Sugal nga ang pag-ibig. Malaki maningil kapag natalo ka. Hindi

ko alam kung may matitira pa sa akin pagkatapos nito. Pero wala naman akong pinanghihinayangan dahil alam ko na kahit sa mga nakaw na sandali ay naging masaya din ako. Nagkataon lang siguro na mas madami yung sakit kaysa sa saya. Malas talaga ako sa sugal kahit kailan.

Natawa na lang ako sa aking sarili.

Napansin ko ang pag-ilaw ng phone ko sa lamesa. Lumitaw ang isang mensahe mula kay Aki. Napa-buntung hininga ako ng mabasa ang pangalan ni Aki. Ilang araw ko na ring hindi sinasagot ang mga tawag at text niya.

Mula nung bisitahin niya ako sa bahay matapos ang birthday ni

Gelo ay hindi pa kami uli nagkita. Tumawag pa siya sa akin nung araw na pabalik na siya ng Davao. Mula noon ay halos gabi-gabi kaming magkausap o di kaya ay magka-text sa cellphone. Lumipas ang dalawang linggo at mukhang wala pa rin siyang balak na bumalik. Dahil doon ay di ko mapigilan ang magtampo dahil may binitiwan siyang pangako sa akin. Alam kong mali na mag-demand ako ng oras sa kanya dahil wala naman siyang obligasyon sa akin. Siguro na-frustrate lang ako na hindi ko siya makasama sa mga panahon na kailangan ko siya.

Napailing na lang ako ng maisip ang pagiging childish ko. Hindi ko na din alam ang nangyayari sa akin. Parang hindi ko na nga kilala ang aking sarili.

Sa dami ng tumatakbo sa aking isip ay di ko namalayan ang pagkaubos ng isang bucket ng beer. Nagsimula na ako umorder ng mga shot ng hard drinks.

****Aki****

11:02 pm, Friday

April 13

Wala na namang sagot. Ilang araw nang hindi pinapansin ni Kyle ang mga text at tawag ko sa kanya. Marahil ay nagtatampo siya dahil di ko pa nagagawang makabalik ng Maynila.

Naiinis ako sa mga nangyayari. Alam kong nahihirapan siya ngayon. Kahit na noong mga araw na nakakausap ko pa siya sa tawag ay lagi niyang ipinaririnig sa akin na masaya siya at ok lang siya. Pero alam kong hindi ganoon ang totoo niyang nararamdaman. Lahat ng birong alam ko ay sinasabi ko sa kanya para kahit na sa ilang sandali ay magawa niyang tumawa.

Gustong-gusto ko na siya puntahan at yakapin na muli. Ngunit hindi ko maiwanan ang trabaho ko. Nagpaalam na ako sa boss ko na nais ko ng makabalik ng Maynila. Mayroon na lamang ilang bagay na kailangan kong tapusin sa site sa Davao, bago ako makabalik. Trinatrabaho ko ang lahat para makaalis na ako dito ng maaga. Iyon ang dahilan ko kaya ko pinili na hindi muna umuwi sa Maynila.

Sana naman hindi mangyari ang aking agam-agam. Sana hindi mangyari na maagaw muli sa akin ni Renz si Kyle. Hindi ako papayag na masaktan muli si Kyle.

****Kyle****

12:38 am, Saturday

April 14

Pinipilit kong pigilin ang sarili na sumuka. Lasing na ako. Halo-halo na ang nainom ko. Nagulat ako sa sarili ko dahil nagawa kong ubusin ang lahat ng alak na inorder ko. Normally, hindi ako tatagal sa ganun karaming alak, but surprisingly i'm still able to walk.

Kasalukuyang binabagtas ng bus na sinasakyan ko ang kahabaan ng Nlex. Matapos magpakasawa sa alak ay napagdesisyunan kong pumunta sa Maynila. Hindi ako sigurado kung saan ako eksakto pupunta pero kusang kumilos ang katawan ko at pumara ng bus na biyaheng Cubao. Maaring ang isip ko ay walang ideya kung saan ako pupunta, pero ang puso ko ay itinitibok ang taong gusto kong makita ng mga sandaling iyon. Gusto kong pigilan ang nais nitong gawin dahil alam kong gagawa lamang ako ng bagong sugat sa aking damdamin na kailangan kong paghilumin kapag hinayaan kong mangyari ang gusto ng puso ko.

Love. Sex. Insecurity. (LSI)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon