16

39.1K 964 17
                                    


"Bakit kailangang sa bahay n'yo ako tutuloy ngayon?" tanong ni Red nang ipasok ni Samantha ang sasakyan sa eskinitang papasok sa bahay nila.

"Hindi safe na bumalik sa bahay mo ngayon. Kung sino man ang gustong pumatay sa iyo, he is getting desperate." Inihinto niya ang sasakyan sa tapat ng bahay nila. Ilang sandali pa ay nasa itaas na sila. Naroon ang tatay niya.

"'Gandang gabi, 'Tay..." bati niya. Bumati rin si Red.

"Bakit ngayon ka lang umuwi, Samantha?" bungad nito. Pinaglipat-lipat ang tingin sa kanilang dalawa ni Red. "Nag-aalala na kami sa iyo ng nanay mo. At sino itong kasama mo? Huwag mong sabihing nagtanan ka?"

Natawa siya. "Boss ko si Red, 'Tay... Redentor Halandola. Siya 'yong sinasabi ko sa inyong pinagtatangkaan ang buhay. Red, ang tatay ko."

"Kumusta po kayo?" wika ni Red, alanganing ngumiti.

Isang mapanuring tingin ang ginawa ni Mang Alipio bago nito tinanggap ang nakalahad na kamay ni Red. "Bakit hindi ka kumuha ng maraming security officer? Balita ko'y mayaman ka naman. Baka manganib ang buhay nitong anak ko."

Matalim na sinulyapan ni Sam ang ama. "'Tay naman. Huwag n'yo ngang i-intimidate si Red. Baka mawalan pa ako ng trabaho niyan."

"Eh, sino bang maysabi sa iyong magtrabaho ka? Alam mong hindi ko gusto ang trabahong pinasok mo, Samantha. Nag-iisa ka naming anak at babae pa. Pero kung umasta ka'y tila ka—"

"Alipio..." Mula sa pinto sa kusina ay lumitaw ang nanay ni Samantha. "Hindi mo na binigyan ng kahihiyan iyang anak mo sa harap ng bisita." Isang ngiti ang itinawid nito kay Red habang lumalapit. Inilahad ang kamay. "Ako ang nanay nitong si Samantha, hijo. Huwag mong pansinin ang asawa ko. Labis-labis lang na nag-aalala iyan sa ilang araw na hindi pag-uwi ni Samantha."

"Naiintindihan ko ho." Tinanggap ni Red ang pakikipagkamay ni Aling Arsenia.

"Ano ang dahilan at biglang-bigla'y nauwi ka, Samantha, at kasama pa ang boss mo?" nagdududang tanong ni Mang Alipio. Binale-wala ang matalim na tingin ng asawa.

"Kanina ho'y nasagupa na naman namin ang nagtatangka sa buhay niya..." Sa pahapyaw na salita ay ikinuwento nito sa mga magulang ang nangyari sa superhighway na lalo lang nagpagalit sa ama. Kung hindi pa nagyayang kumain si Aling Arsenia ay hindi matatapos ang sermon ni Mang Alipio.

"PASENSIYA ka na sa tatay ko," marahang sabi ni Samantha nang lumabas siya sa balkonahe ilang sandali matapos itong iwan ng ama. Naupo siya sa tabi ni Red. "Overprotective lang talaga iyon."

"Naiintindihan ko naman sila, Sam," wika nito at nagbuntong-hininga. "Kanina'y naisip kong hindi lang ang buhay ko ang nanganganib kundi maging ang sa iyo. At wala akong karapatang idamay ka sa nangyayari sa akin."

"Hindi mo ako idinamay, Red. It's my job."

Tinitigan siya nito. Hindi niya iniwas ang mga mata at sa matagal na sandali ay nanatili silang nakatitig sa isa't isa.

"You're... you're beautiful," he said huskily.

Napakurap si Samantha. That broke the spell. Agad na umiwas siya ng tingin at itinuon ang mga mata sa kadiliman sa labas. "Natatakot ka ba, Halandola?" mayamaya ay sabi niya.

"Sa tatay mo? Sino ang hindi? Kayang-kaya akong tirisin ni Mang Alipio."

Alam niyang sadyang iniligaw nito ang sagot. "Alam mo ang ibig kong sabihin."

Hindi agad ito nakasagot. Huminga nang malalim. "I am, Sam," he said with a sigh.

"Narito ako, Red. Hindi ko hahayaang may mangyari sa iyo.

Sexy and Dangerous (COMPLETED)Where stories live. Discover now