"E di, patulan mo sila for fun. Bakit ibuburo mo ang sarili mo. Get a little loose and live your life to the fullest."

Naningkit ang mga mata ni Alice at pinakatitigan si Coleen. Sa loob ng ilang taong pagkakakilala nila, sa tuwing ganoon ang tono ng babae ay isa lang ang ibig sabihin niyon. "Ikaw... may karelasyon ka na namang lalaki ngayon ano? Kaya gusto mo rin akong magkaroon ng boyfriend. Para hindi lang ikaw ang pagagalitan ni Tita Bebs kapag lumabas sa tabloids ang tungkol sa relasyon mo," dudang bulalas niya.

Ngumisi si Coleen patunay na tama siya ng hinala. Napabuntong hininga si Alice. "Baka naman lokohin ka na naman ng lalaking iyan."

"Hindi no. Sa pagkakataong ito sa tingin ko magiging okay na ang relasyon ko. Maalaga siya, mapagmahal at iyong heroic type. Medyo mas matanda siya sa akin pero okay lang naman iyon sa akin," kuwento ni Coleen.

"Bakit ilang taon ba siya?" duda pa ring tanong ni Alice.

"Thirty six."

Namilog ang mga mata niya. "Medyo matanda? Coleen bente singko ka lang. Sobrang laki ng age gap ninyo!"

"So what? Uso naman ngayon ang May-December love affair. Hindi ba ganoon ang role mo sa tv series na gagawin natin?" ngisi pa ni Coleen.

Napailing si Alice. "Magkaiba ang teleserye at tunay na buhay."

"Gusto namin ang isa't isa. Iyon ang mahalaga. Ipapakilala ko siya sa iyo balang araw at makikita mo na mabait ang bago kong boyfriend. Pangako. Pero huwag mo muna sasabihin kay Tita Bebs ha? Lagot ako 'don."

Napabuntong hininga siya. "Fine. Bakit ba kasi hindi mo kayang tumagal na single Coleen?"

Bahagyang nawala ang ngiti ng babae at may kumislap na pait sa mga mata nito pero agad ding nawala kaya akala ni Alice ay namalikmata lang siya. Tumayo si Coleen at patalikod sa kaniyang nag-inat. "Ayoko lang na mag-isa. Gusto ko ng taong mag-aalaga sa akin at magpapakita na mahal niya ako. Hindi lahat ng babae matapang na mabuhay mag-isa." Pagkatapos ay lumingon ito sa kaniya at bahagyang ngumiti. "Ikaw rin, Alice. Sinasabi mo na kuntento ka sa pagiging single mo at tanggap mo nang mabubuhay ka mag-isa. Pero sa loob mo, alam ko na may isang bahagi ng pagkatao mo ang nakakaramdam ng kalungkutan kapag mag-isa ka lang sa gabi, hindi ba?

Hindi nakaapuhap ng sasabihin si Alice. Ngumiti lang si Coleen at sandaling nagmukha itong mas matanda kaysa sa edad nito bago nagpaalam sa kaniya na lalabas na. Naiwan siyang mag-isa sa tent. Pakiramdam niya binuhusan siya ng malamig na tubig sa sinabing iyon ng nakababatang babae. Ang pangarap niya noong bata pa siya na kaniyang itinago sa pinakadulong bahagi ng kaniyang puso ay muntik nang lumitaw. Mabuti na lang may production assistant ang biglang sumulpot para sabihin sa kaniya na magsisimula na ang shoot. Bumalik sa kasalukuyan ang buong atensiyon ni Alice.

Tumayo siya at muling itinulak sa likod ng utak niya ang isiping muntik na sumulpot dahil sa sinabi ni Coleen. Lumabas siya ng tent at lumapit na sa director nila. Sandaling kinausap siya nito kasama ang artistang ka-eksena niya para sa instructions. Pagkatapos ay pumuwesto na sila sa harap ng kamera.

"Camera rolling!"

Huminga ng malalim si Alice at inalala ang script na kinabisado na niya kagabi pa. Nag-internalize siya habang nagbibilang ang Assistant Director. Pagkasabi nito ng "Action!" ay hindi na siya si Alice De Dios, kung hindi ang bidang babae sa teleserye na iyon.

LAMPAS isang linggo ang matuling lumipas na puro trabaho ang inaatupag ni Alice. Ganoon katagal na rin siya hindi nakakauwi sa unit niya dahil sa mga location shoots. Idlip lang ang nagiging tulog niya. Kaya nang sa wakas dumating ang araw na alas onse pa lang ng gabi ay natapos na ang shoot para sa eksena niya at hindi niya kailangan bumiyahe papunta sa isa pang appointment kinabukasan ay nakahinga ng maluwag si Alice.

Nakapagpalit na siya ng damit at nabitbit na ni Nikki ang mga gamit niya papunta sa sasakyan nang dumating si Tita Bebs. "Good work today. Kumain muna tayo sa labas bago ka umuwi. My treat."

