Chapter 14

4.6K 189 96
                                    

Maaliwalas ang kalangitan. Ang mga ulap ay tila kumakaway sa akin habang pinagmamasdan ko sila. Lulan ako ng isang duyan na nakatali sa isang matabang sanga ng punong mangga.

Malamig ang simoy ng hangin. Ang sarap sa pakiramdam habang nasasamyo ko 'to papasok sa aking katawan. Ang mga damo'y sumasabay sa bawat ihip ng hangin. Tanging huni ng mga ibon lang ang iyong maririnig.

"Mahal, masaya ka ba sa piling ko?" tanong ng isang tinig. Batid kong galing mula sa aking likuran ang boses na 'yon kaya nilingon ko siya.

Isang lalaki, naka-sando siya at naka-shorts na kulay itim. Hindi ko maaninaw ang kaniyang mukha sapagkat siya'y nakayuko at nakasuot ng sumbrero. Hindi ko alam kung bakit 'yon ang kaniyang naitanong.

"Oo naman, mahal. Makita ka pa nga lang e kumpleto na 'yung araw ko," malumanay kong tugon. Tumayo ako sa kinauupuan kong duyan at saka lumapit sa kaniya.

"Paano kung hindi pala tayo 'yung nakatadhana sa isa't isa?" malungkot niyang tanong.

Gusto kong tanggalin ang kaniyang sumbrero para malaman kung sino siya. Medyo nakaramdam ako ng kirot dahil sa sumunod niyang tanong.

"E 'di sulitin na lang natin ang mga pagkakataon hangga't mayroong tayo," pahayag ko.

Nagulat ako dahil sa mga luhang nag-uunahang bumagsak mula sa kaniyang mukha. Hindi ko alam pero nadagdagan ang kirot sa puso ko.

Ilang saglit pa, hinawakan niya ang aking kanang kamay saka dahan-dahan itong iniangat patungo sa kaniyang labi at ginawaran ito ng isang halik. Para bang may mali, e. Tila ba mayroon siyang nais ipahiwatig.

"Babalik ako, magpakatatag ka lang..." aniya bago siya tumalikod sa akin. Akmang maglalakad na siya palayo ngunit hindi ko napigilan ang aking sarili na yakapin siya mula sa likuran.

"Huwag... huwag muna ngayon. Hindi ko pa kaya," litaniya ko. Unti-unti na ring lumandas ang mga luha mula sa aking mata.

"Hintayin mo 'ko, a? Huwag kang bibitiw..."

Iyon ang huling katagang sinambit niya bago niya ako iniwan nang nag-iisa. Sinundan ko siya pero...

"Huy, friend! Gumising ka! Bakit ka umiiyak?!" Niyugyog ako ni Marion hanggang sa magising.

Syaks! Pagkabangon ko, may mga luha nga sa aking pisnge. Tila ba totoong nangyari 'yung napaginipan kong 'yon. Ngunit, sino siya?

"Anyare sa 'yo?" bungad ni Marion pagkabangon ko. Agad ko namang pinunasan ang aking mukha.

"Prend, ang lungkot kasi ng napaginipan ko. Masyadong masakit sa puso," pahayag ko hanggang inaayos ang aking buhok.

Naupo si Marion sa aking tabi habang tangan-tangan ang kaniyang bag. Ngayon ko lang napagtanto na uwian na pala.

"Gaano kasakit? Pakihimay naman," loka-lokang tugon ni Marion.

"Gaga, baka abutin tayo ng gabi rito. Mas maganda kung umuwi na tayo," ani ko. Tumayo na 'ko at inayos ang aking gamit.

Mayamaya, dumating si Tim na may dalang dalawang kape, 'yung tig-limang piso na mabibili sa vendo machine.

"Magkape muna kayo para gumaan ang inyong pakiramdam," saad ni Tim sabay abot sa amin ni Marion sa dala-dala niya.

Nahihiya akong hindi kuhanin 'yon dahil hindi naman talaga ako mahilig sa kape. Pero dahil bigay naman ng kaibigan ko, 'di na dapat mag-inarte.

"Ay true. Salamat nasnip," sambit ni Marion. Agad naman siyang humigop. Tinikman ko na rin at 'di naman mapait, puwede na sa panlasa.

No More RhymeWhere stories live. Discover now