Chapter 1: THE BEGINNING

196 6 3
                                        

Palubog na ang araw sa kanluran. Nakaupo ako sa bintana ng aking kwarto habang patuloy na humahanga sa kagandahan ng kahel na kalangitan at mga ibong nagliliparan.


Isang araw na naman ng pananabik ang lumipas. Pananabik sa aking ina at ama.

Dalawang buwan na ang mabilis na lumipas matapos ang pangyayaring nagpabago sa lahat.

***
Nagising ako sa kalaliman ng gabi dahil sa lakas ng mga kulog at kidlat. Dinig na dinig sa bubong ng aking kwarto ang malalakas na patak ng ulan. Lumabas ako sa aking kwarto upang pumunta sa kwarto nila mama at papa.

Buti naman at bahagya nang nakabukas ang pinto ng kwarto nila kaya naman dali-dali akong pumasok. Ngunit laking gulat ko ng walang madatnang tao sa loob. Sira at basag ang mga gamit sa kwarto nila mama at papa. Nabalot ng pagtataka at malaking takot ang buo kong katawan. Nagdilim ang paligid ko. Pakiramdam ko'y umiikot ang sahig na tinatapakan ko.

Hindi ko na nabalanse ang katawan ko hanggang sa matumba ako't mawalan ng malay.

Umaga na ng magising ako na nakahiga na sa aking kama. Agad-agad kong naalala ang nangyari at mabilis akong bumangon. Sakto naman ang pagpasok ng isang babae sa kwarto ko at nag-aalalang lumapit sakin.

"Ano, Dawn? Ayos na ba ang pakiramdam mo? Napadaan kase ako kanina dito, tumatawag ako mula sa labas ng bahay n'yo pero wala namang sumasagot. Napansin kong bukas ang pinto kaya pumasok na 'ko." Marahan n'yang hinipo ang aking noo at leeg bago nagpatuloy sa pagsasalita.

"Nagulat ako kanina dahil sobrang gulo ng bahay n'yo at parang dinaanan ng bagyo. Tapos nakita kitang walang malay na nakahiga sa sahig kaya dinala na kita dito sa kwarto mo." Mahaba n'yang paliwanag.

"Dawn, ano bang nangyari?" Muling tanong ng best friend kong si Alice.

Napayakap ako sa kanya habang umiiyak na nagkwento.
***
Isang malakas na ihip ng hangin ang nagpabalik sa'kin sa kasalukuyan. Inabot na pala ako ng gabi dahil sa kakaisip. Minabuti kong bumaba na sa bintana at isinarado ko na ito.

Humiga na ako sa kama at mabilis akong kinain ng antok. Sigurado akong isang pamilyar na panaginip na naman ang dadalaw sa'kin.

---
Pinagmamasdan ko ang isang batang babaeng nakaputi habang nakaupo ito sa ilalim ng isang malaking puno na may kulay asul na mga bulaklak. Pinapanood n'ya ang mga isdang lumalangoy sa malinaw na batis.

Tumayo ang batang babae at yumakap sa matandang babae at lalaking katabi n'ya. Walang mukha ang matandang lalaki at babae ngunit pamilyar sa paningin ko ang pigura at hubog ng katawan nila. Kilala ko sila. Maging ang suot na kwintas ng matandang babae ay pamilyar din.

Akmang lalapit ako sa pwesto nila ngunit napatigil ako nang magsalita ang bata. "Mama, Papa, mahal na mahal ko kayo. 'Wag n'yo 'kong iiwanan ha. 'Wag n'yo 'kong ibibigay kay Ms.Vivoree. Natatakot ako sa kanya eh. Mama, Papa, I love you."
---
Napabalikwas ako sa aking higaan at naramdaman kong may mga luha nang tumutulo mula sa aking mga mata. Muli kong naramdaman ang pananabik sa mga magulang ko.

Sobrang linaw ng panaginip ko. Parang totoong totoo ang mga nangyari. Ang weird pero halos gabi-gabi kong napapanaginipan 'yung batang babae mula nang mawala sila mama at papa. Huminga ako nang malalim at napahawak sa aking dibdib.

Bigla kong nakapa ang suot kong kwintas. Simple lamang ito pero sobrang ganda ng pagkakagawa. May naka-attach na kulay puting bato sa pendant nito. Ibinigay sa akin ni mama ang kwintas na 'to noong gabi bago sila mawala ni papa. Mula noon ay hindi ko na ito hinubad.

UNIVERSITY OF ADVANCED ABILITIES And The Elemental Princess Where stories live. Discover now