Napatingin si Alice sa wristwatch niya. "May bukas pa bang restaurant ng ganitong oras?"

"Hindi restaurant. May kaibigan akong may-ari ng isang music bar na madadaanan natin pauwi sa condo mo. Masarap ang pagkain 'don. Tara. Hindi puwede sumama si Coleen dahil may eksena pa siya na kukunan hanggang mamayang madaling araw kaya dadalhan ko na lang siya ng pagkain," aya ni Tita Bebs.

Music bar. Natigilan siya dahil may naalala siyang isang partikular na music bar, isang maulang gabi, lampas isang linggo na ang nakalilipas. Pagkatapos ay naalala niya si Aki. Na kahit pilit itinatanggi ni Alice ay ilang beses na niyang naisip sa nakaraang mga araw. It's not the kind of remembering that makes someone bothered and restless. Basta bigla na lang niya naaalala si Aki pero sandali lang naman kaya sa tingin niya hindi naman iyon big deal.

"Handa ka na umalis?" untag ni Tita Bebs kay Alice.

"Sige. Tara."


HINDI naiwasan ni Alice ang mamangha nang marealize na ang music bar na pagmamay-ari daw ng kaibigan ng manager niya ay ang mismong music bar kung saan niya nakitang lumabas si Aki noong una silang nagkita. Bigla tuloy niya naisip kung naroon ba uli ang binata. Pagkatapos ay marahas ding hinamig ni Alice ang sarili. Ano naman sa kaniya kung naroon o wala roon si Aki? Hindi naman sila close. Katunayan ang huling pag-uusap nila ay noong binigyan niya ito ng lasagna. Pagkatapos niyon ay masyado na siyang naging abala at hindi na niya nakita uli ang lalaki.

Pagpasok nila nina Tita Bebs at Nikki sa loob ay narealize ni Alice na mas maganda ang ambiance ng bar kaysa unang akala niya. Maluwag sa loob at ang una niyang nakita ay ang flatform stage sa dulong gitnang bahagi ng bar. May piano sa gilid ng stage. Ang mga lamesa ay magkakalayo na para bang sinadyang ganoon para sa privacy ng mga customer. Malayo sa stage at malapit sa entrada ay ang bar counter. May matandang lalaki doon na napalingon nang dumating sila nina Tita Bebs at nakangiting kumaway.

"Hayun si Victor. Lumapit tayo sandali sa kaniya, Alice, bago tayo kumain," aya ng manager niya.

Tumalima si Alice at nagkunwang hindi napapansin ang atensiyon ng mga customers doon na napunta na sa kaniya. After all, sanay naman siya sa ganoong reaksiyon mula sa mga tao kapag nasa malapit siya.

"Alice, ito si Victor, siya ang may-ari ng lugar na ito at matagal ko nang kaibigan. Victor, ito ang isa sa mga alaga ko, si Alice De Dios," pakilala ni Tita Bebs.

Ngumiti ang matandang lalaki at inilahad ang kamay. Nahawa siya sa init ng ngiti nito kaya nakangiti na ring tinanggap ni Alice ang pakikipagkamay ng matanda. "Welcome. Tamang tama ang dating ninyo, ilang minuto na lang may tutugtog na. Ipapahatid ko kayo sa isang waiter ko sa lamesa na pina-reserve mo Baby."

"Sige. Mauna na kayo sa lamesa Alice at makikipag-kuwentuhan muna ako sandali sa lalaking ito," nakangiting sabi ni Tita Bebs.

Tumango na lang si Alice dahil sa totoo lang ay pagod na siya at ang gusto na lang niya ay kumain kaagad para makauwi at makatulog. Mukhang kahit ang assistant niya ay pagod na rin kaya hindi na masyadong nagsasalita. Umorder lang sila at nang dumating ang pagkain ay itinutok nila pareho ang atensiyon sa pagsubo. "Mabuti na lang wala tayong schedule bukas. Ihahatid muna kita sa bahay ninyo bago ako umuwi," sabi ni Alice.

"Huwag na po, Miss Alice. Alam kong pagod ka na rin. Mag-ta-taxi na lang ako."

Ngumiti siya. "Okay."

Nakatuon ang atensiyon ni Alice sa kinakain niya nang magkaroon ng sabik na pagkakaingay sa paligid. Lumingon ang personal assistant niya sa direksiyon ng stage pero siya ay hindi inabalang mag-angat ng tingin. Nangangalumata na kasi siya sa antok. Hanggang pumailanlang ang tiklada ng piano. Napakurap si Alice dahil pamilyar ang piyesa na iyon sa kaniya. Iyon ang piyesa na narinig niya sa unit ni Aki noon. Nag-angat siya ng tingin deretso sa bahagi ng stage kung nasaan ang piano. Namilog ang mga mata niya at nahigit ang paghinga nang makita kung sino ang kasalukuyang tumutugtog ng piano.

Si Aki ba ang nasa piano?

SCANDAL MAKERSWhere stories live. Discover now