Part 28

8.4K 324 11
                                    


MAY iba kay Aki. Iyon ang nasa isip ni Alice mula pa nang sandaling sumulpot ang binata habang nag-uusap sila ni Larry sa coffee shop hanggang ngayon na nasa loob na sila ng unit nito. Iyon ang unang beses na nakita niyang nagalit nang ganoon ang binata. At ang paraan ng paghawak nito sa kaniyang kamay ay masyadong possessive na hindi niya alam kung ano ang unang magiging reaksiyon. Nang makalabas na sila ng coffee shop at malayo na sa mga tao ay biro lang talaga niya na mukha itong selosong boyfriend para gumaan ang sitwasyon. Hindi niya inaasahan ang magiging reaksiyon ni Aki sa biro niya. Na para bang sinuntok niya ito sa dibdib. Na para bang iyon talaga ang nararamdaman ng binata. Nagselos ito kay Larry.

Nang marealize iyon ay may init na humaplos sa puso ni Alice.Nabagbag ang kaniyang damdamin at natuwa siya na nakaramdam ng ganoon si Aki ng dahil sa kaniya. Ibig kasing sabihin ay hindi lang siya ang lumalalim ang nadarama. Maging si Aki ay ganoon din.

"Sigurado ka ba na hindi ka na pupunta sa music bar? Maraming customer doon ang ikaw talaga ang sinasadya hindi ba?" tanong ni Alice nang nakaupo na siya sa sofa sa living room nito. Nasa hallway pa lang kasi sila kanina ay tinawagan na nito si Victor para sabihing hindi ito tutugtog sa gabing iyon.

Humarap sa kaniya si Aki at sumikdo ang puso ni Alice nang makita ang ekspresyon sa mukha nito at tiim ng pagkakatingin nito sa kaniya. Katulad iyon ng ekspresyon sa mukha nito noong na-trap sila sa loob ng elevator. Ang tingin nito sa kaniya ngayon ay kapareho noong unang beses siya nitong hinalikan sa mga labi. Sa isang iglap ay nasiguro ni Alice na walang puwang ang pagbibiro sa gabing iyon.

"Aki?" pabulong na usal niya dahil bigla ay para siyang mabibingi sa lakas ng tibok ng puso niya.

Naglakad palapit sa kaniya ang binata na hindi pinuputol ang eye contact nila. "Puwede ba akong magtanong?" seryoso pa ring tanong ni Aki. Napalunok si Alice at marahang tumango. "Magkakilala ba kayo ng boyfriend ni Coleen?"

Nagitla si Alice at sandaling hindi alam kung aamin ba o hindi. But then, hindi ba sinasagot ni Aki ng tapat ang lahat ng tanong niya rito? Dapat ganoon din siya. Kaya marahan siyang huminga ng malalim at tinapik ang espasyo sa tabi niya. "Umupo ka muna." Tumalima ang binata at tumabi sa kaniya. Medyo nakalma siya nang magdikit ang mga tagiliran nila at naramdaman niya ang init na nagmumula rito.

"So?" untag ni Aki.

"Well, totoo na magkakilala na kami ni Larry noon. Kaya nagulat ako na malamang siya ang boyfriend ni Coleen," amin ni Alice.

"Magkakilala lang kayo?" dudang tanong ng binata.

Sinalubong niya ang tingin ni Aki bago nagsalita, "Magkarelasyon kami pitong taon ang nakararaan. Isang taon kaming magkasintahan. Pero nang maghiwalay kami ay nawalan na ako ng contact sa kaniya. Ngayon ko nga lang nalaman na nag-asawa siya. Hindi maganda ang naging paghihiwalay namin noon dahil may mga nasabi siyang masasakit na salita sa akin. Ayoko mang aminin pero nanatili sa isip ko sa nakaraang mga taon ang mga sinabi niya sa akin. Dahil doon kaya natakot akong pumasok sa bagong relasyon. Sinisi ko siya sa nakaraang mga taon pero kanina habang nag-uusap kami, narealize ko na may mali rin ako. Pagkatapos kong makipag-usap sa kaniya parang may pabigat na nawala sa mga balikat ko. Na para bang may nakalag na kadena sa puso ko. Gumaan ang pakiramdam ko."

Hindi nakahuma si Aki at tumiim ang mga bagang na para bang nagpipigil ng emosyon. Parang may kumurot sa puso niya habang nakatitig sa mukha nito. Bigla ay naalala niya ang naramdaman niya nang mabanggit ni Aki ang tungkol sa ex-girlfriend nito. Ganoon din kaya ang ekspresyon sa mukha niya nang gabing iyon? Kaya ba tinawag nito ang pangalan niya noon na para bang gusto siyang aluin?

Napabuntong hininga siya at ginagap ang mga kamay nitong nakakuyom sa kandungan nito. "Nag-usap lang kami dahil gusto niyang magpatulong sa akin. Hindi raw kasi siya kinakausap at hinaharap ni Coleen. Ang sabi niya nag-file na raw siya ng annulment at mukhang seryoso talaga siya kay Coleen."

SCANDAL MAKERSHikayelerin yaşadığı yer. Şimdi keşfedin