Wala siyang pakialam kung ano man ang itawag sa kanya ng mga kasamahang pulis. Hindi pa lang talaga dumarating ang lalaking magpapatibok sa puso niya.

"Puwede ba, Art, kapag ganitong bored na bored na ako baka—" Natigilan siya sa sinasabi nang may magsalita sa two-way radio. Itinodo niya kaagad ang volume.

Ang mensahe ay para sa mga pulis na nakadestino sa ibang lugar—sa may bandang Valenzuela. May nagaganap na holdup sa isang gasolinahan doon. At sa balitang iyon ay agad na naiba ang mood ni Samantha.

"Narinig mo iyon?" She was smiling from ear to ear.

"Paano ko hindi maririnig, eh, nakatodo nang husto 'yang volume?" dismayadong sabi nito.

"Wala pang five minutes ang BBB mula rito." Isinara niya ang pinto ng sasakyan. "Buhayin mo ang makina, dali!" utos niya.

"Hindi ko gusto iyang iniisip mo, Sam..." protesta ni Art.

Inabot niya ang susi na nakabitin sa ignition hole at siya na mismo ang nag-start ng makina. "May nagaganap na nakawan sa Valenzuela, Art. Dito, wala."

"Pero hindi natin teritoryo iyon."

"Alam ko." Pinandilatan niya ito ng mga mata. "Patatakbuhin mo ba ito o ano?"

"This is crazy, Sam. Mayayari tayo kay Boss-Chief." Iyon ang eksaheradong tawag nila sa kanilang hepe. "We're not suppose to leave our post."

Sinikap niyang abutin ang pinto sa side nito at binuksan iyon. "O sige, maiwan ka rito. Maduling ka sa kababantay sa mga sasakyan at tutulungan ko ang kabilang unit."

Wala itong naitugon, nakatitig lang sa kanya.

"Ano ba?" singhal niya. She didn't want to miss the action.

Tila naman napasailalim sa hipnotismo niya si Art, isinara nitong muli ang pintong binuksan niya at masunuring pinaandar ang sasakyan. She grinned silently, alam niyang sa bandang huli ay susunod din ito sa kanya.

"Mali ito, Sam..." napapailing na sabi na lang nito. "Todas tayo kay Boss-Chief."

Napatuwid siya sa pagkakaupo. "Ako ang bahala sa iyo. Sagot kita kay Boss-Chief," kampante niyang tugon. "At bilisan mo."

Ilang sandali pa ay humahagibis na sila patungo sa pinangyayarihan ng holdup. Nanatiling nakatutok sa two-way radio ang buong atensiyon ni Samantha. Ayon doon ay nakalabas na ang lalaking nang-holdup sa gasolinahan. Adrenaline pumped her blood. Kulang na lang ay tulungan niya si Art na apakan ang selinyador.

"Art, lumiko ka pakaliwa sa kanto! Diyan daw tumakas 'yong lalaki!"

Mabilis na kinabig ni Art ang manibela. "Woow—shit!" bulalas nito nang sa eksaktong pagliko nila ay may tao silang tutumbukin. Tumatakbo ito. Natapakan na ni Art ang preno ngunit dahil nakalingon sa pinanggalingan ang lalaki ay hindi nito naiwasan ang sasakyan nila. Bumalandra ito sa hood ng sasakyan at tumama ang mukha sa windscreen.

Gayundin si Art na nasubsob naman sa bigla nitong pagpreno. Halos maghalikan ang dalawa sa nakapagitang salamin ng patrol car.

Nanlalaki ang mga matang napalingon sa kanya si Art. "N-nakabunggo tayo..." Nanginginig ang tinig nito.

Ngunit nag-angat ng mukha ang lalaki sa ibabaw ng hood. Buhay pa ito! At gayon na lang ang pagkagulat sa anyo nito nang parehong magtama ang kanilang mga paningin. Mabilis itong napatindig at doon nila nakitang may hawak itong baril. At sa isang kamay ay clutch bag na namumukol dahil sa laman. Agad na tumakbo ito palayo.

Sexy and Dangerous (COMPLETED)Where stories live. Discover now