Chapter 30

795 63 30
                                    

Maaga akong nagising kaya ako na ang nagluto ng ulam namin para sa almusal. Sunny side up lang naman ang ginawa ko sa itlog para mabilis. Ginawa ko ring sinangag 'yung natirang kanin kagabi, s'yempre, nilagyan ko ng mantikilya para mas sumarap.

Hindi pa rin yata gising 'yung mga kasama ko sa bahay kaya nauna na 'kong kumain. Habang kumakain, naalala ko bigla 'yung chocolates na bigay ni Kairus. Nakalimutan kong ilagay sa ref! Syaks! Sana hindi nilanggam.

Dali-dali akong tumakbo sa kwarto para kuhanin 'yon sa loob ng bag ko. Para akong nabunutan ng tinik nang makita kong okay naman ito at hindi pa lusaw, medyo lumambot lang nang kaunti.

"Naisip mo na naman si Kairus, 'no?" bungad ni Agatha habang nag-iinat-inat.

"Shhh, huwag kang maingay, Agatha. Baka magising si Ate Rox, kung ano pa isipin no'n. Saka hindi ko siya naisip, ah. Naalala ko lang 'yung chocolates sa bag ko," tugon ko sabay pakita sa kaniya ng tangan ko.

"Asus, hindi mo 'ko maeeklat," pasaring niya.

"Naku, ewan ko sa 'yo. Sumunod ka na lang sa kusina, nakahain na ro'n 'yung pagkain," ani ko.

Matapos 'yon, agad kong inilagay sa loob ng ref 'yung mga chocolate at nagpatuloy ako sa pagkain. Ilang sandali lang, dumating na rito si Agatha.

"Wow, ang ganda ng pagkakaluto mo sa egg, ah. Hindi sabog 'yung pula, iba talaga kapag inspired, e," panunuya ni Agatha.

"Okay na sana, e. Napuri na 'yung luto ko. Isiningit pa 'yung inspired kuno na 'yan. Hindi nga kasi si Kairus ang gusto ko, si Joash," giit ko.

"I see, siya 'yung pinag-uusapan n'yo ni Ginny kahapon," turan ni Agatha habang kumukuha ng pinggan sa may lalagyanan. Agad siyang naupo sa tabi ko at sumabay na rin sa pagkain.

"Yes, kaya huwag mo na akong tuksuhin kay Kairus. Hindi kami magkakasundo ng mokong na 'yon," sambit ko.

Nakakamay na kumain si Agatha kaya parang natakam ako sa unang subo niya. Binitiwan ko na 'yung hawak kong kutsara't tinidor at nagkamay na rin. Hmm, mas lalo kong nadama ang sarap ng sinangag, lasang-lasa ko 'yung mantikilya at bawang sa paghagod ko sa aking kamay.

"O siya, para maiba naman, may outing kami nina Kailee sa sabado. Gusto mo bang sumama?" marahan niyang tanong.

"Kapag wala roon si Kairus, sasama ako," saad ko.

"Tsk, naipasok mo na naman si Kairus. Bakit ba mainit ang dugo mo sa kaniya? May ginawa ba siya sa 'yong hindi maganda?" Hindi ako agad nakasagot sa tanong ni Agatha. Hindi ko puwedeng sabihing hinalikan ako ng lokong 'yon, maha-hot seat pa 'ko.

"Marami kasi siyang kalokohan sa buhay, mahangin, mayabang, hindi ko gusto ang ugali niya. Hindi ba siya puwedeng maging mabait kahit minsan lang?" tugon ko.

"Ganoon talaga madalas ang mga lalaki. S'yempre, lalaki 'yan. Hindi 'yan nagpapatalo, ayaw ipakita na mahina sila. Pero gayon pa man, may soft side rin sila. Makikita mo 'yon kapag lubos mong nakilala ang isang tao," pahayag ni Agatha.

Habang pinagmumuni-munihan ko ang sinabi ni Agatha nagtimpla muna siya ng kape. Nakasilay lang ako sa kisame, tama naman kasi si Agatha. Pero kung pagkukumparahin ko sila ni Joash, ang laki ng pagkakaiba nila. Siguro, depende rin talaga 'yan sa tao. Oo, may mali rin ako kasi agad kong hinusgahan ang pagkatao ni Kairus. 'Yon kasi ang ipinapakita niya, anong magagawa ko?

"Ano? Go ka na ba?" bungad ni Agatha pagkabalik niya sa kaniyang puwesto.

"Pag-iisipan ko muna," matipid kong tugon.

"Natutuwa lang siguro sa 'yo si Kailee kasi wala siyang nakababatang kapatid na babae kaya gusto ka niyang imbitahan. Kung nandoon man si Kairus, ignore mo na lang. Kung wala, e 'di masaya, wala kang problema," paliwanag pa niya.

No More RhymeWhere stories live. Discover now