Ikawalo

198 8 0
                                    


Alas-Diyes na ng gabi, tahimik ang eskinita, at ang buwan ay tahimik na nagmamasid, na natatakpan ng maninipis na ulap habang ang mga bituin, di muna magpapakita ngayong gabi. Samantala, si Rita at Mark, nakaupo sa mahabang istol, sa tapat ng sarado nang tindahan.

Wala ngayon ang mga kaibigan nila. Sikreto ang kalandiang 'to. Mas minabuti nilang dalawa na 'wag nang ipaalam. Baka kako isipin nilang may namamagitan sa kanila. 'Wag nga naman natin pangunahan. Naglalandian pa lang naman.

"Okey ka lang?" Binasag ni Rita ang katahimikan. Tinitigan niya ito saglit bago ipaling ang atensyon sa ibang bagay.

"Oo naman!" magiliw ang sagot nito sa kaniya ngunit halata ang lungkot nito sa mga mata, "okey lang ako. Ikaw ba? Sabi ni Lexa, taga-Tacloban ka talaga?"

"A, oo. Kapatid ni Papa 'yang si Tiya Jean. Namatay kasi asawa. 'Yung mga anak, me sari-sarili nang buhay," aniya sabay pinadako ang paningin sa nakalaylay na sampayan ng kapitbahay. "kaya heto, pinapunta 'ko dito ni papa, para daw may kasama si Tiya Jean sa pagtitinda."

"Kumusta naman?"

"Sa mahigit tatlong buwan ko dito, nakakulong lang ako sa bahay. Wala ako naging kaibigan. Buti na nga lang e nakilala ko 'tong si Lexa." Naging masigla ang pagbanggit niya sa pangalan ng kaibigan, na tinuturing niya ngayong bespren.

Tumawa muna ito. "Oo nga, kundi dahil kay Lexa, di ako makakakilala ng babaeng kasing ganda mo." Nangintab ang mga mata nito habang pinagmamasdan ang tungkil ng matangos na ilong, maamong mukha na mas lalo pang pinagpaliwanag ng kulay lupang mga mata. Ibinaba nito ang paningin sa kulot sa bandang dulo ng buhok.

"Che! Nambola ka pa." Iniwas ni Rita ang tingin. Ayaw niya kasing makita nito ang pamumula ng mukha.

Katahimikan muna ang namayani sa pagitan nila.

"Ikaw ba, kamusta? Kuwento ka naman!" masigasig niyang tanong.

Bumuntong-hininga lamang ito. "Wala naman akong dapat ikuwento."

"Tsss..." Napailing na lamang siya.

Kung tutuusin, dami nitong gustong ikuwento. Wala nga lang itong lakas ng loob. Para siyang supot na bata na natatakot magpatuli. Ayaw rin kasi nitong kinaawaan kaya sa tuwing malungkot, o badtrip 'pag naaalala ang gagong ama at ang sitwasyon nila ngayon ng ina, magpapakasabog na lang siya, lulunurin ang sarili sa tama ng damo.

"Nga pala, di ba apat kayong magkakaibigan? Ba't di ko nakikita 'yung isa?" tanong ng dalaga.

Nilingon nito si Rita at sinubukang paliwanaging muli ang mukhang nakabusangot. "A, si Marlon? Laging busy 'yun. Me anak na kasi. Minsan lang din namin siya makasama. Pero 'pag nakasama namin 'yun, solid! Wantusawang joints, sabay pudtrip..."

Natigilan ito. Tila may gusto pang sabihin, ikuwento sa kaniya. Ngunit muli, sa pang-ilang beses ngayong gabi, pinigil nito ang bibig sa pagsasalita. Ewan, di nito ramdam kung dapat nga bang kinukuwento nito ang buhay ng ibang tao. Ayaw nitong gawin sa 'yun sa sarili, kaya di rin nito gustong gawin sa iba.

"Gusto ko ng balut," aniya saka ngumuso.

"May alam akong bilihan, kaso... 'la akong arep." Mapait ang ngiti nitong ibinigay matapos magwika.

"Go lang. Sagot ko." Ngumiti siya nang malawak.

Sa tagal na niya rito sa Maynila, isang beses pa lamang yata siya nakatikim ng balut dito. Di naman kasi siya lumalabas ng bahay, e. 'Yung unang beses na 'yun, nu'ng unang buwan niya pa dito, nu'ng pinasalubungan siya ng tiyahing galing sa piyesta. Kaya ito, laway-laway siya ngayon sa lasa nito.

Nagsimula silang lumakad sa madilim nang eskinita. Naro'n ang tatahulan sila ng mga aso na tahimik na sanang natutulog, ngunit nagambala ng ingay at amoy na dala ng dalawa. Sa dulo n'yon, lumiko sila at napalabas sa kalsada. Mga tatlong tambling malapit sa kanto, nandu'n na si Mang Boy na nagtitinda ng balut.

