Ikaapat

428 14 3
                                    



"Sinabi nang singkuwenta 'yun, e!"


"Benta nga lang inabot mo! O, o, tingnan mo kung may singkuwenta d'yan."


Unti-unting binuklat ni Rita ang mata. Nagtataka sa naririnig na pagtatalo ng dalawang boses. Dahan-dahan siyang umunat, saka bumangon sa katreng sinapinan ng manipis na kutson.


Maliit lang ang bahay. Maluwag na rin para sa dalawang tao. Sa gitna ay may maliit na sala, lakad paabante galing pinto, naroon ang kusina sa likod ng kurtina, may maliit na lababo 'yun katabi ng cr na may basag-basag na tiles. Walang bintana pero pumapasok ang liwanag ng papatirik nang araw sa maliliit na butas ng grill ng tindahan sa harap, sa gilid ng pinto. Iisa lang ang kuwarto. Pinaghahatian nilang dalawang magtiyahin. May isang katre, sa tapat nu'n may lamesitang may maliit na santo at salaming nakasabit sa taas nito. Malinis. Lahat ay nakaayon sa dapat paglagyan.


Lumabas siya ng kuwarto na kakamot-kamot ang ulo. Sinalubong siya ng tingin ng Tiya Jean. Nakabusangot ang mukha nito at halata ang pagkabuwisit sa kausap. Tuloy pa rin sa pagdadaldal ng manong na hubo ang pang-itaas, na umagang-umaga e lango sa alak. Tutumba-tumba pa ito at di kayang tumayo ng diretso. Lawlaw ang shorts. Malaki ang tiyan. Di maintindihang masyado ni Rita ang sinasabi ng manong dahil kinakain nito ang kaniyang mga salita. Ang gandang almusal, ika niya.


"Ta, ako na bahala d'yan." Lumapit si Rita sa tiyahin nang maalalang di pa pala siya nakakapaghilamos. "Ay! Saglit lang pala." Mabilis niyang tinakbo ang banyo. Binasa ang mukha, sinabunan, nagbanlaw, saka humarap sa salaming nakasabit sa pader habang nagsisipilyo.Pagkabalik ng dalaga, humihigop na ng kape ang tiyahin.


"O, ikaw muna dito, Rita. Ako na lang magsa-sangag. Wala akong gana ngayon makipag-usap." Hawak-hawak nito ang baso sa kanan, ang kaliwang kamay naman ay hinihimas-himas ang nananakit nitong batok, naglalakad patungong kusina. Dudurugin nito ang kaning-bahaw, bubuksan ang gasul, magdidikdik ng bawang, at nang tuluyang mangamoy ang nasusunog na kawali, bawang at mantika ay ilalagay nito ang nilamutak na kaning-bahaw, hahaluin at hahayaang masunog o matutong saglit bago patayin ang gasul.


Batid ni Rita na di maganda ang umaga ng tiyahin. Alam niyang isa lang ang magpapakalma dito. Isang bagsak ng kahit anong kanta ng The Carpenters! Tingnan lang natin kung hindi maging smooth muli ang paghigop nito ng kape, habang nakaupo sa sopang may malinis na saping sadyang pinatahi, matulala, at mahinang bumulong ng liriko, sumabay sa boses ng paboritong banda.


Binuksan niya ang bluetooth speaker. Kinonek ang selpon niya at pinatugtog ang isang album na puro kanta ng The Carpenters. Parang magic na tumahimik ang lahat sa tainga ng tiyahin. Kumalma ang naninilim na langit. At ang kulog, kidlat, maging ang marahas na hangin ay napaamo. Mapapaupo ang tiyahin at mayamaya, maririnig na lamang niya itong humihilik.


KATATAPOS LANG NILA kumain ng tiyahin. Habang binubuksan ang isinaradong maliit na mala-bintanang nagsisilbing abutan ng bayad at sukli, papalibutin niya ang dila sa loob ng bunganga. Nangangati. Parang naniniksik ang tinga, may inaabot, o kinakalikot.


"Rita, nagbayad na ba si Mareng Abi?" tanong ng tiyahin habang naghuhugas ng kamay sa lababo. "Dinaan lang ako sa chika-chika, ta's uutang lang pala ng sardinas. May tatlong araw ko na ding di nakikita 'yun, a." Pinatay nito ang gripo at nagpunas sa suot na mahabang pulang bestida.

NAPASUBOWhere stories live. Discover now