Nakakahiyang nahuli pa ako ni Aki na natutulog sa aking desk, ayaw ko na may masabi pa siyang hindi maganda sa akin dahil pakiramdam ko ay sawa na akong marinig ng mga sermon niya matapos ang eksena kahapon sa opisina niya.

Nang luminaw ang aking pag-iisip ay doon lamang kumalma ang aking kalooban. Sa tingin ko naman ay hindi niya ako papagalitan dahil lamang sa nakita niya akong tulog sa aking lamesa. Una, wala pa naman ang aking takdang oras ng pagtatrabaho so maari pa akong matulog kung gustuhin ko man. Pangalawa, natapos ko naman ang report na pinagagawa niya at sinigurado kong nasunod ko lahat ng mga gusto niyang ipabago sa naunang report na ipinasa ko sa kanya. Masyado lang ata akong paranoid. Napahikab maman ako ng malakas matapos ang isiping iyon.

Noon ko lang nakita ang isang puting plastik sa harap ng aking lamesa. Hindi ko ito natatandaang naroon bago ako matulog kanina. Kinuha ko ang plastic na may tatak ng isang pancake house malapit sa aming opisina. Doon ko napansin ang isang sticky note na nakadikit sa plastic.

"Take your breakfast and then you may go home. I'll see you next week.", iyon ang nakasulat sa note na nasa labas ng plastic.

Napalingon ako sa nakasarang pinto ng opisina ni Aki. Hindi ako makapaniwala na sa kanya galing ang pagkaing nasa harap ko. Wala naman kasing ibang tao akong nakitang pumasok dito sa aming opisina maliban sa kanya at isa pa ay siya lang naman ang maaaring magsabi kung pwede na akong umuwi o hindi.

Kahit na naguguluhan ay sumilay ang isang ngiti sa aking labi. Parang nabuhayan ako ng loob sa ginawa niyang ito. Mukhang may pakialam pa naman siya sa akin kahit papaano. Masaya kong kinain ang pancake na laman ng plastic na iyon. Binilisan ko na rin ang pagkain dahil gusto ko na din kasi umuwi at humiga sa aking kama.

Matapos kumain ay itinapon ko ang plastic na pinaglagyan ng pancake pero inipit ko yung note na iniwan ni Aki sa aking planner. Pinasya kong dumaan sa opisina ni Aki para makapagpaalam bago umuwi sa bahay.

Kumatok ako sa pinto ng tatlong beses bago ko ito binuksan. Nadatnan ko ang maamong mukha ng aking kaibigan na nakatingin sa kanyang laptop. Kita ko ang folder ng aking report sa gilid ng kanyang lamesa. Hindi ko sigurado kung narinig niya ang pagdating ko o sadyang ayaw niya lang ako pansinin ng mga sandaling iyon dahil hindi nawawala ang kanyang tingin sa laptop na kaharap niya.

"Ahmmm, sir uuwi na po ako.", nahihiya kong sabi. Hinihintay ko na may sabihin siya pero hindi bumukas ang kanyang bibig. Hindi ko tuloy alam kung uuwi ba ako o mananatili dahil hindi naman nagsasalita si Aki. Ang tanging pinanghahawakan ko lamang ay yung note na nakita ko kanina.

"Tska salamat po pala doon sa pancake na bigay ninyo.", wika kong muli, baka sakaling makuha ko na ang atensyon niya this time. Pero bigo ako, lalo lamang kumunot ang noo nito pero walang salita o kahit na tingin siyang ibinigay sa akin.

Lumabas na ako ng kwartong iyon. Inayos ko na ang aking gamit at naghandang umuwi. Kahit na hindi ako sigurado na nais ni Aki na umuwi na ako ay naghanda pa rin ako sa pag-uwi. Pagod na kasi ang katawang lupa ko kaya kinumbinsi ko na lang ang aking sarili na gusto nga ni Aki na umuwi na ako.

Hindi ko na namalayan ang pagbiyahe ko pauwe nang bahay. Para akong zombie na walang malay sa mga nangyayari sa aking paligid. Naramdaman ko na lang ang paglapat ng aking likod sa malambot na kama. Matapos noon ay agad akong nakatulog.

****Renz****

10:37 am, Friday

June 02

Medyo tanghali na ako nagising kanina dahil sa pagpupuyat kong makipagkwentuhan kay Kyle sa text. Nakaramdam ako ng awa ng sabihin niya na sa opisina siya matutulog dahil sa ginagawa niyang report. Napakalupit naman ng kanyang employer para pagtrabahuhin siya ng ganoon.

Love. Sex. Insecurity. (LSI)Where stories live. Discover now