"Aki?" untag niya rito.

Nag-iwas ng tingin ang binata at nagsimula na maglakad upang sumunod kay Nikki na nauuna sa kanila. "Tara."

Nagtataka man ay naglakad na rin si Alice. Napansin kasi niya na sa kanila nga nakatingin ang mga empleyado doon.

SA opisina ni Tita Bebs ay naabutan na nila si Coleen na nakahalukipkip habang nakaupo sa isang couch. Mabuti na lang at may tumawag na empleyado sa manager nila kaya napagsolo silang tatlo sandali roon.

Kabaligtaran ng inaasahan ni Alice ay mukhang maayos naman ang lagay ng babae. Katunayan ay may kakaibang kislap ng determinasyon ang mga mata nito ngayon kumpara noong huli nila itong makita.

"Coleen," bati ni Alice.

Ngumiti si Coleen at gumanti ng bati. Pagkatapos ay tumayo at bineso siya. "Alice. Nakita ko ang balita sa internet. Dahil sa amin ni Larry nadamay ka sa gulong ito. I'm sorry."

Napamaang siya sa babae. "Hindi ka nagtataka kung bakit kami nagkita na dalawa?"

Napabuntong hininga si Coleen. "May pakiramdam ako na kinausap ka niya para kausapin ako hindi ba? Iniiwasan ko kasi siya lately dahil gusto kong mag-isip." Sumulyap ang babae kay Aki at apologetic na ngumiti. "Pati tuloy kayo nadamay. Sorry, Aki."

Sandaling napatitig lamang si Alice sa babae bago nagawang magsalita. "So, ano ang napag-isip-isip mo?"

Ibinalik ni Coleen ang tingin sa kaniya at lalong bumakas ang determinasyon sa mukha. "Na haharapin ko ang eskandalong ito na nakataas ang noo. Wala akong ginagawang masama. Nahulog lang ang loob ko sa isang lalaki na mas matanda sa akin. Hindi rin ako nanira ng marriage dahil matagal naman na silang magkahiwalay. At..."

"At?"

Napalingon sina Alice, Coleen at Aki sa pinto nang may marinig na tinig ng isang lalaki. Naroon na pala si Larry na mukhang hinatid din ni Nikki sa opisina. Seryoso ang ekspresyon nito at deretso ang tingin kay Coleen na gulat na gulat naman na makita roon ang lalaki.

Tumikhim si Alice at pasimpleng umatras palayo sa babae at palapit kay Aki na tahimik lamang na nagmamasid. Naglakad palapit si Larry kay Coleen. "At ano pa? Tell me."

Sumulyap sa kaniya ang nakababatang babae na para bang humihingi ng tulong. Tinanguan niya ito para sabihing sabihin nito kung ano ang gusto nitong sabihin. Kapag dumating si Tita Bebs hindi ka na magkakaroon ng pagkakataong masabi ang gusto mo, Coleen.

Huminga ng malalim ang babae at muling tumingin kay Larry. "At... pinag-isipan kong mabuti ang nararamdaman ko para sa iyo. Mahal ba talaga kita o katulad ng ibang mga lalaking dumaan sa buhay ko ginamit lang kita dahil malungkot ako at hindi ko kaya na mag-isa? Ilang araw ko na iyong iniisip kaya hindi ko sinasagot ang mga tawag mo at hindi kita pinagbubuksan ng pinto."

Mukhang nagulat si Larry sa rebelasyong iyon ni Coleen pero nahamig din ang sarili. "At ano ang naging sagot sa mga tanong mo?"

Lumambot ang ekspresyon sa mukha ni Coleen. "Na iba ka talaga sa lahat ng mga nakilala ko na. Na talagang mahal kita hindi lang dahil kailangan ko ng taong mag-aalaga at magmamahal sa akin. Kapag kasama kita, kumportable at masaya ako. Kaya hindi na ako tatakas. Babalik na ako sa trabaho at haharapin ko kahit ano pa ang sabihin nila tungkol sa akin kasi nagmamahal lang naman ako at walang mali doon."

Ngumiti si Larry at tila walang pakielam kahit naroon sina Alice at Aki na niyakap at hinalikan si Coleen. "Good. Dahil mahal din kita. Kaya para sa iyo, handa na akong humarap sa media para sabihin sa kanila ang totoong sitwasyon ng relasyon natin. And I already filed an annulment you know. Dahil gusto kitang makasama."

Napangiti na si Alice. Masaya siya para sa dalawa. Natigilan lang siya at tumabingi ang ngiti nang biglang bumukas ang pinto ng opisina at pumasok si Tita Bebs kasunod si Nikki. Nanlaki ang mga mata ng matandang babae nang makitang magkayakap sina Larry at Coleen. "Anong ginagawa ninyo?" pasigaw na bulalas ni Tita Bebs.

Hindi kumalas sa pagkakayakap ang dalawa. Si Coleen ay matatag na tumingin sa manager nila. "Tita Bebs, mahal ko talaga siya. Please, makinig ka sa amin at huwag mo kami paghiwalayin."

Sandali pa ay nagpapaliwanag na ang dalawa kay Tita Bebs na nakahalukipkip lang at lukot ang mukha. Tahimik lamang sa isang tabi sina Alice at Aki dahil wala pa sa kanila ang atensiyon ng manager niya.

"So gusto niyo magpa-press conference para aminin ang tungkol sa inyong dalawa. Gusto ko lang malaman mo Coleen, na pagkatapos nito ay hindi na tayo sigurado kung makakapagpatuloy ka pa sa showbiz. Either magagamit natin ito bilang good publicity para sa iyo o magdudulot ito para wala nang project ang dumating sa iyo. Handa ka bang itaya ang career mo para sa lalaking iyan?" seryosong tanong ni Tita Bebs.

"I am not risking anything Tita," determinadong sabi ni Coleen.

Mahabang katahimikan ang namagitan bago sa wakas ay bumuntong hininga si Tita Bebs. "Very well." Pagkatapos ay ipinaliwanag nito kina Coleen kung ano ang magiging takbo ng press conference.

Napaigtad si Alice nang yumuko si Aki hanggang nasa tainga na niya ang bibig nito. "Mas honest siya kaysa sa iyo. Dapat matuto ka sa kaniya."

SCANDAL MAKERSWhere stories live. Discover now