Chapter 1

529 26 26
                                    

Naligalig na naman ang mundo ni Yasmin. Palaging ganoon ang nangyayari tuwing nakikita niya si Dr. Ethan Olivares. Dumaan kasi ito sa harapan niya at kahit malayo na, hinabol pa rin niya ito ng tingin.

Sino bang babae ang hindi maa-attract kay Ethan? Bukod sa mayaman, may hitsura at maganda pa ang katawan nito. Hindi nga pang matinee idol ang kaguwapuhan, pero nakatatawag pansin ang tindig at kilos nito. Maawtoridad. Isang katangiang makikita sa taong successful o sanay na sinusunod.

Itinukod ng dalaga ang siko sa mesa bago siya nangalumbaba, may matamis na ngiting nakapagkit sa kaniyang mga labi. Kailan kaya niya mahahaplos ang matipunong dibdib nito? Kailan niya matitikman ang mga labi nito? Masarap kaya itong humalik?

Nasa isip niya pa lang iyon pero kinikilig na siya. Kulang na lang, tumili siya. Para kasing may kumikiliti sa kaniya. Nasira lang ang pagdi-daydream niya nang hinampas siya ng papel sa mukha ng katabi niya.

"Aray!" reklamo niya. "Ba't ba nanghahampas ka? At, mukha ko pa talaga ang pinag-initan mo."

"Kanina pa tumutunog 'yang telepono. Ilang beses na rin kitang tinawag, pero lutang 'yang isip mo." Pinandilatan siya ng mata ni Jessica. Medical receptionist din ito kagaya niya sa pinapasukang private clinic. Pito ang doktor doon na may kaniya-kaniyang specialization. May sariling pathology laboratory din iyong clinic.

"Tigil-tigilan mo 'yang kalokohan mo. May asawa na 'yang pinagnanasaan mo. Saka, 'di papatol sa 'yo 'yon. Ganda kaya ng asawa n'yon," patuloy ni Jessica.

Umasim ang mukha niya. Hindi niya alam kung dahil na-offend siya sa sinabi nitong hindi siya papatulan, o dahil sa maganda ang asawa ng doktor.

"Ano namang akala mo sa 'kin, pangit?"

"Ayun! So, ano? May balak ka?"

"Maging mistress?" Ngumisi siya. "Not bad. I like the sound of it."

"Eh, kerida? Kulasisi? Number 2? Maganda bang pakinggan?"

"Ikaw"-tinuro niya ang daliri dito-"galing mong mambasag ng trip, ano?"

"Huwag mong sabihing seryoso ka? Sayang ang ganda mo, 'day, kung sa may asawa ka lang lalagpak."

"Inamin mo ring maganda ako," may halong yabang na sabi ni Yasmin.

"Oo, maganda ka. But no offense meant, magkaiba kayo ng standard ng asawa n'ya."

She's pretty, but not extremely beautiful. Iyon ang pinupunto ni Jessica. Simple lang ang ayos niya. Nakalugay ang kaniyang unat at hanggang balikat na buhok. Lipstick at mascara lang ang in-apply sa mukha. Hindi siya gumagamit ng pressed powder. Nagtitipid kasi siya kaya nagtitiyaga siya sa baby powder. Hugis ng katawan ang talagang asset niya. Balingkinitan iyon, pero may kalusugan ang dibdib at matambok pa ang puwet. Kapag wala siyang suot na heels, nasa 5'4" ang taas niya.

"Wow, ha! Kung maka-standard ka, akala mo, diyosa ng kagandahan 'yang asawa ni Doc. Pero salamat na rin kahit nang-insulto ka."

Matamang tinitigan siya ni Jessica bago nito sinabing, "Siguro kung maaayusan ka, baka pwede pa. Nakita mo na ba 'yong asawa ni Dr. Olivares?"

"Hindi pa. Pumupunta ba 'yon dito?"

Matagal nang namamasukan ang kausap kumpara sa kaniya na tatlong buwan pa lang sa clinic. Hindi nakapagtatakang mas marami itong alam kaysa sa kaniya.

Umiling ito. "Nakita ko siya last Christmas party. Teka,"-kinuha nito ang cell phone-"may kuha siya sa akin dito."

Excited na naghintay si Yasmin. Ang tagal niya nang sini-search sa Facebook si Ethan kahit sa tingin niya, malabong mag-facebook ang isang katulad nito. Agad niyang hinablot ang cell phone nang iniabot ni Jessica iyon sa kaniya.

Faithlessly YoursTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon