DUMADAGUNDONG ang pader na para bang may nagpupukpok at nagbabarena doon. Kasama niyon ang malakas na tugtog. Napaungol si Aki at naalipungatan mula sa pagkakatulog dahil sa vibration na dulot ng ingay na iyon sa buong silid niya. Hindi siya umalis sa pagkakadapa sa kama at tinakpan ng unan ang ulo niya sa pagbabakasakali na tumigil ang ingay. Subalit katulad noong nakaraang linggo ay mukhang matagal pa bago hihinto sa pag-iingay ang kung sino mang umookupa ng unit na katabi ng sa kaniya.

Frustrated na bumangon si Aki at inis na pinukol ng tingin ang bahagi ng pader na nakapagitan sa unit niya at sa katabing unit. Dalawang linggo na mula nang lumipat siya roon. Nang dumating siya sa pilipinas ay dinala siya roon ng kaniyang ama at ng kaibigan nito na nag-asikaso para ma-rentahan niya ang unit na iyon. Maganda ang building at nagustuhan niya na tahimik sa floor na nakatakda niyang tirhan.

Subalit ilang araw pa lamang mula ng lumipat siya roon ay nagulat siya sa biglang ingay na nanggaling sa katabi niyang unit na para bang may nag-de-decorate at nag-aayos sa kabitbahay. Maghapon ang ingay roon kaya naisip ni Aki na baka may bagong lipat din doon. Pero makalipas lamang ang ilang araw ay nagkaroon na naman ng ingay mula roon na para bang naglilipat na naman ng mga gamit ang kapitbahay niya. At ngayon, hayun na naman. Ilang beses ba sa isang buwan mag-ayos sa loob ng bahay ang may-ari ng katabi niyang unit? It was weird.

Napabuga siya ng hangin at tuluyang bumangon sa kama. Lalabas na lang muna ako ngayong araw. Nakahawak sa batok at hindi alintana ang kahubdan na naglakad si Aki patungo sa banyo. Hindi siya nakakatulog ng maayos kapag may suot siya. Napasulyap siya sa bintana nang may liwanag na kumislap mula sa labas na sinundan ng dagundong ng kulog. Hinawi niya ang kurtina at nakita niyang madilim sa labas sa sobrang lakas ng ulan. So hindi magandang ideya na lumabas. Pero hindi niya alam kung gaano katagal ang ingay sa kapitbahay niya. Nagpunta pa naman si Aki sa bansang iyon para magkaroon ng katahimikan.

Napasulyap siya sa pader kung saan sandaling huminto ang tunog ng pinupukpok. Pagkatapos ay narinig niya ang malakas na boses ng isang babae na kumakanta kasabay ng pamilyar na awitin. Napaderetso ng tayo si Aki. Awitin iyon ni Veronica. Ang huling kantang isinulat niya. Sumama tuloy ang pakiramdam niya dahil naalala na naman niya ang dahilan kung bakit siya umalis ng New York.

"Kailangan ko talagang lumabas ngayon," nausal niya sa sarili at tuluyang pumasok ng banyo upang maligo at magbihis. May restaurant, coffee shop at convenience store naman na kanugnog ng ground floor ng condominium building na iyon. Doon na lang muna siya hanggang matapos sa ginagawa ang kapitbahay niya.


MATAMIS na napangiti si Alice nang maikabit ang bagong bili niyang painting sa pader ng kuwarto niya. Noong isang araw pa iyon dumating. Nabili niya iyon sa isang Charity Auction last weekend na kinailangan niya puntahan. Bagay iyon na kasama ng iba pang paintings na nakadikit sa pader ng kuwarto niya.

Dahil nakuntento na siya sa arrangement ng mga painting at nakapaglinis na rin siya sa loob ng kuwarto niya ay binitbit na niya ang barena, pako at martilyo palabas ng kaniyang silid. Kasunod niyang inasikaso ang living room. Nilinis niya iyon at iniba ang puwesto ng mga furniture. Pagkatapos ay naglinis siya ng banyo at bathtub habang sumasabay sa saliw ng awiting pinapatugtog niya kanina pa.

Malalapit na tao lang sa buhay ni Alice ang nakakaalam sa bahaging iyon ng pagkatao niya. Ang totoo ay mahilig siya sa gawaing bahay. Kung ang ibang tao ay may hobby na gaya ng pagtugtog ng instrumento, drawing o kaya ay sports, si Alice ay paglilinis at pag-aayos ng buong bahay ang pampalipas ng oras. Relaxation therapy niya ang paglilinis ng bathtub at inedoro. Masaya siya kapag nag-re-rearrange siya ng mga gamit at displays sa unit niya. Mahilig din siya magluto. At madalas, kapag may role siyang pinag-aaralan at script na kinakabisado, madali niya iyong nagagawa habang naghuhugas siya ng pinggan at mga kaldero.

Subalit dahil hindi bagay sa imahe niya bilang sopistikadang aktres ang tungkol doon ay mahigpit na ibinilin sa kaniya ni Tita Bebs noon pa na huwag na huwag iyon babanggitin sa media.

Pagsapit ng tanghali ay kusina na lang ang kailangan niya linisin. Pagbukas ni Alice ng refrigerator niya nakita niya na halos wala na pala iyong laman. Balak pa naman sana niya magluto ng tanghalian niya para sa araw na iyon. "Kailangan ko magpunta sa Supermarket kaso bumabagyo. Bababa na nga lang muna ako sa convenience store. Bukas naman siguro iyon ngayon kahit may bagyo."

Sandali pa ay bitbit na niya ang wallet niya at lumabas ng unit niya. Iyon ay pagkatapos niyang ilugay at suklayin ang buhok niya at magpalit ng mas magandang bestida. Mahirap na at hindi niya alam kung may reporter na biglang makakita sa kaniya. Ayaw niyang makita sa internet ang larawan niya na hindi siya maganda. After all, may imahe siya ng isang "Timeless Beauty" na kailangan pangalagaan.

Malakas pa rin ang ulan at hangin sa labas nang nasa convenience store na si Alice. Walang tao roon maliban sa isang staff. Halos tumataas na ang tubig sa kalsada sa tapat ng building nila at mas matindi ang kidlat at kulog. Binilisan na lang niya ang pamimili at sandali pa ay naglalakad na siya pabalik ng elevator bitbit ang malalaking plastic bag sa magkabilang kamay. Isang metro pa ang layo niya nang makita niyang pasara na ang elevator. "Sandali!" bulalas ni Alice at binilisan ang paglalakad. May kamay namang biglang humarang sa pinto ng elevator upang hindi sumara. Nakahinga siya ng maluwag nang makapasok siya sa loob ng elevator.

"Salamat," usal niya at saka nilingon ang nag-iisang tao roon maliban sa kaniya. Nagitla si Alice at napaderetso ng tayo nang masalubong ang pamilyar na mga mata ng lalaking nagbigay sa kaniya ng payong kanina lang madaling araw. "Ikaw!" bulalas niya.

SCANDAL MAKERSWhere stories live. Discover now