Espion de France

83 5 197
                                    

Hindi kainitan ang panahon subalit  masyadong maliwanag ang sikat ng araw. Bahagya lamang umaabot sa akin ang sikat ng araw sa kabila nito, dahil sa malaking payong na nakakabit sa mesang nasa aking harapan.

Nakaupo ako ngayon sa isang upuan, sa labas ng isang maliit at mumunting kapihan at kasalukuyang umiinom ng mainit-init pang tsaa. Nakakakalma ang halimuyak ng mainit na tsaa na humahagod sa aking lalamunan.

"Seryoso ka? Mamamahayag, sundalo, pulitiko, manunulat, sekretarya, at aprendis, lahat iyon nagawa mo na?" Ang manghang-mangha at hindi makapaniwalang reaksyon ng kakikilala ko pa lamang na kaibigang taga dito sa Britanya.

Ilang araw pa lamang ang nakalilipas mula noong dumating ako sa bansang ito. Nanggaling ako sa bansang Pransiya kaya naninibago pa ako sa mga pasikot-sikot dito.

Ang lalaking kausap ko ngayon ang tumulong sa akin noong minsang naligaw ako pauwi sa tinutuluyan kong apartamento.

Ang kanyang buhok ay maalon at kasing bughaw ng malalim at madilim na parte ng karagatan. Umaabot ang haba nito hanggang balikat at laging nakatali.

Ang mga kulay ng mga mata niya ay mistulang pilak. Maaliwalas tingnan ang mga ito at tila laging mahinahon.

Nakasuot siya ng kulay itim na amerikana at pantalon. Ganoon din ang kulay ng kanyang sumbrero na nakalapag sa mesa.

"Hindi pa nga pala ako nakakapagpakilala," ang biglang sabi niya. "Ang pangalan ko nga pala ay David, David Ricardo. Isa akong ekonomista."

Namangha ako sa aking narinig, hindi ko sukat akalain na makakakilala ako ng tulad kong isang ekonomista. Nagbunyi ang puso kong naghahanap ng kaibigang maaaring mapagsabihan ko ng aking mga hilig. Maaari niya rin akong matulungan sa pakay ko dito sa Britanya.

"Ako naman si Jean-Baptiste Say. Natutuwa akong makilala ang isang kapwa kong ekonomista."

Nanlaki ang kanyang mga mata na tila ba nagkikislapan dahil sa liwanag ng araw. Ang kanyang bibig ay napanganga na may kasamang ngiti.

"Ikaw ang Adam Smith ng Pransiya!"

"Maaari bang huwag mo akong tawagin sa palayaw na iyon." ang nahihiya kong tugon. Hindi ako karapat-dapat sa titulong iyon.

"Bakit naman? Kilala ka bilang tagapagtaguyod ng mga turo ng dakilang si Adam Smith." sagot niya.

"Oo, sang-ayon ako sa mga turo niya ngunit hindi sa lahat ng bagay." Paliwanag ko na may bahagyang ngiti.

"Siya nga pala, kamusta na ang Pransiya?" biglang tanong niya sa akin.

"Magulo pa rin dahil sa rebolusyon at dahil kay Napoleon Bonaparte. Napagdesisyonan kong dito na muna manirahan. "

Nagpatuloy ang aming masayang kwentuhan. Nakakaaliw siyang kausap. Marahil dahil iyon sa nagkakasundo kami sa maraming bagay patungkol sa ekonomiks. Ito na ang pagkakataon ko para humingi ng pabor mula sa kanya.

"David, maaari mo ba akong tulungan? Bago sana ako bumalik sa Pransiya ay nais kong malibot ang Britanya. Madalas akong maligaw kaya naman maaari mo ba akong samahan sa aking paglilibot?"

Walang halong pagdadalawang-isip na pumayag si David sa hinihiling ko. Bakas sa kanyang mukha ang galak at pagkasabik na ilibot ako sa ibat-ibang lugar sa Britanya. Tila ba nakaramdam ako ng pagkamuhi sa aking sarili. Ano ba ang iniisip ko? Hindi tama na humingi ako ng pabor mula sa kanya pagdating sa bagay na iyon.

Kinabukasan nagkita kaming muli sa parehas na munting kapihan na pinuntahan namin kahapon. Suot niya ang parehas na pormal na kasuotang nakita kong suot niya kahapon.

"Hindi ka nagbihis?"

"Nagbihis ako!" paliwanag niya. "Sadyang iisang disenyo lamang ng kasuotan ang aking isinusuot."

Oeconomica Side StoriesWhere stories live. Discover now