitsura ng bansang iyon. Walang kilalang pamilya si Aki maliban sa mga madre at kapwa niya ulila na lumaki at nagkaisip sa ampunan. Baka nga pumanaw na ang ilan sa matatandang madre na nag-alaga sa kaniya noong bata pa siya. Hindi na niya masyadong natatandaan ang kabataan niya sa lugar na iyon maliban sa pagnanais niyang balang araw ay makaalis doon at magkaroon ng maayos na buhay.

Nagkaroon iyon ng katuparan ng dumating si Timothy sa buhay niya. Dinala siya nito sa amerika, pinag-aral at minahal na parang tunay na anak. Nang madiskubre nito ang pagkahilig niya sa musika noong sampung taong gulang siya ay ipinasok siya ng ama-amahan sa music school para mag-aral ng piano at pagbabasa ng music scores tuwing weekend. Pagkatapos ay ang matandang lalaki ang nagturo sa kaniya tumugtog ng gitara. Sinuportahan ni Timothy ang pagmamahal niya sa musika at habambuhay siyang magpapasalamat sa matandang lalaki dahil doon. Kahit pa matagal na silang hindi nagkikita dahil mula nang tumuntong si Aki sa hustong gulang ay bumalik sa pag-vo-volunteer sa iba't ibang bansa ang kaniyang ama na hininto nito noong inampon siya nito.

Natigilan si Aki at may kumislap na ideya sa isip niya. "I want to go there. I want to go back to the Philippines," bulalas niya.

"What? Really? How about your work?"

Dumeretso ng tayo si Aki dahil habang tumatagal ay lalo siyang nagiging determinado sa naging pasya niya. "I badly needed a break and they cannot stop me. In fact, I want to stay there for at least a few months."

Matagal na katahimikan ang namayani bago naging seryoso ang tinig ng ama niya. "Is there something wrong?"

Napabuntong hininga si Aki. "Nothing. I just want a new environment. That's all."

Si Timothy naman ang bumuntong hininga sa kabilang linya. "I know there is more to your situation than just that. That's why I don't like that Tom Scott from the day he told me he wanted you to work for him. He's a ruthless and uncaring man who only thinks about money. I have told you before to cut your ties with him. He will just block your musical ability because all he thinks is what will sell. And he's the type of person who will do every dirty trick he can just so you can produce the music he wants," sermon ni Timothy.

Hindi agad nakasagot si Aki dahil ngayon ay alam na niyang tama ang ama niya. O marahil matagal na niyang nadiskubre iyon at hindi lamang siya makaalis sa poder ni Tom. Dahil sa tagong bahagi ng isip niya ay alam niyang malaki ang utang na loob niya sa may-edad na lalaki. Si Tom kasi ang nakadiskubre sa kaniya. Si Tom ang nagtiwala sa kaniya noong panahon na bata pa siya at walang pangalan.

"My contract will end in a few months. I want to go somewhere far and think about my future plans," sabi na lang niya sa ama.

"Well, if that's what you want, I can ask someone I know here to arrange a place for you to stay. You can also contact my friend in New York to help you with your papers and visa so that you can travel as soon as possible," sabi ni Timothy.

Bahagya na napangiti si Aki. "Thanks father."

"Anything for you, my boy. Come here quick so we can see each other before my group flies to Africa."

Pagkatapos ay ibinigay nito ang numero ng kaibigan nito na puwede tumulong sa kaniyang mag-asikaso ng travel papers niya. Nang matapos ang tawag ay iginala ni Aki ang tingin sa paligid ng unit niya. Nagkaroon siya ng sense of purpose. Himbis na matulog ay nagsimula siyang mag-empake.

SCANDAL MAKERSWhere stories live. Discover now