Ikalawa

559 20 2
                                    




Lagpas alas-sais na, namamahinga si Mark at mga kaibigan sa tapat ng isang tindahan. Kanya-kanyang hithit ang mga kupal ng yosi pagtapos uminon ng ice tubig na lasang singaw ng ref. 


Kagagaling lang kasi nilang basketbolan. Pagod ang mga katawan nila at halata ang panlalata, panghihinayang, pagkabuwisit, lahat-lahat na. Ikaw ba naman magpabilad sa arawan ta's matatalo lang kayo dahil sa isang kakampi? 


Doon sila naglaro sa maliit na plaza sa gitna ng iskuwater erya sa kabilang baranggay, half-court lang 'yun. Bale tatluhan lang talaga ang kaya dahil masyadong masikip 'pag lima na. Ang unang naglaro, si Mark, Jolo at Marlon. Okay, panalo. Kaso napilayan 'tong si Marlon, namali ang bagsak dahil may natapakang bato. Aray!


Sub! 


Wala silang nagawa kundi ipasok 'tong lalampa-lampa nilang kaibigang si JB. Ewan ko ba d'yan. Di na marunong magbasa, magsulat, wala pang talent. Kaya itong si JB, laging nabu-bully, e. Utusan, nababatok-batukan, sinasaktan maging pabiro o hindi, alipinin, asarin at sa lahat ng 'yun, sa di malamang dahilan, patuloy pa rin siya sa pagtitiyaga sa mga kaibigan. Sabagay, nabibigay naman nito ang mga kailangan niya.


At ayun nga, natalo sila. Sunud-sunod na laro ang talo. Di lang yata singkuwentang mura at paninisi ang natanggap ni JB. Nandoon ang duduruin siya ni Jolo. Sasampalin ng iika-ikang si Marlon saka susuntukin sa braso. Paulit-ulit 'yun bago sila matambay rito sa tapat ng tindahan. Buti na lang, e itong si Mark, kahit TESDA graduate lang, matino mag-isip kumpara du'n sa dalawang may sapak mga ulo. Ayaw niya sa kaharasan. Pero tulad ng iba'y di siya perpekto. May tinatago siyang mga sikreto.


"P're, may dos ka pa?" tanong ni JB kay Jolo na tulala sa cellphone.


"Wala, e. Tangna mo, pina-ice tubig ka na, pinayosi ka pa? Ano pang gusto mo?!" Naaalibadbaran ang mukha ni Jolo, dahilan para bumusangot ang makinis nitong mukha, matangos na ilong, at ang nangingitim nang labi dahil sa pagkaadik sa sigarilyo.


"Iisa pa sana ako. Di na ako nakukuntento sa isa, p're." Parang nagmamakaawa ang mukha nito habang naglalaro ng mga maliliit na bato sa kamay.


"Kupal! Magtrabaho ka kasi." Galit na galit ang mukha ni Marlon.


Jusko, kung makapagsabi akala mo talaga matino, akala mo talaga sa malinis na paraan kumukuha ng pinapangkain, akala mo di nagbebenta ng bato. Sus, lahat 'yun, tumakbo sa utak ni JB pero di niya masabi. Sila-sila na nga lang, e. At ano ba naman kung kunsintihin niya 'to gayong nakikinabang naman siya? 


"Gusto mo lahat, bigay lang. Asa ka lang sa bigay. Di ka marunong gumawa ng diskarte mo!" pagpapatuloy nito.


Itong si JB, tumahimik na lang. Nagbingi-bingihan na lang sa mga sinasabi ni Marlon. Sanay na rin siya, e. Sa bahay pa lang, di na biro ang pagtitiis niya sa pag-aalmusal ng pitomput-pitong putang ina pagkagising pa lang. Iba pa ang tanghaliang pagbabasagan ng eardrums sa tirik na araw. Siyempre, mahirap lang sila kaya walang meryenda. Diretso agad hapunang sumbatan, murahan ulit, at kung susuwertihin, mapapalayas siya sa sobrang buwisit ng ina niyang iniwan ng mas batang kasintahan kamakailan lang.

NAPASUBOTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon