Ika-labing-apat

146 10 0
                                    

Kahit ano 'atang sermon, pagsisisigaw ang gawin sa kaniya ng tiyahin, pati ng ama sa tuwing tatawag ito para kausapin siya, di niya balak makinig. Ito nga at dis-oras ng gabi, nasa labas pa rin siya ng bahay. At ang matindi pa, natuto na rin siyang magsigarilyo. Hindi nga lang 'sing lakas manigarilyo ng mga kaibigan. 'Yung kaniya e, parang pakikisabay lang din sa kung anong nakikita.

"My queen, kamusta sa bahay n'yo?" pangungumusta ni Mark sa kaniya. Nakaakbay ito at nakaupo sa gater ng kalsada, kahilera ang dalawa pang kaibigang sina Jolo at Lexa. Habang si JB, nakasalampak sa sahig sa tapat nila. Sabagay, ano pa bang dumi ang di nito nakukuha?

"Okey lang. Nakakahiya nga kay Lexa, di ko na siya nabalikan." Napangiwi ang kaniyang mga labi. "Buti nakita n'yo agad siya nu'n?"

"Siyempre naman! Kung nasa'n ang love ko, ramdam ko. Tangina, mahal na mahal ko 'ata 'to," may pagmamalaki sa boses na sambit ni Jolo, saka ginulo ang buhok ng nobya.

"Ano ka ba? Okey lang 'yun, bes. Wala 'yun." Ngumiti si Lexa sa kaniya para pagaanin ang loob.

Nakokonsensya kasi siya hanggang ngayon. Kung hindi ba naman gago ang tadhana, at pinagtagpo pa sila ng tiyahin sa loob ng simbahan, e. Dyusko, kabang-kaba siya nu'ng binabagtas nila ang daan pauwi. Walang nagsasalita. Nakakatakot ang katahimikan sa pagitan nila.

Pagkapasok na pagkapasok ng pintuan ng bahay nila, sigeng ratrat, bomba, pasabog ang bunganga ng tiyahin. Halos mabingi siya nu'n, umagang-umaga pa lang. Sayang lahat ng ginawa niyang pagpapa-good shot rito. Back to zero ulit!

Ewan niya ba, di niya talaga kayang tiisin ang isang gabi na di makakasama si Mark. Lalo't wala na siyang selpon. Nasanay na rin kasi siya sa mga kiskisan ng balat, init ng mga katawang nagmamahalan, at mga damping halik sa tuwing namamaalam, na gabi-gabing nagpapainit sa kaniya. Lahat 'yun, di niya kakayaning mawala. Ang pagpapakamundo, pagpapakaputa sa ilang oras, sa isang gabi ay hindi naman kalabisan sa buong araw na pagpapakagod, di ba?

"My Queen, baka di ka na talaga palabasin ng Tiya Jean mo, 'pag nahuli ka pa ngayon," nag-aalala ang boses ng lalaki. "Di ko kakayanin 'yun..."

"'Nu ka ba! 'Pag gusto, may paraan. 'Pag ayaw, may dahilan." Hinigpitan ni Rita ang yakap sa baywang ng nobyo. Nakasandal ang kaniyang ulo sa kaliwang balikat nito. Nakatingin siya sa mga kalsadang tila binibilang ang dumaraang tao.

"Hay naku! 'Pag nangyari 'yun, sa bahay ka na lang tumira." Malamlam ang mga mata nito at iniisip ang maaaring mangyari. Baka di na nito kayanin pa ang paglisan ng isa na namang mahal sa buhay. Di 'yun pupuwede.

Natawa si Rita sa sinabi nito. "Saka na, 'pag may trabaho ka nang matino," may biro ang tono, ngunit seryoso ang mukha niyang pagkakasabi.

Oo nga naman. Di nga naman sila kakayaning pakainin ng pa-sidecar-sidecar nito. Talong-talo ba naman kasi sa bawnderi pa lang. Wanpipti agad 'yun na malagatak. Biruin mo e, ang pupuwede lang niyang kitain sa isang araw e tatlong daan. Suwerte na kung sosobra pa. Mabuti sana kung nakakabingwit siya ng poriner. Gayong alam naman niya sa sariling di niya kakayaning makipaglokohan sa Ingles.

"Hayaan mo, 'pag ako nakapagtrabaho, queen, papaayos ko 'yong bahay. Bibili ako ng maayos na kama para 'pag bumibisita ka, makakapagtabi tayo nang nakahiga." Humalhak nang todo si JB sa pangarap ni Mark.

"Puta, putang ina, p're. Naniniwala ka talagang aasenso ka?" Halos manakit ang tiyan nito sa katatawa.

