07012018

8 2 0
                                    

Tayo pala dapat

Nabasa ko yan na ipinangalan kong file name sa ating litrato
Noong huling araw na nginitian mo ako
Nang bigyan kita ng isang pirasong anthurium
Bilang pasasalamat ko dahil naging parte ka ng buhay ko;
Naging masaya ang buhay ko
Dahil nagkakilala tayo.

Nakakatawa ang tadhana.
Yong biro niya,
Hanggang ngayon nakakatawa pa rin talaga
Dahil sa dami kong tawa
Ako na ay naluha...
At aminin ko man o hindi,
Naluha ako dahil pinagtatawanan ko
Ang sarili kong katangahan.

Napakatanga ko talaga.
Napakatanga ko dahil noong mga panahong minamahal ko siya,
Sinasabi mo sa aking 'ako na lang sana, wag na siya'
Napakatanga ko dahil mali pala
Ang pagkakaintindi ko
Sa pagiging malapit ko sayo.
Dahil sa lubos na katangahan ko
Sa pagmamahal ko sa kanya,
Hindi ko kailanman kinuwestiyon ang sarili ko
Kung Bakit napakasaya ko tuwing nginingitian at kinakausap mo ako,
Tuwing magrereply ka sa mga walang kwenta kong gm
Na kadalasan naman ay patama ko lang talaga
Para mapansin niya ako.
Napakatanga ko.

Dapat pala...
Dapat noong napagtanto ko
Na iba na ang nararamdaman ko para sayo
Dapat umamin ako
Kahit alam kong masasaktan ang puso ko
Dahil bukod sa ikaw nga'y ilang milyang pagkalayo-layo,
May iba na ring itinitibok ang puso mo.
Dapat naging matapang ako
Pero naunahan ako ng takot sa puso ko.
Natakot akong tuluyan kang mawala.
Natakot akong masira ang matalik nating pagkakaibigan.
Natatakot ako na baka pagkatapos kong umamin sayo
Ikaw na mismo ang lalayo.
Kaya umiwas ako.
Syempre, tanga ako eh.

Iniwasan ko nang magpuyat para lang maka-usap ka.
Iniwasan ko nang tumingin sa facebook profile mo
Na kahit wala namang bago
Ay umaasa akong malalaman ko
Kung ano na ang nangyayari sa buhay mo.
Iniwasan kita hanggang sa ang huli kong mensahe sayo
Ay ang pagbati ko sa kaarawan mo.
Ang astig ng regalo ko ano?
Dahil kalakip ng pagbating iyon
Ay ang desisyon kong kalimutan na
Ang damdamin kong napagtanto ko lang
Sa iyong paglayo.

Umiwas ako...
Pinilit na kalimutan ka.
Pero dahil ako'y tanga,
Hindi ko nagawa.
Kasi kahit anong pilit ko
Mahal pa rin talaga kita.

At wala akong ibang magawa
Kundi ang humiling sa mga tala,
Na sana...

Sana kung hindi mo na siya mahal
At kung wala ka pang mahal...


Sana ako na lang...

mahal.

Language of the HeartWhere stories live. Discover now