Chapter 4: Past is . . . Past?

Start from the beginning
                                    

Biglang bumukas ang pinto.

"Pag-uwi mo, maglinis ka ng kuwarto, ha! Kukurutin ko 'yang singit mo 'pag binalewala mo na naman ang salita ko sa 'yo!"

Sumimangot na lang ako dahil ganyang-ganyan din ang sasabihin ko sa sarili ko kung sakali man. Naiirita ako sa mga kalat!

"Opo na po."

Kumuha na lang ako ng towel sa cabinet at dumeretso sa banyo.



*****



Ano ba 'to? Nasaan ba talaga 'ko? Alam ko namang nasa bahay ako ngayon pero bakit nandito si Mama? O baka panaginip lang dahil sa sobrang pag-iisip?

Pero parang totoo.

Hindi naman ako nagda-drugs. Hindi naman ako nakahithit ng rugby. Kakakain ko lang ng hapunan kaya hindi puwedeng gutom lang 'to. Siguro, expired na talaga yung noodles. Kailan ko ba binili 'yon?

Lumabas na 'ko ng banyo at bumalik sa kuwarto para magbihis. Hindi ako makapaniwalang susuotin ko ulit ang luma kong uniform. First day of school pa yata namin ngayon. Fourth year high school dapat ako kung totoo nga ang nasa kalendaryo.

Pinagsisisipa ko lahat ng kalat sa gilid. Hindi ako makahinga sa dami ng basura. Nakakalat ang mga clip at mga makeup sa dresser table pero hindi ko ginamit. Magmumukha lang akong ewan. Sinuklay ko lang nang kaunti ang medyo basa ko pang buhok at pinatuyo ulit gamit ang towel. Hindi na 'ko sanay sa mahabang buhok. Kinuha ko na ang bag kong kulay pink pa at may tatak na Barbie at saka ako bumaba ng kusina. Hindi na 'ko natutuwa sa Barbie. Tanggap ko pa kung plain na pink lang ang bag ko at walang mukha ng kung sinong prinsesa.

Naabutan ko sa kusina si Papa habang nagkakape at si Mama na busy sa paghahanda ng almusal.

Ang totoo, galit ako kay Papa. Napagod akong magalit pero hindi ibig sabihin n'on e nakalimot na 'ko. Namatay si Mama sa sama ng loob dahil sa kanya. Kung hindi siya nambabae, buhay pa sana si Mama ngayon.

"Aray!" Nawala ako sa focus at natauhan lang nang paluin ni Mama ang balikat ko. Napahawak tuloy ako sa pinalo niya.

"Bakit ganyan ka makatingin sa Papa mo?" masungit na tanong ni Mama.

"Kasalanan niya kasi kung bakit ka—" Napahinto ako at napahugot ng hininga sabay buga. Tiningnan ko si Papa. Nagtataka siyang nakatingin sa 'kin.

"Kasalanan ko ang ano, Stella?" tanong pa ni Papa sa 'kin bago humigop ng kape.

"Wala," matamlay kong sagot. Umupo na lang ako at kumuha ng tinapay. Matagal na rin noong huli kong nakasama sa iisang mesa si Papa. Hindi naman na kasi siya umuuwi, hindi rin siya nagpapakita nang madalas. Kung sakali man, mag-aabot ng pera, aalis din agad. Hindi na niya 'ko mauuna dahil may iba na siyang pamilya.

"Stella," pagtawag ni Papa pero hindi ko pa rin siya tiningnan.

"Po."

"May problema ka bang hindi sinasabi sa 'min?"

Susubo na sana ako pero natigilan ako. Tinulalaan ko muna ang mga nakahain sa mesa bago ako sumagot.

"Wala ka namang pakialam sa kahit anong problema ko," mahina kong sinabi at saka isinubo ang tinapay na hawak ko.

"Anak, may sakit ka ba?"

Umiling na lang ako sa tanong. Nawalan na 'ko ng gana. Ang plastik ng tanong samantalang wala naman siyang pakialam kahit mamamatay na 'ko.

"Male-late na 'ko, ikaw, at si Mama sa trabaho 'pag pinag-usapan pa natin 'yan. Masyadong mahalaga ang oras para sayangin ko pa."

Tumayo na 'ko. Nakita ko ang mga reaksyon nila na hindi sila makapaniwala sa mga ikinikilos ko.

"Ihahatid n'yo po ba 'ko?" tanong ko pa.

"Oo naman," sabi ni Papa.

Umalis na 'ko sa kusina, kinuha ang gamit ko sa sala, at dumiretso sa kotse. May-kaya kami kaya may kotse si Papa. Hindi ganoon kagara, lumang modelo pero, at least, may kotse.

Nasa backseat ako pumuwesto. Dumeretso si Mama sa passenger seat at si Papa naman sa driver's seat. Napansin kong ang weird ng mga tingin nila sa 'kin.

"Hindi ka nag-ipit. Wala ka ring makeup. Nagkagalit ba kayo ng mga kaibigan mo?" tanong pa ni Mama.

"Wala po akong balak magmukhang clown at Christmas tree sa first day ng klase. At isa pa, sinong kaibigan?" tanong ko agad sa pinaka-bitter na paraang magagawa ko.

Nagkatinginan sina Mama at Papa.

"Sabihin mo lang kung may problema ka sa school, 'nak. Nag-aalala kami ng Mama mo sa 'yo" paalala ni Papa habang ini-start ang kotse.

"Kaya ko ang sarili ko," bulong ko, at tumingin sa labas ng bintana. "Ilang taon ko nang kinakaya ang sarili ko."

Naroon pa rin ang mga weird reaction nila na parang may mali sa 'kin. Sa bagay, hindi sila sanay sa ganitong ugali ko. Though, mas spoiled brat naman ako noon kaysa ngayon.

Nag-drive na si Papa. At dahil walking distance lang naman ang dati kong school sa bahay namin, wala pang ilang minuto, nasa eskuwelahan na 'ko.

Bumaba na ako pati si Mama.

"Makinig ka sa teachers mo, ha! 'Pag bumagsak ka na naman ngayong taon, humanda ka sa 'kin!" sermon ni Mama. Lumapit siya sa 'kin at hinalikan ako sa noo. "Mag-aral kang mabuti. At yung barkada—"

"Iiwasan ko na sila. Kailangan at dapat. I . . ." Humugot pa ako ng hininga bago ko ituloy ang gusto kong sabihin. "I love you, Ma. Na-miss kita, sobra."

Niyakap ko siya nang mahigpit. Sobrang higpit. Yung yakap na parang huli na. Na kapag hindi ko ginawa, wala nang chance para ulitin ko pa. Baka kasi kapag natapos ang panaginip na 'to, hindi ko na naman siya makita.

Nagsisisi ako sa lahat. Lahat ng sama ng loob na ibinigay ko sa kanya. Sa katigasan ng ulo ko. Sa mga bagay na dapat hindi ko ginawa o hindi ko dapat sinabi—nagsisisi ako sa lahat.

Kung puwede lang magbago noong nabubuhay pa siya, sana ginawa ko na. Sana noon pa lang, ginawa ko na lahat.

"Mahal ka rin ni Mama, 'nak."

Bumitiw na 'ko sa pagkakayakap at tiningnan ulit siya nang maigi. Gusto kong umiyak.

Dati, nangyari na 'to. Ang kaso, hindi pa niya 'ko hinahalikan sa noo, itinulak ko na siya palayo at pinilit ko siyang bumalik sa kotse.

Ayokong mapahiya sa mga estudyante sa school kaya ko 'yon ginawa.

Ayoko ko lang mapahiya pero mas pinagsisihan ko pa 'yon nang sobra. Kaya ngayon, kahit sa paniginip na 'to, gusto kong baguhin ang mga pagkakamaling nagawa ko noon.

"Pumasok ka na," utos ni Mama. Tumango na lang ako. Pinanood ko siyang sumakay sa kotse. Kumaway ako sa kanila habang umaandar ang kotse palayo sa 'kin.

Pakiramdam ko, hindi na sila babalik pa. Nalulungkot lang ako. Ito kasi ang huling beses na nagpahatid ako sa kanila sa school. Pagkatapos n'on, hindi na naulit pa. And never nang mauulit.

Kung panaginip 'to, sana hindi na matapos pa. Buhay si Mama. Kasama namin si Papa. Iyon lang, masaya na 'ko.

Pero sa totoo lang, ang tagal naman ng panaginip na 'to.

Parang totoo na.


###

When It All Starts AgainWhere stories live. Discover now