Prologue

29.4K 626 18
                                    

PANAY ang sulyap ni Marquine sa kanyang Mommy Rica at sa step-dad niya na si Andrew Yuzon na katabi ang anak na si Xian at Fritzy. Mga kapatid niya sa ina.

Nang mga sandaling iyon ay naghihintay na lang sila sa pagbubukas ng Boarding Gate sa airport na kinaroroonan nila patungo sa Italy.

At kanina pa rin nangangati ang puwit niya na tumayo na sa kinauupuan habang may oras pa. Dahil oras na umalis na sila sa bansa ay wala ng planong bumalik ang Daddy Andrew niya. Gusto na nitong mag-stay for good ang buong pamilya sa Italy, since naroon naman ang trabaho nito. At dahil parang tunay na anak na rin ang turing nito sa kanya kaya naman kasama siya sa planong iyon. Bagay na ayaw niyang mangyari. Ilang beses din nilang pinagtalunan iyon ng kanyang ina.

"Mommy, punta lang po ako sa CR," paalam niya rito nang tumayo siya.

"Okay. Bilisan mo, Marquine. Anytime soon ay magbubukas na ang gate."

Tumango siya. "Opo."

Nang maglakad siya palayo sa mga ito ay kinipit niyang mabuti ang shoulder bag sa balikat niya. Naroon ang mahahalaga niyang dokumento pati mga ATM Card kung saan nakalagay ang ipon niya.

Dumiretso siya sa CR at doon ay mabilis ang mga kilos na isinuot ang itim na jacket na may hoodie. May kalakihan ang hoodie niyon kaya naman nang isuot niya sa ulo niya ay halos hindi makita ang mukha niya.

Time is ticking, kaya naman matapos ayusin ang sarili ay lumabas na rin siya ng CR na animo isang pugante na may tinatakasan sa batas. Sakto naman na nag-announce na bubuksan na ang boarding gate na papunta sa Italy. Mabibilis ang bawat hakbang na nilisan niya ang lugar na iyon. Ni hindi niya nilingon ang kinaroroonan ng kanyang ina.

Nang makalayo-layo ay halos habol pa niya ang paghinga nang lumingon siya sa pinanggalingan habang sige pa rin sa paglalakad.

Buong-buo na ang desisyon niya. Hindi na siya sasama sa Italy. Mas gusto niyang manatili rito sa Pilipinas. Malaki na siya at alam niya ang consequence na maaaring mangyari dahil sa naging desisyon niya.

"I'm sorry, Mommy," anas niya.

Napakurap-kurap pa siya nang matanawan si Xian sa hindi kalayuan na tila may hinahanap. Sa takot na makita nito ay mas binilisan pa niya ang paglalakad na panaka-naka ay lumulingon sa pinanggalingan.

Ngunit sa muli niyang pagpaling sa unahan niya ay hindi na siya nakaiwas pa sa makakasalubong.

Napasinghap siya nang bumunggo siya katawan ng matangkad na lalaki. Malakas ang impact na ikakatumba niya sana, mabuti na lamang at mabilis ang naging kilos ng lalaki para masalo siya sa baywang niya.

Habol pa rin niya ang paghinga nang mapadako ang tingin sa naturang lalaki na ilang pulgada lang ang layo ng mukha sa kanya.

Bigla ay may kung anong kaba sa dibdib niya nang matitigan ang guwapong mukhang iyon. Mukha na alam niyang bibihirang makita ng sino man. Tipong sa mga nobela na lamang nag-i-exist.

"Ate Marquine!"

Sa gulat nang marinig ang boses ni Xian ay nahigit niya ang damit nang lalaki. Ang balak niya sana ay para makatayo siya ngunit hindi iyon ang nangyari. The next thing she knows, their lips landed to each other!

Pero bago pa siya malunod sa mga nangyayari ay mabilis siyang kumilos para maibalik ang balanse at mailayo ang labi rito. Ang lalaki na tila nagulat din sa nangyari ay mabilis na umayos ng tayo at dumistansiya sa kanya.

"You-"

"Hindi ko sinasadya. As you can see, aksidente ang nangyari," mabilis na depensa ni Marquine nang maningkit ang mga mata ng lalaki. "I'm sorry," aniya na mabilis na itong nilampasan. Baka maabutan pa siya ni Xian at baka tirisin pa siya ng nakabunggo na lalaki na mukhang hindi nagustuhan ang nangyari.

Nahawakan niya ang labi na kailanman ay hindi pa nahahalikan ng kahit na sinong lalaki.

"Haist. Pambihira talaga ang araw na ito. Lord, 'wag niyo po akong pababayaan," hiling pa niya.

Halos takbuhin na niya ang palabas sa airport. Habang abot langit ang panalangin na sana ay magtagumpay siya sa planong pagtakas.


A Love To Last A Lifetime | Published Under LifebooksWhere stories live. Discover now