Binatukan ito ni Jolo. "Ikaw, gago ka rin, e. Wala kang suporta sa tropa. Hayop ka!" Ngunit maging ito, natatawa rin. "Pero p're, nandito naman kami ni Lexa 'pag kailangan n'yo ng tulong."

Kung sabagay, itong dalawang ito naman ang may pinakamaayos na estado ng buhay sa kanila. Si Jolo, di na n'yan balak magtrabaho. Sekyu ang tatay nito at maayos naman ang sinusuweldo. Gawa rin ng baog ang ate at di na nagbalak pang mag-asawa, kahit sa bahay lang ang ina, sobra-sobra pa ang perang naiipon kada buwan. Napakakupal na lalaki. Walang alam na gawaing bahay. Puro kaadikan ang inaatupag. Hayop. Kupal. Walang silbi.

Kung si Lexa? Nasabi ko na 'ata sitwasyon n'yan. Basta, maganda rin buhay nito.

"Oo, tropa. Salamat."

"My King, anong oras na?" tanong ni Rita. Akmang aabutin ang selpong hawak nito, at pipindutin ang lock button para lumabas ang oras, pero naunahan na siya nito.

Alas-una na. Dami pa ring tao sa kalsada. Maingay pa rin ang lugar. Kakalat-kalat ang mga asong dilat din sa oras na dilat na dilat ang ilaw na kahel sa kalye. May napapagod nang humahakbang, pero patuloy pa rin sa paglaban para mabuhay. Ganito ang Maynila. Walang oras na pinipili para kumita.

"Uy, mga p're. Si Marlon, o!" Tinuro ni JB ang gawing kaliwa ng kalsada, nasa kanto ito at naglalakad papunta sa kung saan.

"A, may diskarte 'ata siya ngayon. Tiba-tiba tayo nito bukas!" masayang wika ni Jolo.

'Pag ka kasi ganitong may raket ang kaibigan, nililibre sila ng weeds, yosi, at pagkain. Sabog na naman sila nito bukas, panigurado.

Nahalata ni Mark ang pananahimik ni Rita. Parang nay iniisip na kung ano. Parang ginagambala 'ata ng konsensya.

"My Queen, gusto mo na umuwi?"

"O-oo sana," malamya niyang sagot, nahihiya.

"Oks lang. Tara, hatid na kita." Tumayo na sila at nagpaalam.

Habang tahimik na naglalakad, na tanging pagkaskas ng mga tsinelas sa lupa, ay magkahawak ang kanilang mga kamay. Isa na namang gabi ng pamamaalam. May mga kamay na namang magbibitaw. Na kung pupuwede lang nilang patigilin ang oras sa pagtakbo, gagawin nila para lagi na lang silang magkasama. 'Yun ay kung gugustuhin nilang magutom!

Nang marating ang eskinita nila Rita, may naramdaman na siyang kakaiba. Parang may hindi tama. Parang may nagbago sa lugar, sa tapat ng kanilang isang palapag na bahay. Malayo pa lang ay kitang-kita niyang may mga gamit sa labas ng pinto. Walang tao. Walang ibang ingay kundi tahol ng aso.

"Putsa, King, kinakabahan ako." Hindi niya napigilan ang sarili sa pagbulyaw para wasakin ang katahimikan. Kahit halos bulong lamang ang pagkakasabi, malinaw na ito ang yumurak sa kalaliman ng gabi.

Narating nila ang tapat ng tinitirhang bahay. Nanlumo ang tuhod ng dalagita nang makita ang mga gamit na nakasalansan sa dalawang malalaking bag. Makailang beses siyang napamura sa loob-loob. Kabado. Namamawis. Di malaman ang gagawin. Di makapag-isip nang maayos si Rita.

Saan siya tutuloy ngayong gabi? Ano na lamang ang sasabihin ng ama 'pag nalaman ito? Uuwi na lang kaya siya sa probinsiya? Tang ina naman kasi. Ilang beses na siya nitong pinagbigyan. Ilang beses na siya nitong pinatawad. Pero anong ginagawa niya? Ayun, hala, sige pa ring layas. Sige pa ring lakwatsa na akala mo e mauubusan ng tite.

Kaya ngayon, di niya magawang tumayo. Nanghihina ang kaniyang tuhod habang inaalo ang kaniyang likod ng nobyo. Nakaupo sila sa stall sa harap ng tindahan. Parehong nag-iisip ng solusyon, ng mga susunod na hakbang na maaaring gawin. Anu't ano pa man, kailangan niya ngayon ng maayos na matutulugan.

NAPASUBODonde viven las historias. Descúbrelo ahora