KANSELADO pa rin ang dapat ay schedule ni Alice kinabukasan dahil sa matinding baha at kaguluhang naiwan ng bagyo sa kamaynilaan. Bukod doon ay maulan pa rin pero hindi na lang kasing lakas ng kahapon. Pero dahil nakapaglinis at lipat na siya ng mga gamit kahapon ay itinuon naman niya ang atensiyon niya sa pagluluto sa araw na iyon. Natatakam siya sa lasagna kaya nag-bake siya ng kaunti.

Okay, hindi lang kaunti, marami siyang na-bake. Masyado siyang nag-enjoy at malaking bandehado ang nagawa niya. Kahit gaano niya gustong kumain ng marami ay alam niya na hindi puwede. Kahit kasi noong bata pa siya ay hindi naman mabilis ang metabolism niya. Mabilis siyang tumaba. Lalo na ngayon na lampas trenta na siya. Dobleng oras ng zumba at yoga ang kailangan niyang gawin tuwing may libreng araw siya para masigurong hindi siya tataba.

"Ah, dapat imbitahan ko si Coleen ngayon," nausal niya at mabilis na nagtungo sa kuwarto niya kung saan niya iniwan ang cellphone niya. Tinawagan niya ang nakababatang babae. Matagal na nag-ring sa kabilang linya bago iyon sinagot ng babae. "Coleen, nagluto ako ng lasagna. Gusto mong magpunta sa unit ko?"

"Oh, I love your lasagna, Alice. Kaso may date ako today kaya hindi ako puwede."

Tumaas ang kilay niya. "Umuulan at baha sa mga kalsada may date ka pa rin?"

Tumawa si Coleen. "Kapag ganitong malamig masarap makipag-date," pilyang sagot ng babae.

Napabuga ng hangin si Alice. "Coleen, huwag mong kalimutan kung sino ka, okay? Isa kang aktres. Alagaan mo ang imahe mo. Sino ba iyang ka-date mo?"

"Ayan ka na naman, manang Alice. Huwag kang mag-alala nag-iingat ako. Isa siyang negosyante na nakilala ko sa party noong isang gabi. Basta, sasabihin ko sa iyo ang detalye kapag nagkita na tayo uli. Tirhan mo ako ng lasagna ha? Bye!"

Manenermon pa sana si Alice pero tinapos na ni Coleen ang tawag. Napailing na lang siya. Sa palagay niya ay dapat marendahan ang babae sa ginagawa nito. Madaling ma-attract si Coleen sa mga lalaki. Lalo na iyong mga naka-suit at mas matanda rito. Purihin lang at bigyan ng extra attention si Coleen ay nahuhulog na agad ito sa isang lalaki. Sa loob ng ilang taon nilang pagkakakilala ay nasaksihan na niya kung ilang beses naloko ng mga lalaking sa simula lang mabait ang babae. Palagi niya itong pinagsasabihan pero sa tuwina sandali lang nakikinig sa kaniya si Coleen at kalaunan bumabalik na naman sa dati.

"Fine, ako na lang mag-isa ang kakain." Nakatayo na si Alice sa nakabukas na pinto ng silid niya nang matigilan siya. May naririnig siyang tunog mula sa direksiyon ng spare bedroom niya na palagi niyang hinahayaang nakabukas dahil doon niya nilalagay lahat ng mga damit at kung anu-ano pang padala ng mga sponsors niya. Naningkit ang mga mata niya at naglakad papasok sa spare bedroom. Bahagyang lumakas ang tunog na ngayon ay nasiguro na ni Alice na tunog ng piano. Habang papalapit siya sa pader na nakapagitan sa unit niya at sa katabi niyang unit ay palakas ng palakas ang tunog. Patunay na galing iyon sa kapitbahay niya.

Umangat ang mga kilay ni Alice. Mahilig ba sa ganoong musika ang lalaki kaya iyon ang pinapatugtog? Ang layo sa hitsura nito. But then, hindi ba lumabas ito sa music bar noong isang gabi? Hindi pa nakakapasok doon si Alice pero ayon sa ilang kakilala niya mga piano, violin at minsan ay jazz music ang live show doon. A man of contradictions.

Tinalikuran na niya ang pader nang may maisip siya. Ano kaya kung bigyan niya ng lasagna ang kapitbahay niya? After all, sa dalawang beses na pagkikita nila ay may ginawa ang lalaki na dapat niyang ipagpasalamat pero hindi man lang siya nagpasalamat rito. Mabilis na nagtungo sa kusina si Alice upang ipaghiwa ng lasagna ang lalaki at inilagay iyon sa tupperware. Thank You offering lang. Walang halong malisya. Aba, dapat pa nga matuwa ang lalaki na bibigyan niya ito ng luto niya. Hindi niya iyon basta-basta pinapatikim kahit kanino.

Maya-maya pa ay nasa tapat na siya ng pinto ng katabi niyang unit at pinipindot ang doorbell. Sandali lang ay narinig na ni Alice ang yabag mula sa loob ng unit. Pagkatapos ay bumukas ang pinto at lumitaw ang lalaki na nakakunot ang noo at takang nakatingin sa kaniya. "What?"

Umangat ang kilay ni Alice sa nahimigan niyang iritasyon sa boses nito. "Hindi ba maganda ang gising mo at nakasimangot ka ng ganiyan? O para sa iyo." Iminuwestra niya ang tupperware na may lamang lasagna. "Nakalimutan ko magpasalamat para sa payong at sa ginawa mo para sa akin noong nasa loob tayo ng elevator. Tanggapin mo."

Ilang sandaling napatitig lang ang lalaki sa tupperware na para bang nabigla na hindi niya mawari bago iyon bantulot na inabot. "Thanks," usal nito. Pagkatapos ay muling ibinalik ng lalaki ang tingin sa mukha niya. "By the way, ilang beses na tayo nagkikita pero hindi ko pa rin alam ang pangalan mo."

Si Alice naman ang nagulat. Pinakatitigan niya ang lalaki. "Hindi mo ako kilala?" hindi nakatiis na tanong niya.

"Dapat ba kilala kita?" kunot noong tanong nito.

SCANDAL MAKERSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon