Agad niyang inilipat sa ikalawang pahina ang diary at napabuntong-hininga muna ang dalaga bago binasa iyon.

"'Kamamatay lang ng aking biyenang si Don Hernando kaninang alas-dos ng madaling araw sa sakit na lung cancer. At napakasakit sapagkat hinintay lamang niya akong makausap bago siya tuluyang pumanaw. At sa pag-uusap naming iyon, isang lihim ang kailangan komg tuklasin. Hindi ko ito nasabi sa aking asawa't mga anak sapagkat alam ko ang panganib na kaakibat niyon.'"

Lingid sa kaalaman nilang lahat, nauulinigan ni Angela ang bawat katagang binabasa ni Fate sa diary.

Hintayin n'yo lamang akong gumaling. Makakatulong ako sa paglutas sa dalawang pagpatay sa mga pamilya natin. Please just wait for me...

At patuloy pa rin sa pagbabasa ang dalaga.

"'Ang mga sulat na kasama ng diary ay ang tanging daan upang lubusang maintindihan ng buong angkan ng mga dela Vega at Cervantes ang nilalaman ng diary na pag-aari ng magkapatid na Alfonso at Victoria Cervantes noong ikalabing-anim na siglo.'"

Bumaha ang pagtataka sa mukha nilang lahat. Sina Don Javier at Don Carlos naman ay nanatiling pormal ang ekspresyon ng mga mukha.

At si Fate, kahit na nagtataka ay nagpatuloy pa rin.

"'Ano mang paglilihim ko, alam kong malalaman pa rin ng aking pamilya ang mga bagay na ito. Kaya naman hahayaan ko na munang nakatago ang diary kong ito upang kahit na hindi ko habang-buhay na mailihim ang lahat, magagawa ko muna silang ilayo sa nakaambang panganib.'"

"Tungkol ba saan ang diary ns binabanggit diyan ni Mama?" hindi nakatiis na tanong ni Nathan.

Subalit hindi umimik si Fate at itinuloy na lamang niya ang ginagawa.

"'Ang diary na pag-aari ng magkapatid na Cervantes ay naglalaman ng mga impormasyon tungkol sa tunay na lokasyong kinalalagyan ng nalalabi pang yaman ng dalawang angkan ng mga rosas. Ito ay ang yamang kanilang iningatan sa loob ng ilang libong taon na rin na ipinamana sa kanila ng kanilang ninuno. At nakasisiguro ako na ito ang magdadala sa aming lahat sa aming kamatayan... sa kamatayan ng lahat ng miyembro ng dalawang angkan ng mga rosas.'"

Ang lahat ay walang masabi sa narinig.

Hindi makapaniwala sa nalaman at ngayon ay hindi tuluyang makapag-isip kung ano ang tamang sasabihin o reaksyon.

Isinara muna ni Fate ang diary at muling inilagay iyon sa kahon kung saan naroon ang mga sulat na kasama niyon.

Matapos i-lock iyon ay hinarap niya ang mga kasama.

"So ano na ang gagawin natin?" kapagkuwa'y tanong ng dalaga.

Kibit-balikat lang ang tugon ni Joel.

Binalingan naman ni Alexis ang ama.

"Dad, alam ba ninyo ang tungkol sa bagay na ito?"

"Matagal ko nang alam ang tungkol sa diary na tinutukoy ni Isabella. Pero hindi ko kailanman naisip na maaari tayong mapahamak sa sikretong dala niyon."

"Isa lang ang sigurado na natin ngayon. Hindi na tayo titigilan ng mga kalaban natin, lalo na ang mga taong may alam na tungkol sa diary na tinutukoy ni Tita Isabella."

"Fate, iyon lang ba ang nakasulat sa diary ni Mama?" tanong ni Cecille.

"Hindi ko alam. Dahil ang binasa ko kanina ang dapat na unang pahina. Pero nang ilipat ko sa kabila ay napansin ko na may pinunit na mga pahina roon."

"Ibig sabihin, marami pang nakasulat sa diary pero itinago ang iba pang pahina. Pero bakit ginawa iyon ni Mama?"

"Kung ano man iyon, mukhang matatagalan pa bago natin makuha ang kasagutan. Hindi ganoon kadaling hanapin iyon lalo pa't nasa ganitong kalagayan si Ate Angela," wika ni Nathan sabay sulyap sa kinahihigaan ni Angela na kasalukuyang mahimbing ang pagkakatulog.

"Ang mabuti pa, sina Kuya Alexis at Kuya Joel na lang ang humawak ng dalawang diary. Sila na lamang ang mag-aanalisa ng mga pangyayari tungkol sa nawawalang diary. Sina Kuya Joaquin at Kuya Aaron naman ang magpatuloy sa pag-iimbestiga sa nangyari kay Ate Angela," suhestiyon ni Elizza.

"Siguro nga, mas mabuti pang ganoon na lang muna habang nasa alanganin pa ang lahat ng pangyayari sa mga pamilya natin."

Silang lahat ay tumayo na at ibinigay ni Fate ang kahon, ang dalawang diary at mga sulat sa dalawang panganay ng pamilya.

At sa pagkakahawak ni Alexis sa kahon at sa dalawang diary, nskakapangilabot na ihip ng hangin ang pumalibot sa loob ng silid ni Angela.

Mama, kung nandito ka man sa tabi namin. Don't worry. Gagawin namin ang lahat upang malutas ang misteryong nakapalibot sa pamilya natin.

✔ | CHRONICLES OF THE ROSES BOOK 1: I Won't Ever Leave YouWhere stories live. Discover now