"Magkano po balut?" tanong ni Rita.

"Bente, 'neng. Kagabi-gabi na-a, e nandito ka pa sa laba-as," sagot nito nang nagtataka. Kumpare at kababayan nito ang yumaong tiyuhin kaya pati siya, malamang e kilala nito.

"Naglaway po kasi ako bigla sa balut, 'nong." Inabot niya ang pera sa ginoo. "Ikaw, Mark? Ano sa'yo?" Nilingon niya ang lalaking tahimik na nakikinig sa usapan nila.

"Ay! Di ako nakain ng balut. Yosi na lang akin?" nahihiya nitong sabi.

Binigyan niya ito ng bente. Tumalikod naman ito kaagad at dumiretso sa di kalayuang tindahan. Samantala, sarap na sarap siya sa paghigop ng sabaw ng balut na nilagyan niya ng maanghang na suka at kaunting asin. Sa tuwing tatanungin ng ginoo tungkol sa tiyahin, pangungumusta nito at pagkukuwento ng kung anu-ano, tanging pagtango at pag-ungol lamang ang kaniyang tugon. Kulang na lang 'ata e pati 'yung balat, kainin niya. Walang tira pati 'yung matigas na parte ng balut, pinapak niya, e.

Mayamaya, nakilala niya ang pamilyar na amoy ng yosi ng taong dumating, si Mark, dala ang isang malaking ice tubig. Patuloy na nagpapausok, daig pa tambutso ng gago sa baho ng buga. 'Yun lang naman ang kinaiirita ni Rita sa lalaki. Bukod du'n, pakiramdam niya, e, magkakasundo na sila.

"Putang ina! Putang ina!" Nagulat si Rita sa malulutong na mura ng binata. Nabitawan nito ang ice tubig na hawak sa biglaan, mabilis na pagtakbo. "Marlon! Marlon!"

Dinig niyang napapamura ito habang tinatakbo ang kanto. At kita niya rin kung paano binigyan ng huling bigwas ng mga kupal itong si Marlon. Kinakabahan siya nu'n. Alam niyang may nangyayaring masama. Dala na rin ng kuryosidad, sumunod siya sa kantong tinakbuhan ni Mark. Mabilis. Hihingal-hingal. Walang arte kahit nagtatalsikan sa bawat yapak ang mabahong tubig-kanal na umapaw sa kalye.

"Marlon, puta, ano 'yun? Bakit ganu'n?"

Nakita niya sa gawing kanan si Mark, sa gilid ng gater. Inaalalayan nito ang isang lalaki, si Marlon, ayon sa pagkakabanggit ni Mark. Nagtumpukan ang mga tao sa paligid, kasama ang mga asong maingay na tumatahol.

"Ano'ng nangyari, Mark?" nag-aalalang tanong niya sa binatang pilit pinauupo ang duguang kaibigan sa gater.

"D-di ko alam dito sa gagong 'to." Dismayado at nanginginig ang boses ni Mark. Mabuti na lamang at nakilala nito agad ang binubugbog na kaibigan. Kung hindi siguro, malamang e sa burol na sila magkikita-kita. "Ano na naman ba pinasok mong gulo?"

"Wala 'yun, 'tol. Ako nang bahala sa mga ungas na 'yun." Pinahid nito ang dugo sa bibig at nang makita ang likido, at maramdaman ang mga sakit sa katawan, sa mukha, napailing na lamang ito. Sa loob-loob ay gustong gumanti. Nagngangalit. Gustong nitong hamunin ng isahan ang mga kupal na bumugbog sa kaniya.

Nagsi-balikan na ang mga tao sa kani-kanilang ginagawa. Naramdaman sigurong wala na silang mahuhuthot na chismis, o makikitang round two ng basag ulo. Ba't nananatiling kupal 'tong mga 'to? Nakakaamoy kung saan may gulo, kung saan may puwedeng pag-usapan. Mga tao nga naman, o.

"A, e, Mark... mauna na ako. Anong oras na rin pala," nauutal-utal niyang putol sa usapan ng dalawang magkaibigan.

"Oo nga. Saglit, hahatid na kita." Di na siya tumutol. Parang natakot siya sa seryosong mukha nito, na ngayon lamang niya nakita. Nakakatakot rin pala itong magalit.

Pero bago 'yun, bago siya nito ihatid sa kanila, pinasakay muna nila ng motorsiklo 'tong si Marlon na halos di makalakad ng maayos dahil sa iniindang sakit ng katawan. At kung bakit, bukas na lamang aalamin 'yun ni Mark.

NAPASUBOWhere stories live. Discover now